CHAPTER NINE
Alani's pov
HINATID siya ni Ezekiel sa kulungan kung saan nakakulong si Hunter. Napagtanto niya na tama si Ezekiel. Hindi niya na dapat pang paasahin pa si Hunter dahil pag-aari na siya nito. Tinupad na ni Ezekiel ang pangako nito sa kanya na makakalaya na si Hunter sa susunod na linggo.
Hindi niya mapigilang hindi kabahan sa maaaring kahihinatnan ng pag-uusap nila ni Hunter. Balak niyang aminin ang lahat sa nobyo.
Kinakabahan na hinihintay niya si Hunter na palabasin ng kulungan. Nanatili siya sa waiting area. May dala rin siyang pagkain at mga pangangailangan nito. Si Ezekiel pa mismo ang nagsabi sa kanya ng kanyang mga dadalhin. Gusto niyang isipin na mabait si Ezekiel pero kilala niya ito. Ilang taon niya na itong amo at saksi siya sa ugali ng lalaki. Hindi nga siya sanay na mabait ito sa kanya dahil kilala niya itong mainitin ang ulo. Konting kibot lang ay nakasinghal na ito. Alam niyang ginagamit lang siya ni Ezekiel. Naggagamitan lamang sila. Pilit niya iyong sinisiksik sa utak niya. Sino ba naman kasi siya para seryosohin nito sa dami ng babaeng nagkakagusto rito? Isa lamang siyang pampalipas oras. Tanggap niya na ang magiging buhay niya kay Ezekiel.
"Alani," tawag sa kanya ni Hunter.
Maluwag ang ngiti nito sa kanya. Pilit ang ngiting ipinagkaloob niya kay Hunter. Lumapit ito sa kanya at niyakap siya ng mahigpit. Gumanti siya ng yakap sa nobyo. Ang dating pagkasabik na mayakap ito ay hindi niya na naramdaman ngayon at hindi niya alam kung bakit, siguro ay dahil sa dala niyang balita para rito.
"Kumusta ka'na?" tanong sa kanya ni Hunter. "Nagtatampo na ako sa'yo. Nakakalimutan mo na akong dalawin," wika pa nito sa kanya.
Umupo ito sa upuan nito katapat niya.
"Nagdala ako ng pagkain at ilang pangangailangan mo," pag-iibaba niya ng usapan. Inilabas niya ang kanyang dinala upang makita nito. Kaagad na kumuha ng mansanas si Hunter at kinagat iyon.
"Kumusta sa labas? Totoo ba na makakalabas na ako?" tanong pa ni Hunter sa kanya kaya tinitigan niya ito. Higit na okay ito ngayon kaysa noong huling dalaw niya.
"Baka sa isang linggo lang ay makakalaya ka'na," nakangiti niyang wika rito. Napansin niya ang kislap ng mga ni Hunter dahil sa kanyang sinabi.
"Totoo? Paano?" tanong pa nito sa kanya.
"Ginawan ng paraan ni Mayor Ezekiel ang kaso mo upang makalaya ka," wika niya pa.
Napansin niyang bahagya itong napangiwi dahil sa kanyang sinabi. Noon pa man ay allergy na ito sa pangalan ni Ezekiel.
"Ang importante ay magkakasama na ulit tayo Alani," wika pa ni Hunter sa kanya.
Inabot nito ang kanyang kamay at bahagyang pinisil. Binawi niya ang kamay na hawak nito.
"Nandito ako para tapusin na rin ang lahat sa atin Hunter," nakayuko niyang wika sa nobyo. Hindi niya kayang titigan ito sa mata.
"Nakikipaghiwalay ka sa akin?" gulat na gulat na tanong ni Hunter sa kanya. Ibinaba nito ang mansanas na hawak. "Bakit? Bakit Alani?" sunod-sunod na tanong ni Hunter sa kanya.
Nag-angat siya ng tingin at napansin niya ang pagtulo ng luha ni Hunter. Parang kinurot ang kanyang puso dahil sa kanyang nakita. Hanggat maaari ay ayaw niya itong masaktan. Simula pagkabata nila ay nakasandal siya kay Hunter. Naging tagapagtanggol niya ito sa lahat ng oras. Kung hindi dahil kay Hunter ay baka namatay na rin siya. Iniligtas siya nito noong panahon na pakiramdam niya ay wala ng saysay ang kanyang buhay.
Naiwan siyang mag-isa at sinadya niya rin na wakasan na lang ang buhay pero dahil kay Hunter ay nagkaroon siya ng pag-asa. Binigyan siya nito ng pagkakataon na mabuhay ulit.