Entry #9

37 0 0
                                    

Forget, April


ElevenXxx



Sabi nila ang pag-ibig daw dumarating ng hindi mo inaasahan. Noong una ay wala sa bokabularyo ko ang maniwala rito. Ngunit nang dumating siya, nabago ang persepsyon ko at napagtanto na maari ngang totoo ito. At hindi ko alam kung hanggang saan ako dadalhin ng paniniwalang ito.



Dakilang karibal ko siya pagdating sa lahat ng bagay. Nagsimula sa maliit na gulo ngunit agad rin naming palalakihin. Sigawan rito, asaran doon. Wala kaming pakialam, basta walang nagpapatalo sa aming dalawa.



"Bakulaw!"



"Amazona!"



"Damuho!"



"Sadista."



"Pangit!"



"Mas Pangit ka!"



Iyan lamang 'yan sa mga asaran naming dalawa. Palagi niyang sinisira ang araw ko. At sa araw araw na ginawa ng Diyos, wala na siyang ginawang maganda. Puro kalokohan ang alam niyang gawin. Minsan nga naisip ko, may lugar pa kaya ang salitang "mag-seryoso" diyan sa isipan niya. Pero kahit asar na asar na ako at gustong gusto ko na siyang tirisin na parang kutong lupa, tumitiklop pa rin ako pag siya na ang usapan.



"Hoy! Mr. Leo Asuncion, ako ang mananalo rito. Manigas ka!"



"Nagpapatawa ka ba? Ms. Pauline Guzman, kahit babae ka, 'di kita pananalunin."



Iyan ang sinabi niya sa akin noong minsan na nag-P.E class kami. At kapag minamalas nga naman, isa siya sa mga nakalaban ko sa takbuhan. Lalaki siya, babae ako, ano namang panama ko sa kaniya? Pero dahil hindi niya alam ang salitang gentleman, nilabanan niya ako at pinilit manalo. Gusto ko sana magreklamo noon. Pero dahil pinaglihi sa tigre ang teacher namin, nawalan ako ng lakas ng loob.



"Tsk! Okay ka lang ba?"



Mga salitang narinig ko mula sa kaniya nang madapa ako sa gitna ng kompetisyon. Hindi ko akalain na tutulungan niya ako. Siya na sana ang mananalo, pero may nauna sa kaniya ng dahil sa ginawa niyang pagtulong sa akin. Inalalayan niya ako at dahan-dahang tinulungan na makatayo kaya kahit paano ay nagbago ang tingin ko kaniya. Pero panandalian lang pala ang lahat. Magpapasalamat na sana ako, ngunit nagbago ang isip ko dahil sa sumunod na tinuran niya.



"Lampa ka kasi! Ayan tuloy."



Naitirik ko na lamang ang aking mga mata dahil sa naging pahayag niya. Oo, tinulungan niya ako. Pero saksakan pa rin ng sama 'yang pag-uugali niya. Iyon nga lamang,kahit anong aking gawin, pilitin ko mang mainis ay hindi ko magawa. Siya at siya pa rin talaga ang kahinaan ko.



"Bitawan ninyo siya! Ano ba? Mga gago kayo a!"



Iyan ang mga salitang narinig ko nang bigla siyang dumating para tulungan ako. Niligtas niya ako nang minsang mapag-trip-an ng mga tambay sa kanto. Akala ko ay wala ng makatutulong sa 'kin noon. Mangiyak-ngiyak na ako dahil sa kaba at takot na aking nararamdaman. Pero dumating siya at ipinagtanggol ako. Gayon na lamang ang paglapad ng ngiti sa aking mga labi. Pakiramdam ko ay isa akong prinsesa na niligtas ng prinsipe mula sa kapahamakan. Nagkaroon ako ng pag-asa ng pagkakataong iyon na baka mapansin niya rin ang nararamdaman ko...



"Huwag kang matuwa. Kahit sinong lalaki, gagawin ang ginawa ko."



Sinabi niya nang mapansin ang pagguhit ng ngiti sa aking mga labi. Agad itong napawi at napalitan ng lungkot. Nanlumo ako ng pagkakataong iyon. Akala ko naman ay nag-aalala siya sa akin kaya niya ako iniligtas. Pero akala ko lamang pala ang lahat. Isang maling akala. Naisip ko na baka hanggang pag-asa na nga lamang ako. Hindi niya ako kailanman mapapansin, iyan ang masakit na katotohanan.

Romance Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon