Ikalimang minuto...
"Miss umuulan na. Halika na."
"Te-teka kuya. Yung bag ko."
"Hay naku. Hindi ko naman to nanakawin. Halika na. Sumama ka nalang sa amin ni inay. Kanina pa yan nagpupumilit na isama ka."
"Po?"
"Lika na!"
"Halika na ineng. Umuulan na. Magpatuyo ka muna sa amin."
"Oh? Halika na! Ay teka, Miko nga pala."
Ba't ka ganun kuya? Ba't ayaw mong magpakita?
"Clara po."
"Clara...hmmm. Magandang pangalan. Hahawak lang ako sa balikat mo ha? Iisa na lang tayo ng payong."
"S-sige po."
Lumalakas na yung ulan. Bawat pag-apak naming dalawa ay mas lalong bumibigat yung loob ko.
Kahawig mo siya kuya. Mula sa tindig niya pati na rin ang mga mata. Hawig na hawig mo siya.
Nababaliw na siguro ako sa kakaisip ng isang imahinasyon na alam ko namang hindi mangyayari.
Alam mo ba ha kuya kung ano ang nasa isip ko?
Ikaw.
Sa tabi ko.
Nakayakap.
Sa ilalim ng umaambon na ulan.
Na kahit ang ingay ingay na nitong tunog na dinudulot ng mga patak, hinding hindi nito kailanman mapapantayan ang nangungulilang tibok ng puso ko.
Na sana ay nandito ka.
Na sana ay naipagtanggol mo ulit ako.
Na sana ay naranasan ko kahit sandali man lang ang mayakap ka ng mahigpit sa tuwing niyayakap ako ng gumagahasa sa akin.
Na sana ay nahawakan ko ang damit mo habang umiiyak sa mga karanasan kung minsan ay dinadala ako sa desisyong magpatiwakal na lang.
Na sana ay naramdaman ko ulit ang pagmamahal mo bilang pantakip sa espasyo sa puso ko na binubuo ng kawalan ko ng pagmamahal ng isang ina, ng isang ama.
Na sana ay dumating ka.
Na sana ay nandito ka.
Dapat sana ay hinahanap na kita ngayon.
Ang sabi ko pa sa sarili ko ay hindi magiging hadlang ang ulan sa kung sakali man na bumagsak ito habang hinahanap kita.
Saka ganun naman talaga siya palagi kuya diba?
Sa tuwing may delubyo, sa tuwing may unos, may nanakit, may nagagahasa, at may sumisigaw, ulan palagi ang sumasalubong sa ating dalawa.
Na tila ba ay pinapanood nito ang bawat mapapait na sandali ng ating buhay, pinagtatawanan, binabasa, binabaha.
Asan ka na nga ba kuya?
"Halika miss. Kuya! May kasama kaming babae. Magtimpla ka ng kape!"
"Magbihis ka muna ineng. Nabasa ka pa naman."
"Sa kuwarto ka nalang ni kuya. Wala kasi kaming kapatid na babae."
"Sige po."
Bumungad sa akin ang sankatutak na mga damit na nagkalat sa sahig.
Parang ikaw lang kuya, makalat.
Unti-unti na akong nagbihis. Pinalitan ko yung tshirt at pantalon ko ng isang bestidang may disenyong mga bulaklak. Nakita ko kasi to sa tiange sa halagang trenta pesos. Mukha namang maganda.
Naalala ko pa noon kuya kung gaano mo ako pinagbabawalan na magsuot ng bestida. Pati sa pagsimba gusto mong nakapantalon na lang ako.
"Miss?"
Dali-dali kong kinuha ang mga damit ko na nagkalat sa sahig.
"Pasensya na po. Nagbihis po kasi ako," paghingi ko ng paumanhin habang nakayuko.
"Ay naku okay lang. May kape nga pala akong tinimpla. Saka huwag ka nang yumuko, mapapagkakamalan tuloy kitang koreana dahil diyan," saka siya humalakhak.
ang halakhak niya...
ang pagtawa niya...
Hindi ako pwedeng magkamali.
Dali-dali kong itinaas ang ulo ko para makita ang mukha niya,
ang mukha mo.
"C-clara?"
At hindi nga ako nagkamali.
"Kuya"
Kuya...
"A-anong ginagawa mo dito?"
"Kuya"
At tuluyan na ngang bumuhos ang mga luha ko.
"Kuya," tawag ko pa ulit.
Nangungulila ako sa'yo kuya...
"Te-teka ikaw yan diba?"
Suminghot ako at saka tinakpan ang bibig ko para pigilan ang malakas kong hikbi; sapagkat ganun akong umiyak, ayaw na ayaw kong naririnig ninyo ang mga hikbi ko.
Sapagkat ano pa nga ba ang silbi kung wala naman sa inyo ang nakikinig.
Pero ikaw kuya, iba ka. Dahil pinapakinggan mo ako, mula sa unang patak hanggang sa huli.
Unti-unti kang lumapit.
Iniangat yung mukha saka ako tiningnan sa mata.
"C-clara"
Kuya...
Kasabay ng malakas na pagbuhos ng ulan ay ang pagtulo ng luha mong unti-unting lumalandas patungo sa labi mo.
Pumikit ako. Nag-iwas ng tingin. Saka humagulhol na nakatingin sa pader.
Ayokong makita mo kuya.
Ayokong makita mo sa mga mata ko ang lahat ng pait na naranasan ko.
"Ako to kuya.
Si Clara na nakikipaglaro sa'yo.
Si Clara na tinatanggol mo.
Si Clara na musmos.
Si Clara na inosente."
At kasabay ng pagdating ng malakas na tunog ng kulob, ay ang hagulhol kong sumisigaw na sa pait, sa sakit, at sa nakakamatay na lungkot at pangungulila.
Saka ako tumingin sa mga mata mong umiiyak pa rin.
Unti-unti kong binaba ang kamay kong nakatakip sa bibig ko, sabay hawak sa mukha mo.
Hinanap ko ang mga mata mo at saka ipinaramdam yung sakit at pangungulila ko. Kahit yun lang. Kahit maramdaman mo lang.
Saka ako humagulhol, unti-unting lumuhod, at sumaklolo ng pabulong.
"Kuya...
tulungan mo ako"