Chapter 2

44 0 0
                                    

“Jack are you okay?”  agad na tanong ni Abby sa kaibigan pag-upo pa lang sa sasakyan.  Hinaplos niya ang pisngi ng kaibigan.  Nag-text kasi ito sa kanya at sinabing susunduin na siya.  Kilala niya ang kaibigan.  Sa text pa lang nito, ramdam niyang may problema ito at gusto ng kausap. 

Napabuntunghininga lang si Jack.  Bakas sa mukha ang bigat ng dinadalang problema.

“Jack, speak up,” hikayat ni Abby dito. “Handa akong makinig sa iyo, ‘Di ba magkaibigan tayo?”  “Mukhang nakakahalata na sa bahay tugkol sa akin,” sabi nito.

“Ha?  Bakit?”  agad na tanong ni Abby. May bahid ng pag-aalala para sa kaibigan.

Guwapo si Jack.  Maputi at makinis.  Katamtaman ang taas.  Maganda ang trabahong napasukan sa isang advertising agency at na-promote agad wala pang isang taon dahil na rin sa sipag at talent nito.   Nag-e-excel sa trabaho.  Nasa probinsiya ang pamilya nito.  Si Jack ay naninirahan sa isang 2-bedroom house sa lunsod na ibinenta ng dating katrabahong nag-abroad. 

Pero may lihim ito.  Lihim na sa kanya lamang nito unang nabuksan.  At nang lumaon, sa pagdalaw-dalaw nito sa kanila, nalaman na din ng kanyang mga magulang.  Sa kabila ng nalaman sa pagkatao nito, hindi nagbago ang turing ng kanyang pamilya dito. Kaya naman napalapit na din si Jack sa kanyang mga magulang, at kahit sa kanyang bunsong kapatid.

Bakla si Jack.  At lihim sa pamilya nito ang talagang kasarian.  Istrikto kasi ang tatay nito.  ‘Yun ang dahilan kaya’t mas pinili ni Jack na ilihim na lang ang natuklasan sa pagkatao kaysa naman itakwil ng buong pamilya.

Kaklase niya ito dati sa isang subject sa university, seatmate sila at naging magka-partner pa sa ilang project dahil sa magkasunod na surname nila.

Naipagtapat ito ni Jack kay Abby nang minsang gagawa sana sila ng project pero ramdam niyang problemado ito.  Nag-usap sila hanggang sa mag-open ito sa kanya.  Ang puntong iyon ang naging pasimula ng kanilang pagkakaibigan.   Naging madalas silang magkasama.  Magkasabay sa pagpasok o pag-uwi, kapag kumakain o minsan-minsa’y namamasyal.  May ilan pa nga na nag-aakalang magkasintahan sila dahil hindi naman alam ng mga ito ang talagang pagkatao ni Jack. 

Sabagay, kahit ang mga magulang ni Abby ay ‘yun din ang akala sa kanilang dalawa noong una.  Lalo pa at madalas niyang naaaya sa bahay si Jack. 

Na sinasagot naman niya nang matapat sa pagsasabing magkaibigan lang talaga sila ni Jack at wala silang dapat ipag-alala sa kanilang dalawa.

Sa madalas na pagpunta-punta ni Jack sa kanila, nakaramdam na din ito ng kapanatagan.  Nang lumaon, ito na mismo ang nagtapat sa kanyang mga magulang ng pinakaiingatang lihim.  Bagay na naunawa naman ng mga ito.  Alam din ng mga ito na namomroblema si Jack sa pamilya nito dahil sa kanyang kalagayan.  Sa pamamagitan ng pamilya ni Abby, parang nakasumpong ng second family si Jack sa lunsod.

Sa halos apat na taon na magkasama sila, lumalim pa lalo ang kanilang pagiging magkaibigan.

Bagama’t hindi maiaalis sa ilan na isiping may relasyon silang dalawa dahil sa closeness nila. 

At alam niyang ganoon din ang akala ni Landon.  Ang pamangkin ng kanyang boss na nakilala kanina.  Alam niya na nakita nitong hinaplos niya ang mukha ni Jack pag-upo sasasakyan.  O mas masasabing ipinakita niya talaga dito nang gawin iyon.

Hindi naman siya manhid para hindi maramdamang pinagdududahan ni Landon ang kanyang pagkatao.  Hindi niya alam kung paano nito nakita na ipinipilit ibalik sa kanya ng kanyang boss, na nakasanayan na niyang tawaging tito Jim, ang sobre ng pera kanina.  At dahil siguro ‘yon ang nakitang eksena ng binata, nag-isip tuloy agad na humingi siya ng pera sa matanda kaya siya nagsadya sa opisina nito.

Maling AkalaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon