Sandali...
Hindi ka nagsalita. Tiningnan mo lang ako habang nakayuko ako at umiiyak.
Iyon na. Nasabi ko na rin sa wakas.
Dali-dali akong tumalikod at pinulot yung mga damit ko para mabilis na mailigpit sa bagahe.
Pinupulot ko na yung pantalon ko nang marining ko ang mga yapak mo.
Natulala ako saglit sa ginagawa mo.
"K-kuya?"
Nagtataka ako kasi bigla mo nalang pinulot ang damit ko atsaka ako tinulungan sa pagligpit.
"Kuya, bakit?"
Hindi ka pa rin umimik habang ako ay natulala lang sa gilid, na para bang sinusuri ka at ang mga kilos mo.
Pati pantalon ko hinablot mo mula sa pagkakahawak ko at saka ipinasok sa bagahe sabay sara ng zipper nito.
Pagkatapos ay kumuha ka ng sarili mong bag at saka dali-daling naglagay ng sarili mong gamit.
"Kuya anong ginagawa mo?"
Di ka pa rin sumasagot.
"Kuya di mo ba ako narinig? Kuya mahal kita! Pero mali kuya! Sobrang mali! Ngayon, anong ginagawa mo? Ba't nagliligpit ka rin ng gamit?"
Di mo pa rin ako pinapansin. Nalilito na ako. Di ko na alam kung anong gagawin ko sa'yo; kung pipigilan ba kita o hahayaan na lang na sumama.
"Kuya?"
Biglang pumasok si Mico.
Kung siya ay nagtataka sa mga kinikilos mo, mas nagtataka naman ako sa hawig ng mukha niyo.
Kasi sobrang hawig talaga. Pero diba magkapatid tayo? Kaya papaanong magkakahawig kayo?
"Kuya, anong ginagawa mo?"
"Mawawala ako ng isang linggo. Umalis saglit si Mama diba? Sabihin mo nalang sa kanya pagdating niya. Hindi na ako magpapaalam."
"Ha? Teka ba't mawawala ka?"
"Sasamahan ko lang si Clara," sabay hablot sa kamay ko.
"Te-teka kuya saan tayo?"
"Kuya! Ba't kayo aalis ha? Saka ka-ano-ano mo naman si Clara at kung makakaladkad ka ay parang magkakakilala na kayo?"
"Sabihin mo na lang kay Mama. Magpapaliwanang ako pagbalik ko."
"Mamang trysikol pasakay!"
"Kuya!"
Sumisigaw na si Miko sa kakatawag sa'yo pero parang wala kang naririnig. Palipat-lipat ang tingin niya sa ating dalawa kaya wala akong nagawa kundi ang yumuko na lamang.
"Manong sa San Isidro po."
"Kuya saan tayo?"
"May tiyahin ako sa San Isidro. May pinaparentahang bahay. Doon ka muna tumira at saka sasamahan kitang mag-enroll sa pinakamalapit na paaralan."
"Ha? Te-teka kuya---"
"Papasyal tayo. Tayong dalawa lang. Marami akong sasabihin sa'yo"
"-napakarami."
Tumahimik na lang ako.
Mga halos tatlumpung minuto rin ang byahe papuntang San Isidro kaya nakaka-ilang na ang pagtahimik ko.
Magsasalita na sana ako kaya lang ay nang lumingon ako, ibang mga mata ang nakita kong nakatingin sa malayo. Ibang-iba.
Kaya tuluyan na akong nahiyang magsalita.
Ilang minuto ang lumipas at puro pagbubuntong-hininga na lamang ang naririnig ko.
Saka ko sinimulan ang pagbibilang, para sa mga minutong kasama kita ngayon.
Hawak-hawak mo ang mga kamay na ilang beses ko nang pinagsiklop, upang humiling sa langit. Na kung sakali, kung baka sakali lang sana kuya, na totoo man ang himala, pagbigyan nawa ako ng nasa itaas, na mahawakan kang muli, na mayakap kang muli, o kahit ang makita ka lang muli.
Pagkatapos ng ilang minuto kong pagmamasid sa mukha mo ay ibinaba ko ang tingin sa aking mga kamay.
At saka ko nakita ang mga sugat sa aking papulsuhan. Unti-unting bumabalik sa aking utak, at pilit na binibilang ng aking alaala, ang mga segundo ng paggahasa, ang mga minuto ng pambubugbog, ang mga oras ng pangungulila. Unti-unti ay kinakain na naman ako ng awa. Awa para sa sarili, awa para sa lahat, para sa lahat ng hinagpis na natamasa.
Saglit kong inilag ang mga kamay ko mula sa hawak mo, sa pagbabaka sakali na sana ay hindi mahagilap ng naiiba mo ng mga mata, ang mga sugat sa aking kamay. Na sana ay hindi mo makita ang mga sugat ko, sa kamay man, o sa mismong mga mata ko.
Na ang pinaka-ayaw ko sa lahat ay ang nag-aalala ka kuya. Pag-aalala para sa posibleng pagkitil ko sa sariling buhay, pag-aalala para sa posibleng ikaw ang maging dahilan, pag-aalala sapagkat sinisisi mo ang sarili mong wala kang nagawa.
Ayoko ng ganoon kuya. Ayoko.
