CHAPTER TWO
Alani's pov
BUMUHOS ang kanyang luha nang marinig niya ang hatol ng husgado sa kanyang nobyong si Hunter. Reclusion Perpetua or life imprisonment ang hatol. Tila gusto niyang mabaliw sa kanyang narinig. Pulis si Hunter at nakapatay ito ng tao. Self defense ang nangyari. Walang gustong tumistigo na walang kasalanan ang kanyang nobyo lalo pa at may kaya ang napatay ni Hunter. Mabilis na nasuhulan ang batas kaya nahatulan si Hunter.
"Hunter!" sigaw niya. Nakita niyang umiiyak si Hunter habang hawak ng mga pulis upang ibalik sa kulungan.
Mga bata pa lamang sila ay magkasintahan na sila ni Hunter. Maaga palang ay naulila na sila kung kaya si Hunter ang itinuturing niyang pamilya. Kapwa sila lumaban sa buhay upang makamit ang kanilang kinalalagyan ngayon. Nakapagtapos sila ng kolehiyo at nagkaroon ng kanya-kanyang trabaho. Sa munisipyo ng Sorsogon siya nagtratrabaho bilang personal secretary ng dati niyang kaklaseng si Mayor Ezekiel Villareal.
Paano na siya ngayong nakakulong ang kasintahan? Hindi niya iyon matanggap lalo pa at self defense lang ang ginawa nito. Kailangan nitong protektahan ang sarili. Wala itong kasalanan sa nangyari pero lahat ay ito ang idinidiin. Wala siyang magawa upnag matulungan ang nobyo.
Umuwi siyang bagsak ang kanyang mga balikat. Hindi niya alam ang gagawin pero isa lang ang gusto niyang gawin. Ang mailabas ang nobyo sa kulungan. Marami itong pangarap sa buhay. Marami silang pangarap sa buhay. Paano nila iyon gagawin kung nakakulong ito?
"Alani," tawag sa kanya ni Becca. Kaibigan niya ito. Napapitlag siya ng yugyugin siya ng kaibigan. Nakarating na pala sila sa bahay nang hindi niya namamalayan. "Okay ka lang?" nag-aalalang tanong sa kanya nito.
Muli siyang napaiyak kaya niyakap siya ng kaibigan.
"Hindi ko kaya Becca. Hindi ko kayang makitang mabubulok sa bilangguan si Hunter," wika niya pa.
"Wala tayong magagawa Alani. Batas na ang humatol kay Hunter," sagot pa ni Becca sa kanya.
Bakit lahat ay naniniwala na may kasalanan si Hunter? Siya lang ba ang bulag sa katotohanan na walang kasalanan ang nobyo? Mabuting tao si Hunter at imposibleng magagawa nitong pumatay. Kahit ano pang sabihin ng mga tao ay naniniwala siya sa nobyo. Hinding-hindi niya ito huhusgahan.
"Hindi ako papayag na makulong siya. Hindi siya nararapat doon," wika niya pang napapahagulhol.
Dinala siya ni Becca sa kanyang silid upang makapagpahinga siya. Ilang araw na rin kasi siyang hindi nakakatulog dahil sa pag-iisip kung ano ang kahihinatnan ng kaso. Gusto niya sa tuwing na may pagdinig ay makita siya ni Hunter upang hindi ito panghinaan ng loob. Alam niyang sa kanyang kumukuha ng lakas ng loob si Hunter. Hindi siya tumanggi nang bigyan siya ng gamot ni Becca upang makatulog siya nang mahimbing.
MAAGA pa lang ay gising na siya upang maghanda ng dadalhin sa kulungan. Nagmamadali rin siya dahil may pasok pa siya sa munisipyo. Tiyak na masesermonan na naman siya ni Mayor Ezekiel. Nakakatakot pa naman ito kapag nagagalit. Bumubuga ito ng apoy.
"Alani?" umiiyak na wika ni Hunter nang makita siya. Kaagad siya nitong niyakap. "Kumusta ka?" tanong nitong tumutulo ang luha.
"May mga dala akong pagkain para sa'yo," wika niyang umiiwas ng tingin. Gusto n'ya na naman kasing maiyak.
Sa ilang linggo na pananatili nito sa kulungan ay nagmumukha na itong ermitanyo. Ang mukha nito ay natatabunan na ng bigote. Napapabayaan na nito ang sarili. Hindi ito ang Hunter na kilala niya dahil si Hunter ay palaban. Lumalaban sa kahit anumang hamon ng buhay.
Hindi niya napigilan ang luha at sunod-sunod iyong pumatak. Nadudurog ang kanyang puso. Pinangako n'ya pa naman sa sarili niya na hindi siya iiyak sa harapan nito.