VII

6 0 0
                                    

Ilang segundo pa ulit...

Hindi ka sumagot. Pero kumalma yung loob ko. Kumalma yung loob ko sa mga haplos mo. Kumalma yung loob ko sa mga hikbi mo. At kumalma yung loob ko sa paniniwala na mahal mo nga ako.

"I'm sorry."

Saka ka humikbi. Saka mo hinigpitan ang yakap mo. Saka mo hinaplos ang buhok ko. At saka mo ako tiningnan.

Mamatay na ata ako kuya.

Umiiyak ka pero masaya ako. Malungkot ang mga mata mo pero nakukutento ako. Humihikbi ka pero heto ako at sumisigaw sa kaloob-looban ko.

Ang saya ko lang kuya.

Nahanap din kita, sa wakas.

"Ba't ka umiiyak kuya?" tinanong kita ulit habang tinitingnan ang mga mata mo.

Hindi ka nagsalita, pero gumalaw ka. Dahan-dahan mong hinawakan ang mukha ko, at saka pinantayan ang mga mata ko.

Anong ginagawa mo kuya?

"Ang laki mo na Clarita," usal mo habang tumutulo pa rin yung luha.

Ang sarap sabihin na tumigil ka na sa pag-iyak. Hindi na ako masaya sa ginagawa mo kuya. Nasasaktan na ako. Ba't ka ba umiiyak kuya? Diba dapat ay masaya ka na nagkita ulit tayo?

Ba't ganito? Ba't parang pakiramdam ko walang pinagkaiba ang mga taong hindi tayo nagkita sa ginagawa mo ngayon.

Ba't malungkot pa rin? Nakakarindi na kuya. Naiinis na ako sa miserableng buhay na to. Naiinis ako kasi sa lahat ng musmos, sa lahat ng mga bata na nabuhay sa mundong to, bakit pakiramdam ko ako yung isinumpa ng langit para mamuhay ng ganito? Bakit pakiramdam ko na sa araw mismo na ipinanganak ako ay nawalan na ako ng karapatan na maging masaya. Ba't ganun kuya? Bakit?

"Dalaga na ako kuya. Saka kuya naman eh, Clara nga diba?" sabi ko habang nakangiti. Kahit ang totoo ay naluluha nanaman ako ulit.

"Pasensya ka na ha? Wala kasi si kuya sa mga panahon na kinakailangan mo ako. Wala si kuya para ipagtanggol ka. Wala si kuya para masaksihan yung pagdadalaga mo. Wala si kuya para patawanin ka sa tuwing naiiyak ka. Pasensya ka na ha? Kasi wala ako sa tabi mo."

Umiiyak ka pa rin habang mahinahon mong sinasabi ang mga katagang yan.

"Kahit hindi kita mapapatawad kuya, wala naman akong magagawa kasi namimiss kita." Nakangiti pa rin ako na para bang sinisiguro ka na maayos ako.

"Pa-pasensya ka na Clarita," saka mo idinikit yung noo mo sa noo ko at humagulhol ng napakalakas.

"Alam ko Clarita. Alam ko ang mga nangyayari. Sa'yo. Sa bahay."

Kumulob, nang napakalas. Yumuko ako at unti-unting pinakiramdaman ang paglandas ng mga luha ko.

"Alam ko ang mga pinagagawa nila sa'yo pero wala akong lakas na bumalik ulit para ipagtanggol ka. Alam ko ang lahat pero wala akong magawa kasi nabulag ako sa ginhawa na natatamasa ko sa panibagong buhay ko."

At sa unang pagkakataon ay pinasalamatan ko ang ulan dahil sa ginagawa niyang pagtakip sa mga maliliit kong hikbi.

Nakikinig ka pala kuya.

"Alam ni kuya pero wala siyang ginawa. Kasi nga, duwag siya. Kasi wala siyang kwenta. Wala siyang kwenta."

pero katulad nila, pag-iyak ko lang pala ang pinapakinggan mo.

Paano naman yung mga saklolo ko? Paano naman sila?

Humagulhol ka ulit. Tumingin ako sayo nang mapait at ngumiti nang malungkot.

Pinagmasdan ko ang pagpikit mo habang nakadikit pa rin yung noo mo sa noo ko. Pumipikit ka na sa kakaiyak.

Nasasaktan ka ba kuya? Sa alin? Sa pagsisisi?

Eh ako? Nasasaktan ba ako?




Hindi.

Kasi hindi sila mahalaga.

Hindi na mahalaga sa akin ang mga mapapait na karanasan ko noon kuya. Kasi sa puntong to, ikaw lang kuya.

Ikaw lang ang mahalaga.

SegundoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon