Title: Hiling
Maningning na langit ang sumasalubong sa paningin ng isang binibini. Malaya niyang pinanonood ang itim na kulay ng kalangitan. Kasabay ang malakas na hangin na tila yumayakap sa maliit nitong katawan.
"Ang lamig," mahinang bulong ng dilag.
Natatawa namang umusod palapit sa kaniya ang isang binata. Niyapos siya nito habang nagsasalita,"nagpaparinig ka lang e."
"Siyempre naman," tugon ng dalaga. Hinigpitan pa niya lalo ang pagkakayakap na ani mo'y ayaw nang kumawala.
"Sana ganito pa rin tayo," bulalas ng binibini.
Ngumiti ang lalaki at kasabay no'n ay ang unti-unting paglaho ng kaniyang imahe.
Bigla namang dumating ang kaibigan ng dilag habang sumisigaw.
"Briana! Pinapatawag ka!"
Walang ganang tumayo mula sa pagkakaupo ang dalaga. Pinagpag ang damit na nadikitan ng damo. Saka tumitig sa isang puno kung saan nakaukit ang pangalan nilang magkasintahan.
Bumuntong hininga muna ito bago bumaba ng bundok. Doo'y sinalubong niya ang mga kasamahang nag-uusap-usap. Didiretso na lang sana ang binibini sa nakalaang tulugan ngunit may pares ng pamilyar na mga mata ang pumukaw sa kaniyang paningin.
"Cath, sino siya?" pagtatanong ni Briana habang hindi inaalis ang tingin sa binata.
"Alin diyaan?" patanong na sagot ng kausap.
"Iyong may matingkad na ngiti," wala sa sariling tugon ng dalaga.
"Si Sir Michael? Ikaw ah, crush mo rin? Guwapo naman nga kasi talaga. At alam mo ba, may balita ako para sa 'yo. 'Yang apelyido niya? Huh! Magiging akin 'yan balang araw."
"Ah, Michael pala," ang tanging sinabi nito saka nagkibit-balikat.
Tumalikod na si Briana ngunit napatigil nang may kumawak sa kaniyang braso. Para bang bigla siyang nakuryente sa nangyaring iyon.
"Bakit?" masungit na untag ng dilag.
"Ah, wala lang," nahihiyang sagot ng binata.
Nagkibit-balikat lamang siya saka hinablot ang sariling kamay. Naupo ito sa isang bato at nag-antay sa pagtawag ng mga tagapamatnugot.
"May aktibidad tayo ngayong gabi," seryosong pag-aanunsiyo ng matandang guro.
"Hindi pa ba puwedeng matulog?" pag-iinarte ng isa na mukhang nakadroga dahil sa pula ng mata. Halatang antok na antok na.
"Limang pung puntos ito. Kaya kung sino man ang makagawa nito nang maayos, madali na lang para sa kanila na maging kampiyon."
Marami ang nagbulung-bulungan patungkol dito ngunit may babaeng tumakbo nang mabilis papunta sa kaniyang mga gamit.
"Cath? Ano'ng ginagawa mo?" untag ng guro.
"Nag-aayos," sambit nito.
Napailing na lang ang matanda't nagsalita.
"Ano pa'ng ginagawa niyo riyan?" masungit niyang tanong.
Nagsitakbuhan din naman ang lahat maliban kay Briana.
"Unang grupo, si Michael ang maghahawak sa inyo ha?" pagkakausap ng guro kay Briana. Hindi naman ito kumibo at nananatili lang sa pagkakaupo.
Nang matapos sila sa pag-iimpake'y agad na umalis ang kanilang grupo.
"Flashlight?" tanong ni Cath sa mga kasamahan habang nag-aabot nito.
"Huwag," sambit ng binata.
"Huwag kayong gagamit niyan. Parte ito ng pagsusulit, ang harapin ang inyong takot sa dilim," dagdag pa nito.
"Paano mo makikita ang daan?" untag ni Briana.
"Kabisado ko ang lugar. Humilera kayo nang maayos. Kumapit ang bawat isa. 'Wag lilingon sa likod, ang tingin ay sa lapag upang hindi madapa. Mabato ang ating daraanan kaya marapat lang na tignan ang nilalakaran," utos ni Michael.
Nagtinginan ang mga kasama nito ngunit sumunod din. Takot ang nanaig sa kanila habang naglalakad. Bukod sa tahimik ang bawat isa'y kinakabahan pa.
Matapos ang ilang minuto'y binasag ni Cath ang namamayaning katahimikan.
"Ano, Briana. 'Wag kang gagalaw ha?" bulong nito habang mabagal na lumalayo sa binibini.
