Entry #8

28 1 0
                                    

A Writer's Path by deviantcath



Napakamot na lang ng ulo si Hazel sa maliit niyang apartment room, habang nag-iisip ng entri para sa writing contest ni Mrs. HS na sasalihan niya. Isang mahusay na awtor si Mrs. HS, at taon-taon itong nagsasagawa ng patimpalak upang tulungan ang kapwa nito manunulat na maisalibro ang kanilang mga akda.



Hanggang ngayon ay blanko pa rin ang dokumentong paggagawan ni Hazel ng istorya sa laptop niya. "Bakit ba kasi romance ang genre sa kontes na 'to? Hindi tuloy ako makapag-isip ng matino." Hindi kasi tungkol sa kuwentong romansa ang isinusulat ni Hazel at sa halip ay mga kuwentong may misteryo ang isinusulat niya.



Matinding pagsasaliksik pa nga ang ginawa niya para lamang makabuo ng magandang kuwento ngunit nakukulangan pa rin siya. Para bang walang emosyon ang kuwento niya. Pakiramdam niya'y hindi ito hahaplos sa puso ng mga mambabasa.



Napapitlag na lang siya nang biglang tumunog ang cellphone niya, may tumatawag.



Agad niya itong sinagot. "Magandang tanghali, Ginoo!" natatawang bungad ni Hazel kay Mhorric, ang kanyang kaibigan at kapwa manunulat. Ewan ba niya. Pakiramdam niya'y tinatambol palagi ang puso niya sa tuwing naririnig niya ang boses ni Mhorric at lalo na kung makikita niya ito.



"Nasaan ka? Bakit hindi ka pumasok ngayon?" Batid ni Hazel ang pagkairita sa boses nito.



Magkaklase kasi sila kaya alam na agad nito kapag hindi siya pumasok sa kanilang klase. Hindi na rin kasi nakapasok si Hazel ngayon dahil tinanghali na siya ng gising sa pag-iisip ng magandang plot para sa istorya niya.



Nagpanggap naman siyang nauubo bago sumagot. Sigurado kasi siyang sesermonan na naman siya ni Mhorric kapag nalaman niyang iyon lamang ang dahilan. "M-may sakit ako!" saad nito kasunod ng pekeng pag-ubo ngunit hindi naman ito pinaniwalaan ng binata.



"Baliw," saad ni Mhorric bago ibaba ang tawag.



Napailing na lang si Hazel sa isinagot ng binata. "Teka, may naisip na ako!" Ngumiti naman si Hazel bago buksan ang laptop niya. Si Mhorric lang talaga ang nagbibigay ng inspirasyon sa kanya para makapagsulat.



"Nagpuyat ka na naman ba?" Ito ang bungad na tanong ni Mhorric sa kanya nang makarating ito sa una nilang klase. Nasa ikatlong taon na sila sa kursong Creative Writing at noon pa man ay hindi na mapaghiwalay ang dalawa.



"Halata ba? Nag-aral pa kasi ako dahil alam kong may long quiz ngayon." Hindi umimik si Mhorric at sa halip ay tinitigan niya lang ang mga mata ni Hazel. Tila ba'y binabasa ang mga mata nito kung nagsisinungaling ba ito o hindi.



Totoo namang nag-aral si Hazel pagkatapos niyang magtipa ng introduksiyon para sa kanyang entri.



"Okay..." Ngumiti si Mhorric sa dalaga at tumango, "kumusta na ang entri mo para sa writing contest ni Mrs. HS?" tanong nito.



May oras pa sila para magkuwentuhan dahil wala pa naman ang professor nila. "Wow! Pati ba naman 'yon, alam mo! Hindi ko nga sinasabi sa 'yo na sasali ako roon dahil alam kong mangingialam ka," biro ng dalaga rito.



"Paanong hindi ko malalaman e ang dami mong post sa Facebook tungkol doon," paliwanag ng binata.



Napangisi naman si Hazel sa sinabi nito. "Stalker!" sigaw niya kasabay nang sunud-sunod niyang pagtawa. Isang dummy account kasi ang ginagamit ni Hazel sa pag-po-post ng mga paksang may kinalaman sa kanyang pagsusulat at hindi iyon alam ni Mhorric.



Ayaw niya rin kasing gamitin ang tunay niyang akawnt lalo pa't sinisikreto niya lamang ang kanyang pagsali sa mga writing contest, at dahil iyon kay Mhorric. Inaamin niyang takot siyang makalaban ito kung kasali mang maisipan nitong sumali.

Romance Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon