Title: Halik sa Hangin
Hindi mapakali at tila walang pagsidlan ang kagalakan na mababakas sa mukha ng binatang si Darren ng matanggap niya ang mensahe na nagmula sa kanyang pinakamamahal na nobyo. Halos tumalon at mapasigaw siya sa sobrang tuwa't kilig ng mabasa ang laman nito. Nagyayaya ang kanyang nobyo na magkita sila pagkatapos nang klase ng binata. Sa kanilang paboritong kainan, ang saksi sa kanilang matamis na pag-iibigan. Ang lugar kung saan una nilang pinagsaluhan ang dalisay at purong pagmamahalan na siyang naging daan upang magsama sila ng masaya at mapayapa sa loob ng dalawang taon. Pagmamahalan na walang makakapigil at makakapantay kaya't tumagal ang kanilang relasyon.
Kung maari lamang patakbuhin ng binata ang oras upang matapos na ang kanyang klase ay kanina pa niya marahil ginawa. Ngunit hindi ganoon ang realidad. Kailangan niya pang makinig sa kanyang propesor sa literatura na wala naman ibang ginawa kung hindi ang mag-pasulat at mag-sermon habang nakaupo na akala mo'y isang lumpo.
Sa totoo lang ay kasalukuyan nang lumilipad ang isip ng binata. Masusi niyang pinag-iisipan kung anong magandang regalo ang ibibigay sa kanyang nobyo na nagdiriwang nang kaarawan ngayong araw na ito. Sa sobrang lalim ng kanyang pag-iisip ay huli na upang mapansin niya ang dalawang pares ng nag-aapoy na mga mata. Ang kanyang guro na ngayon ay nasa kanya ang buong atensyon.
"Darren! Lagi ka na lang tulala, nasa ibang dimensyon na naman ang utak mo! Hindi ka talaga makakapasa sa asignatura ko, dahil sa mga kalokohan mo!" Walang pakundangan na bulyaw ng kanyang propesor. Dahilan upang mapayuko at mapapalatak ang kanyang mukha sa labis na kahihiyan.
Agad naman na nagsituon ang atensyon ng kanyang ibang kamag-aral sa harap ng pisara upang hindi mapagalitan ng tila dragon na itinuturing nilang Propesor. Sa totoo lang ay hindi niya alam kung bakit sa kanya lamang mainit ang dugo ni Ms. Temperatura, samantalang ang iba nga sa kanyang kaklase ay natutulog habang ito'y nagtuturo na kalaunan ay nagiging isang misa sapagkat puro ito sermon.
Habang patuloy sa pakikinig sa kanyang propesor ay pasimpleng kinuha ng binata ang kanyang cellphone sa loob ng kanyang bulsa. Sinilip muli kung nagpadala ng mensahe ang kanyang nobyo. Hindi naman siya nabigo, agad na binuksan ang mensahe at mariin itong binasa.
"Papunta na ako mahal, hihintayin na kita sa ating tagpuan. Mahal na mahal kita." Ang tahimik niyang pagbasa sa mensaheng kanyang muling ipinadala. Lalong bumilis ang pagnanais niya na matapos ang huling klase at mapuntahan na ang nobyo sa kanilang tagpuan.
Ilang minuto pa ang lumipas at ang pagkasabik ay unti-unting nababakas sa kanyang mukha. Doble ang tuwa't saya na kanina'y nadarama ng tuluyang tumunog ang bell. Hudyat na tapos na ang kanyang huling klase para sa araw na iyon. Mas mabilis pa sa kidlat ang kanyang ginawang pagtayo at walang sabi-sabi'y agad niyang narating ang pintuan at tuluyang lumabas. Walang likod-tingin na tinahak niya ang gate ng unibersidad na kanyang pinapasukan at nilisan na ang lugar na puno nang pananabik sa kanyang mga mata.
Inilabas kaagad ang cellphone at tinawagan ang kanyang kasintahan. Hindi naman nagtagal ay sinagot ang tawag mula sa kabilang linya.
"Mahal, katatapos lang nang aking huling klase. Uuwi lang ako sa bahay para magbihis, hintayin mo. I love you." Wika nito sa kausap.
"Sige mahal hihintayin kita, magtext ka na lang kapag papunta ka na. Mahal na mahal din kita. Mamaya na tayo mag-usap baka madisgrasya pa ko." Tugon ng kanyang nobyo na mababakasan nang labis na pagmamahal sa bawat salitang kanyang binigkas.
"Ingat mahal, I love you so much." Huling mga salitang kanyang binitawan bago tuluyang patayin ang tawag.
Agad na sumakay ng dyip ang binata ng makarating ito sa waiting shed. Ilang minuto lamang ang lumipas at nakarating na rin siya sa kanilang bahay. Puno nang kagalakan at may pagmamadali sa kanyang kilos na binuksan ang pintuan. Inihagis sa sopa ang kanyang sukbit-sukbit na bag at dali-daling tinungo ang palikuran upang siya'y maligong muli. Patungo sa banyo ay nadaanan niya pa ang kanyang Ina na abalang-abala sa pagluluto ng kanilang magiging hapunan para sa gabing iyon. Isang halik sa pisngi ang kaniyang iginawad dito bago tumuloy sa kanyang patutunguhan.