"Bakit?" untag ni Briana.
Bigla namang tumakbo ang mga kasama nito maliban kay Michael. Akmang hahabulin na sana niya ngunit pinigilan siya ng binata.
Sinamaan naman siya ng tingin ng dalaga,"ano ba-"
" 'Tulad ng nabanggit nila, huwag kang gagalaw," seryosong sabi ni Michael.
Nakaramdam ng lamig sa binti ang dilag, dahilan upang ito'y mapatalon. Nanlalaki ang mga matang napatili habang nakatitig sa nilalang na kumagat sa kaniya.
"Ang kulit talaga!" inis na sigaw ng binata habang nakatitig lang sa tumuklaw na ahas.
Inalalayan niya si Briana at hinayaan lang na umalis ang hayop na iyon.
"Bakit hindi mo pinatay?" nanglalambot na tanong ng binibini.
"Si Cath na mismo ang nagsabing manatili ka lang sa posisyon mo kanina. Alam niyang non-venomous 'yong ahas kaya aalis lang din agad. Nakita mo no'ng tumakbo sila? Hindi niyan hinabol. Kung hindi ka tumalon malamang ay hindi ka kinagat. Nagulat lang 'yon, kumbaga defensive mode."
Napataas ang kilay ng dalaga habang umuupo.
"Ba't nga 'di mo pinatay?" pag-uulit niya sa kaniyang katanungan.
Inilabas ni Michael ang baunan niya ng tubig.
"Kasi kung ginawa ko 'yon ay mas lalo lang siyang aatake," sagot ng binata na siyang mas lalong nagpagulo ng isip ni Briana. Hindi na lamang ito kumibo at ibinaling na lang ang atensiyon sa paa.
Pinunit niya ang parte ng damit kung saan nakagat ang binibini saka binuhusan ng malinis na tubig ang marka. Matapos ay pinunasan niya ito gamit ang isang malinis na tela. Tumayo na ang binata ay inalalayan si Briana.
"Iyon na 'yon? Hindi mo man lang ba tatakpan itong sugat ko?" untag ng dalaga.
"Pamamahayan ng bacteria 'yan kapag ginawa ko 'yon," tugon ng kausap.
"Bacteria? Arte nang pagkakasabi mo ah."
"Nagsalita ang hindi. Halika na nga't hahabulin pa natin ang mga kaibigan mo," pag-aaya nito ngunit napatigil nang marinig ang tinig ng kaniyang kapwa guro. Ito ay nagsasalita 'mula sa bitbit na 'walkie talkie'.
"Michael?" dinig niyang sabi mula sa earphone.
"Group one," ang sagot ng binata.
"Okay, gusto ko lang sabihin na bumalik dito ang mga kagrupo mo. Sa amin na sila sasabay. Pakialagaan nang maayos si Briana at may pinapasabi si-" hindi natapos ang matanda sa sasabihin dahil sumingit dito si Cath.
"Enjoy!" sigaw nito saka namatay ang radyo.
"Nalowbatt," bulong ni Michael sa sarili.
"Ano raw?" ang tanging itinanong ng kasama.
"Halika na. Kailangan nating maglakad."
"Paano sina-"
"Kasama sila ng iba kaya umalis na tayo rito."
Hindi agad gumalaw roon ang dalaga pero sumunod pa rin. Inalalayan siya ng binata upang makapaglakad nang maayos. Nilagay rin nito ang isang kamay sa bewang ng binibini. Napapitlag naman ang dalaga dahil sa ginawa nito ngunit naibalik ding agad ang ekspresyon.
"Mukhang hindi ka sanay na may gumagawa nito sa 'yo," bulong ni Michael habang palinga-linga at naglalakad.
"At ikaw naman. Halatang ang dami mo nang nagawan ng ganitong bagay," tugon ng dilag.
"Marami na nga. Sanay naman kaming mga officers na magfirst aid," wala sa sariling saad nito.
"Hindi iyon ang ibig kong sabihin," bulong ni Briana saka humakbang. Ngunit nagkamali ito ng apak kung kaya't siya'y dumulas sa isang malawak na butas.
"Briana!" sigaw ng binata dahil tanging kamay na lamang ng kasama ang kaniyang nahawakan.
"Huwag mo 'kong bibitawan," naluluhang sabi ng binibini.
Nag-alinlangan muna si Michael bago nagsalita.
"Bitaw," sambit nito.
"Ano? Mamamatay ako kapag ginawa ko 'yon!"
"Hindi mo ba 'ko pinagkakatiwalaan?"
"Hindi," maikling tugon ni Briana.
Hindi na lamang sumagot ang binata at unti-unting kumawala sa pagkakagagap. Nagtititili naman ang dilag ngunit agad din itong natigil.
"Ay abot ko lang pala," bulong nito habang nakatitig sa mga paa.
"Hay, halika na nga rito," pag-aaya ni Michael.
Bumaba ro'n ang binata saka binuhat ang binibini. Hindi ito agad nakagalaw dahil sa labis na pagkabigla. Napatitig na lang siya sa maamong mukha ng kasama.
"Ito ang tinutukoy ko," wala sa sariling saad ng dilag.
"Huwag kang masyadong kiligin," pang-aasar ni Michael, nakatingin ito ngayon diretso sa mata ng dalaga.
"Anong- hindi ako kinikilig sa 'yo," pagmamaang-maangan ni Briana.
"Hindi raw pero ang bilis ng tibok ng puso," tugon ng binata.
"Ikaw ba naman ang matuklaw ng ahas tapos halos isiping mamamatay ka na dahil sa pagkahulog sa bangin. Tingin mo hindi ako kakabahan no'n?"
"Kunwari na lang akong maniniwala sa 'yo," sagot ni Michael.
"Ibaba mo na nga 'ko," singhal ng dalaga.
" 'E paano kung ayaw ko?" tanong ng binata habang inilalapit ang mukha kay Briana.
"Ano'ng gagawin mo?" dagdag pa nito saka ngumiti nang nakakaloko.
Napalunok na lang ang binibini, dahilan upang mapatawa nang mahina si Michael.
"Hindi kita bibitawan kasi baka ano pa'ng mangyari sa 'yo," bulong nito habang ang mata'y nakatitig sa malayo.
"Para kang ewan," ang tanging naisagot ng dilag at hindi na nagpumiglas.
"Mahal na mahal ka naman," gusto sanang sabihin ng binata ngunit mas piniling manahimik.
Nanatili silang dalawa sa gano'ng posisyon nang ilang oras. Pero nang bumagsak ang ula'y sumilong sila sa isang malaking puno. Ibinaba ni Michael ang kasama at akma sanang aalis upang maghanap ng panggatong.
"Saan ka pupunta?" tanong ni Briana.
"Sandali lang ako," ang tanging isinagot ng binata.
"Mamaya ka na umalis kapag tumila na ang ulan."
"Kailan pa 'yon? Sa lakas niyan, baka bukas pa matapos."
"Saka bibilisan ko lang," dagdag pa niya.
"Pero-"
"Natatakot ka ba?" pang-aasar ng lalaki.
"H-hin-"
"Hindi naman pala 'e." Nagkibit-balikat si Michael.
"Oo na, natatakot ako kasi baka hindi ka bumalik," nahihiyang saad ng binibini.
Napabuntong hininga ang binata at lumuhod sa harapan nito. May inilabas siyang maliit na bote. Inabot niya ito kay Briana.
"Kapag kinabahan ka, inumin mo 'to," nakangiting sabi ni Michael. Agad iyong kinuha ng dalaga at ininom.
"Ngayon pa lang ay kinukutuban na ako nang masama."
"Mawawala rin 'yan. Babalik ako at sisiguraduhin ko iyon. Hindi ako katulad niya," saad nito ngunit hininaan ang mga huling salita.
"Sige na't baka mas lalo pang lumakas ang ulan," pagpapaalam ni Michael.
Hinawakan ng binibini ang kamay ng binata.
"Mag- mag-iingat ka."
"Siyempre naman. Ako pa ba?" tugon nito na siyang nakapagpatahimik kay Briana dahil narinig niya na 'to noon.
Unti-unting bumitaw ang dalaga at tumango dahilan upang tumalikod si Michael. Naglakad ito palayo hanggang sa hindi na matanaw ng dilag.
"Babalik siya," pagkukumbinsi niya sa sarili.
Lumipas ang ilang oras at nananatiling nakaupo ro'n si Briana. Kahit na kating-kati na siyang sundan ang kasama'y hindi ito umaalis sa puwesto. Iniisip na baka biglang bumalik si Michael.
Nang mainip ay tumayo na ito ngunit napaupo rin nang makarinig ng kaluskos mula sa mga damo. Biglang lumitaw roon ang lalaki.
"Takot ka 'no?" pang-aasar ng binata.
"Hindi," sambit ng binibini.
Nagkibit-balikat lang si Michael at inilapag ang mga kahoy. Kumuha siya ng posporo mula sa dala-dalang bag at mabilis na inayos ang lahat upang gumawa ng apoy.
May inilabas din itong maliit na kumot at ipinatong sa balikat ng dalaga.
"Akala ko ba ay bawal gumawa ng kahit na anong makakapansin sa atin?" untag ni Briana.
"Hindi naman nila malalaman," sagot ng kasama.
"Isa pa'y baka mamatay ka sa lamig. Mukha pa man ding hindi ka sanay," dagdag pa nito.
"May tanong lang ako. Ba't ka sumama sa camping?" pag-iiba ng dilag sa paksa.
"May- ano- hay. Maniniwala ka ba kapag sinabi kong may pinoprotektahan ako?" untag ng lalaki.
"Ha? Sino naman?"
"Sikretong malupit 'yon! Kaya bawal sabihin," nakangising sabi ni Michael.
"O? 'E bakit kailangan mo siyang protektahan?"
"Kasi mahalaga siya sa 'kin."
"Ano ba kayo?"
Napatigil ang binata dahil sa prangkang pananalita ng kausap.
"Wala, pero malaki ang koneksiyon namin. Ikaw? Ba't ka sumama rito?"
"Maniniwala ka rin ba kung malaman mong kaya kong mag-ilusyon at maramdamang totoo ito?" tanong ng binibini.
"Kaunti lang siguro? Pero magkuwento ka pa rin."
"Sa lugar na ito'y kaya kong gumawa ng sarili kong buhay. Kung saa'y ilalagay ko si Briana sa isang paraiso.
May isa kasing lalaki na sobrang halaga sa akin ang biglang nawala pero may iniwan siya sa akin. Ito ay ang pag-iilusyon para makasama, mayakap at mahagkan ko siya kahit na hindi ito totoo."
"Sino 'yong lalaki?" untag ni Michael.
"Iyon nga lang ang problema ko. Naaalala ko ang masasaya naming araw pero hindi ang mismong mukha, pangalan, at ang buo niyang katauhan. Madalas ay unti-unti kong naiiba ang mukha niya sa aking isip. Kumbaga'y bumabalik na ang memorya ko. Hanggang sa nakita kita.
Nakakatawa mang pakinggan pero ang pinakahuli kong pag-iilusyon sa lalaking iyon ay kamukhang-kamukha mo siya."
"Talaga? Baka naman crush mo lang talaga ako?" pang-aasar ng binata.
"Mukha mo. Sige na, inaantok na 'ko 'e." Agad na nahiga ang binibini sa kaniyang camping bed. Ipinikit ang mga mata saka nilamon ng antok.
Ilang oras matapos 'yo'y biglang nagsalita si Michael.
"Matapos ito, sana'y maging maayos na ang buhay mo," malungkot na sabi nito habang nakatitig sa natutulog na mukha ni Briana.
Nang sumikat ang araw ay nagising ang dilag dahil sa narinig na mga sigawan.
"Nasaan si Briana?" tanong ng isang lalaki habang kinukuwelyuhan si Michael.
"Hindi ko alam," tugon ng binata at diretsong nakatitig sa mga mata ng kausap upang ipakitang hindi siya nagsisinungaling.
Agad na napabangon dito ang dalaga. Tumingin sa lalaking nasa kaniyang harapan saka nakakita sa kaniyang isipan ng mga umuulan na patalim.
"B-bitawan mo si Michael!" bulalas ng binibini ngunit tila hindi siya naririnig ng kausap. Lumapit dito si Briana para lang makitang nakangiti si Michael na siyang kaniyang ikinagulat. Ito ay isang bagay na nakita niya na noon ngunit hindi matandaan kung saan.
"Anak," pag-uumpisa ng lalaki,"sabihin mo na sa amin kung nasaan ang babaeng iyon para matahimik na tayo."
Ngumisi lang ang binata at hindi sumagot. Sinuntok siyang agad ng naturang lalaki. Pinipigilan naman ni Briana ang mga ito pero walang nangyayari,
"Pinoprotektahan lang namin ang ating pamilya. Ngayon, kung hindi mo sasabihin kung nasaan ang babaeng iyon. Si Briana na siyang anak ng taong pumatay sa ating buong angka'y mapipilitan akong iligpit ka."
Hindi sumagot ang binata dahilan upang itaas ng lalaki ang dala-dalang baril. Itinutok niya ito sa noo ni Michael.
Pumagitna roon ang dalaga ngunit nang matamaan siya ng bala'y tila tumagos lang ito sa kaniyang katawan. Nakangangang tumingin sa binata. Naalala ang ipinainom sa kaniyang tubig na may kakayahang burahin ang buong sistema ng isang tao sa loob ng isang araw.
Agad na may bumalik sa kaniyang isipan. Sa araw kung saan may sumagip din sa kaniya.
