CHAPTER THIRTEEN
TULALA. Hindi makapaniwala. At tila ayaw talagang paniwalaan ni Erica ang mga sinabi ni Charlie. Nagsasaya na ang puso niya pero ang utak niya, processing pa rin.
Nahinto si Jeraldine sa pagsubo ng pagkain nito at hinarap siya. "Talagang hindi ka makaget-over?" nakatawang sabi nito.
Marahan siyang umiling. "Three years... three years kaming hindi nagkita at nag-usap nang matino tapos biglang ganoon? Bigla na lang aamin siyang gusto niya—"
"Mahal," pagtatama pa nito. "Mahal ka niya."
Namula ang mga pisngi ni Erica at hindi na naman kumalma ang puso niya. "Kita mo! Mahal? Anong kalokohan naman iyon? Mahal niya na 'ko bigla after three years? Eh, nung umalis ako noon, kung makayakap siya kay Chryzelle sa burol ni Lolo Carlos akala mo nakadepende na buong buhay niya sa babae?"
Sumubo ang pinsan niya ng California Maki at saka marahang ngumuya. Tila nag-iisip. Siya ay halos hindi magalaw ang inuwi nitong pagkain.
"Malay mo naman nang nawala ka saka niya na-realize 'yun?" anito. "Hindi ba may ganoon naman? Kung kailan hindi na nakikita at saka natin hinahanap? Kung kailan wala na at saka natin napagtatanto na may gusto pala tayo?"
"Wow, ah. Tagal niyang na-realize. Three years?"
"Ikaw na mismo nagsabi, ma-pride iyon. At baka in denial siya for the past years. Ang mahalaga umamin na siya." Nanunuksong tinignan siya nito. "At hindi pa naman huli ang lahat, hindi ba? Maybe this is the reason why you can't move on after all these years, Erica."
Napayuko siya at hindi na nakasagot pa.
"Tingin mo ba, hindi totoo ang confession niya?" tanong nito.
Humugot siya nang malalim na hininga. "Ang daming tao sa lobby kanina. Tapos sinigaw niya pang mahal niya 'ko..."
Parang kinikilig na ngumiti ang pinsan niya. "O? May tao kayang ipapahiya ang sarili niya sa harap ng maraming tao kung nagloloko lang?"
"Eh! Jeraldine, si Charlie kasi 'yun!"
"Oo nga. Si Charlie iyon. Si Charlie na kaaway mo. Si Charlie na kapikunan mo. Si Charlie na ex-pretend husband mo. Si Charlie na minahal mo at minamahal mo pa rin. Si Charlie na hindi ka makapag-move on kahit hindi naman naging kayo."
Kinurot niya ito sa tagiliran at natatawang umiwas lang ang pinsan. Natawa na lang rin siya dahil natamaan siya sa lahat nang sinabi nito.
"Dapat nga thankful ka kay God kasi may katugon pala 'yang nararamdaman mo," wika pa ng pinsan niya. "Iyong iba nga diyan, wala talagang katugon ang damdamin."
Hindi na maintindihan ni Erica ang nararamdaman niya talaga. Kaya ngayong masaya sana siya, utak ang purong gumagana sa kanya.
Sanay na sanay ang utak niyang kontrahin ang puso niya. Sinanay niyang ganoon. Kaya ngayon... "Hindi mo rin kasi maiaalis sa'kin na maghinala pa rin. Nakakakilig, oo. Aarte pa ba ako? Hindi na dapat hindi ba? Pero hello, reality check lang! Kapag nagpadala tayo kaagad sa sinasabi ng damdamin na hindi muna nag-iisip, masasaktan tayo. Kita mo ang daming hugot at bitter sa Facebook?"
Jeraldine rolled her eyes. "Oo nga. Eh, ikaw, hindi ka nga nagpadala sa damdamin agad, which is good. Pero puro utak lang naman ang pinapagana mo. Pati ba sa lovelife, kailangang psychiatrist ka?"
Natigilan si Erica sa sinabi ni Jeraldine at talagang parang sinapak siya sa lakas ng tama niyon. Hindi na nagawang kumontra ni Erica at natahimik na lang.
Believe her, she really liked what Charlie said. She was very happy after his love confession. But...but logic just crept on her.
It scared her.
BINABASA MO ANG
Sexy Crazy Wife (TOG #4) - Published by PHR
RomanceKasal-kasalan. Bahay-bahayan. Paano bang hindi mahuhulog ang loob nina Erica at Charlie sa pagpapanggap nila bilang mag-asawa? Written ©️ 2015-2016 (Published 2018 by PHR) Book Cover made from Canva Pro