CHAPTER ELEVEN
Alani's pov
SA LABIS NA pag-iyak ay nakatulog siya. Nakalimutan niyang nasa bahay pala si Ezekiel. Masyado niyang dinamdam ang mga sinabi ni Hunter sa kanya kanina kung kaya wala na siyang ginawa kundi ang mag-mukmok hanggang sa nakatulog.
Pagbaba niya ay nakita niyang nakahiga si Ezekiel sa sofa. Tulog na tulog ito. Napatingin siya sa orasan. Alas-siyete na pala ng gabi. Napansin niya ang alak sa mesa. Mukhang naglasing itong mag-isa. Lumapit siya kay Ezekiel at tumabi sa sofa. Humiga siya sa tabi nito. Hindi niya alam kung bakit niya iyon ginawa. Isa lang ang alam niya. Kailangan niya ngayon ang yakap ng lalaki. Sumiksik siya sa katawan ni Ezekiel. Tila siya batang naghahanap ng kakampi.
Napatitig siya sa mukha nito. Tulog na tulog pa rin ito.
Bakit ang gaan ng pakiramdam niya ngayon kay Ezekiel? Samantalang ito ang dahilan kung bakit naghiwalay sila ni Hunter. Ito ang dahilan kung bakit siya nasasaktan sa mga salitang binitiwan ni Hunter. Ganun pa man ay wala siyang makapang galit kay Ezekiel. Siya ang lumapit dito. Tinulungan pa rin nitong makalaya si Hunter.
Bigla niya tuloy naalala ang mga panahon na kaklase niya si Ezekiel. Malayo kasi ang loob nito sa kanya.
"Hindi ba anak ka ni Mayor?" tanong niya kay Ezekiel.
"Oo bakit?" tanong sa kanya ni Ezekiel. Payat na matangkad si Ezekiel samantalang si Hunter na man ay malaki ang katawan.
"Wala lang, naisip ko lang kasi na mayaman naman kayo bakit sa public-school ka nag-aaral?" tanong niya pa sa kaklase. Nilapitan niya lang talaga ito para tanungin dahil nakikita niyang walang kumakausap sa lalaki. Kahit matagal niya ng alam na anak ng Mayor ito ay iyon pa rin ang itinanong niya. Wala na siyang ibang maisip.
"Gusto ko lang dito," sagot pa sa kanya ni Ezekeil. "Wala namang panukala na bawal mag-aral ang anak ng Mayor sa mga pampublikong paaralan hindi ba?"
"Bakit ayaw mong makipagbarkada sa amin?" tanong niya pa.
"Hindi na, mas nakakapagfocus ako kung mag-isa lang ako," makangiting wika sa kanya Ezekiel.
Kahit nakangiti ito ay nakikita niya pa rin sa mga mata nito ang lungkot.
Kahit payat ito ay matalino si Ezekiel at gwapo. Marami ngang nagkakagusto rito pero likas na isnabiro ito. Wala itong pinapansin sa kanila. Tahimik lamang ito sa klase. Sa tingin niya nga ay napapanis na ang laway nito.
"Sige na pumunta ka'na sa boyfriend mo," pagtataboy pa sa kanya ni Ezekiel.
"Hindi mo ba matanggap na nauungusan ka ni Hunter sa mga exams?" tanong niya pa pero ngumiti lang si Ezekiel sa kanyang sinabi.
"Hindi ko kailangan makipagkumpitensiya sa kanya. Matalino ako sa malinis na paraan," wika sa kanya ni Ezekiel kaya natigilan siya.
"Anong ibig mong sabihin?"
"Ayoko sana itong sabihin sa'yo pero 'wag kang maging proud sa boyfriend mong nandadaya para lang maging lamang," wika pa ni Ezekiel sa kanya bago siya nito tinalikuran.
Natigilan siya sa sinabi nito kaya mabilis siyang pumunta kay Hunter. Nagtatawanan ang barkada nang lapitan niya si Hunter.
"Pwede ba kitang makausap?" tanong niya sa nobyo.
"Oo naman,"
"Tayong dalawa lang sana," seryoso ang boses na wika niya kay Hunter.
Sandaling nagpaalam si Hunter sa mga kaibigan nila.