Masayang iniukit ng magkasintahan ang kanilang pangalan sa isang malaking puno. Tumayo nang tuwid ang lalaki saka tumawa.
"Makikilala mo na sila papa!" masigla nitong sabi habang niyayakap ang dalaga.
"Talaga? Buti naman at pumayag na sila!" nakangiting tugon ng binibini.
Nanatili sila sa saglit sa ganoong posisyon hanggang sa naglabas ang binata ng isang patalim.
"Para saan 'yan? Mag-uukit ba tayo ulit?"
Hindi agad sumagot ang lalaki at naging seryoso lang ang ekspresyon nito. Ipinuwesto niya ito sa batok ng dilag.
"A-ano'ng ginagawa mo?" nanginginig na tanong ng dalaga.
"Yumuko ka lang at huwag na huwag mong iaangat ang iyong tingin," bulong ng lalaki. Nag-aalinlangan ma'y sinunod pa rin siya nito.
Ibinaon ng binata ang patalim. Napangiwi ro'n ang binibini ngunit hindi pinahalata.
"Mukhang nagawa niya," sigaw ng isang lalaki na mukhang nanonood. Dahil dito'y napaangat ang tingin ng dilag ngunit imbis na tao ang kaniyang makita'y nakaramdam lang siya ng mabigat sa kaniyang likuran. Humarap siya rito para lang makita ang isang binata na sumusuka ng dugo, ang likod ay puno ng patalim.
"B-bakit mo 'yon ginawa?" naiiyak na tanong ng binibini habang sinasalo ang kasintahan.
"Alam kong alam mo na itinakda akong patayin ka. Kaya lumapit ka sa akin noon ay para hindi na 'ko mahirapan. P-pero hindi ko ito tinanggap para sa wala. Mahal kita kaya kita pinoprotektahan. Tandaan mo iyon lagi ha? Isa lang talaga ang aking kahilingan-"
"Michael!" sigaw ng dalaga habang lumalapit dito. Pero parang may ibang humahatak sa kaniya palayo. Bago pa man siya tuluyang maglaho'y nakakita ito ng dalawang salitang binibigkas ni Michael.
"Mahal kita."
NAKATULALA ang isang dilag. Pilit itong kinakausap ng lahat ngunit wala ni isang salita ang lumalandas sa kaniyang bibig.
"Simula nang mamatay si Michael ay ganiyan ka na. Hindi na ba babalik ang dati naming Briana?" pagkakausap ni Cath sa kaibigan.
"Hay. Dadalhin na nga lang ulit kita sa kaniya," dagdag pa nito saka itinulak ang wheelchair na ginagamit ni Briana. Nagtungo sila sa isang lugar kung saan nakalibing si Michael. Iniwan muna siya ni Cath upang makapagmuni-muni.
Sandaling natahimik ang dalaga pero nagsalita rin kahit na ibang pangalan ang nakaukit sa bato, ang pangalan ng kasintahan niya noon.
"Naaalala ko pa rin kung paano ako kinuha ng liwanag habang unti-unting siyang nalalagutan ng hininga. May isang babae roon na kumausap sa akin. Sabi niya diwata raw siya na ipinadala mo upang ako'y bantayan. Humiling ako pero hindi niya 'ko pinagbigyan. Alam mo ba ang isinagot niya sa 'kin?"
"Paano ko ito tutuparin kung hanggang ngayo'y siya pa rin ang gusto mong makapiling?"
"Ang lupit 'no? Dahil hindi ako makabitaw sa kakambal ni Michael ay ayaw niyang gawin ang gusto ko. Sinubukan kong tigilan ang pag-iilusyon kasi baka sakaling iyon ang kaniyang tinutukoy ngunit walang nangyari."
Tumayo mula sa pagkakaupo si Briana ngunit siya'y nabigo lamang at nauwi lang sa pagkakabali ng kaniyang paa. Habang mahinang humihiyaw sa sakit ay biglang may isang lalaki ang lumapit sa kaniya upang ayusin at gamutin.
"Sa susunod kasi, mag-iingat ka," sabi nito saka nilagyan ng bandage ang paa ng binibini.
Nabato ito mula sa pagkakaupo, kasabay ang pagkarinig sa mga salitang hiniling ng kaniyang kasintahan noon.
"Sana'y mahanap mo ang para sa 'yo."
Naluluhang tinawag ni Briana ang lalaki.
"Michael?"
Ngumiti nang nakakaloko ang binata saka tumitig sa mga mata ng kasama.
"Na-i-inlove ka na naman sa 'kin," pang-aasar nito.
Napayakap na lang ang dalaga habang binubulong ang mga salitang gusto niyang isagot noon.
"Mahal na mahal din kita, Michael."