Unang minuto...
Maulan na nga pala sa June kaya pala ang ingay. Madalas kapag ganito yung panahon ay may nangyayaring malungkot.
Pero kung sanay ka na parating malungkot ang mga linya ng buhay mo ay hindi ka na siguro maninibago sa ulan.
"Aba Clarita! Saan nanaman ang punta mong bata ka ha! Sandamakmak na labahan ang meron dito tas aalis ka?"
"Nay, lalabas lang ho ako. Nagpapabili po kasi ng yosi si itay."
"Yang tatay mo talaga! Mas mahal pa yang mga bisyo niya. Wala na ngang naging pakinabang inuuna pa ya--"
Di ko inalintana ang daan, ang lasing, ang magulong mga bata, ang tumutunog na speaker sa kanto, at ang masayang pagchichismisan ng mga naglalaba sa labas.
Magulo. Madilim. Tanaw mo rin ba ha? Tanaw mo rin ba ang unti-unting pagdilim ng kalangitan? Kasi ako? Kitang kita ko.
Malinaw sa akin ang lahat, mula sa unang pagpatak, sa pangalawa, pangatlo...at hanggang sa ito ay naging ambon.
"Aba mare. Yan yung anak ni Carding di ba? Yung sumisigaw kagabi?"
"Aba'y oo nga. Bali-balita dito na ginagahasa daw yan ng sariling ama. Yung ina namang sugarol ay walang pakealam kaya nanahimik na lang daw ang batang iyan."
"Kawawang bata. Hay nako. Di na natin yan problema. Lika na nga."
Narinig mo yun? Kawawang bata daw. May naawa pa rin pala sa batang yun noh? Akala ko kasi, naiwan na siyang mag-isa. Tahimik na umiiyak, tahimik na nagtitimpi. Kasi nga, walang sumasagip sa kanya.
"Ate pabili nga ng yosi"
Asan ka na kuya?
"Oh eto iha. Umaambon na magmadali ka nang tumakbo."
"Sige po."
Di ko na kasi ata kaya.
Mabuti nalang at umaambon. Walang nakakapansin sa unti-unti kong pag-iyak. Walang umiimik maliban na nga lang sa umiiyak kong kaluluwa na sumasabay sa mga patak ng ulan.
Kuya, eh kung magbigti nalang kaya ako?
Wag na lang pala. Di ka pa kasi nagpapakita.
Kung sabagay, paano mo nga naman ako makikita eh ang laki ng mundong ginagalawan mo. Di na ata kita maabot.
Kaya kahit humingi pa ako sa'yo ng tulong, katulad na lang ng mga magulang ko, ng mga tinderang nagchichismisan, at ng mga babaeng hinuhusgahan ang bawat pag-apak ko.....
hindi mo rin ako maririnig.
Mabuti pa yung pipi naririnig ako. Naalala mo si Mingming? Yung pusang pinakapaborito ko? Buhay pa rin siya hanggang ngayon. At oo, siya lang yung napapaglabasan ko dito ng loob.
Siya yung naging karamay ko sa mga panahong wala ka.
Kaya bumalik ka na sana, kuya.
![](https://img.wattpad.com/cover/54327963-288-k708109.jpg)