Para sa iyo ito DakilangMandirigma. Enjoy, and nice to see you again reading Dayanghirang. :-)
----
Napagod na ang mga dila nina Rosendo, Venus at Iya sa nakakahingal na halos lima’t-kalahating kilometrong paglalakad papunta sa palasyo ng prinsesa ng Minolo. Ang pangangailangan ng mga tigapagsilbi ay para sa prinsesa ng Minolo at kung sinusuwerte nga naman sila, nangangailangan ang palasyo ng tatlo at wala silang mga kasabay na nag-apply para dito. Nag-iisip si Iya kung paano makakausap ang kamag-anak na binilin sa kanya ni Lolo Tacio bago ito mamatay. Ngayong ito ay nasa harapan niya, hindi niya alam ang kung paano magsisimulang makipag-usap dito.
Natigilan si Saavendra sa ilalim ng puno ng acacia na may kinukubling kuweba sa hindi kalayuan. Humarap ang matanda sa kanila at mula sa kanyang bulsa ay kumuha ng isang pluma na yari sa pakpak ng ibon. Kumumpas ang kalihim sa hangin na tila may sinusulat dito.
“Nababasa ninyo, hindi ba?” ito ang nakasulat sa hangin na makalipas ang ilang sandali ay lumabo ng unti-unti. Nakakapagtaka na hindi ito nakikita ng mga naglilinis sa palasyo at inisip lamang na kumukumpas lang ng kamay ng kalihim na si Saavedra sa hangin habang siya ay umaawit. Hindi din nagtagal ay umalis ang mga ito upang maglinis sa ibang bahagi ng kaharian at wala talagang nakita ang mga ito hanggang sa tuluyan nang mawala ang sinulat ng kalihim sa hangin.
“Inutusan ko ang aking pluma kung sino lamang ang makakabasa sa aking sinulat,” umpisa ni Saavedra habang dahan-dahan itong naglalakad palapit sa grupo ni Haliya. “Kung hindi kayo mga pintados ay isa kayong babaylan,” dagdag pa niya. “Sino ang nagpadala sa inyo, si Melinda ba o si Mayari?” galit na tanong ng kalihim na sinundan ng galit na pagpalakpak ng mga sanga ng mga puno. Humahangin ng malakas. Hinawi niya ang kanyang kamay kay Rosendo na mistulang may binato na espadang pumunit sa damit pantaas, sa wig at sa gintong buhok ng tikbalang na nakatali sa braso ng binata.
Nakahinga ng maluwag si Rosendo dahil nakakawala na siya sa sumpa ng gintong buhok. “Salamat,” umpisa ng binata sabay takbo papunta kay Saavedra. Mabilis niyang hinataw ng arnis na nakatago sa kanyang palda ang matandang babaylan subalit hindi niya inaasahan na walang natamong pinsala ang kalihim. Binayo naman siya nito papalayo gamit ang hangin. Naalala bigla ng binata na sinumpa nga pala siya ni Sidapa kaya’t walang salamangka ang kanyang bertud; ang arnis ni Dian Masalanta.
“Rosendo, bagay pala sa iyo ang maging babae,” panunutyang asar ni Saavedra sa binatang hinang-hina dahil na din sa epekto ng gintong buhok. “Hindi mo yata kasama si Lira, ang kaperosa mo. Anong kailangan ng Baybayin sa Minolo? Kating-kati na ba kayong mag-umpisa ng digmaan sa pagitan ng mga babaylan!” galit na pagtatapos ng kalihim na sinundan ng kanyang pagbato ng bola ng hangin sa binatang babaylan.
Muntik nang hindi mailagan ni Rosendo ang bugso ng hangin kung hindi dahil kay Venus na hinatak siya mula sa daanan ng atake. “Ayos ka lang, Rosy?” tanong ng pintados sa binatang babaylang nawalan ng malay dahil sa sobrang pagkahapo mula sa pakikipaglaban sa sumpa ng gintong buhok at kay Saavedra. Unti-unting lumitaw ang mga tattoo ni Venus sa kanyang katawan sabay titig ng masama sa kalihim. “You’re gonna pay for hurting my man,” sabay suntok sa lupa na sinundan ng kanyang biglang paglaho mula sa paningin.
Ngumiti lamang si Saavedra at wala itong kahit anong bahid ng takot. “Ah, ngayon ko lang nalaman na nakipagtulungan na pala ang mga pintados sa Baybayin. Hija, isa kang espesyal na pintados,” salita niya habang nililigid-ligid ang kanyang ulo na nagmamasid sa paligid. “May mga ilang pintados na may kakayahang gamitin ang kapangyarihan ng mga engkanto na kanilang nagapi,” paliwanag niya. “Katulad mo, hija. Malamang ginamit mo ang kapangyarihang hindi makita ng mga tao. Kung hindi ako nagkakamali; katangian iyon ng mga sigben, isang lamang-lupa mukhang maliit na kambing na pumapatay ng mga bata sa pamamagitan ng pagkagat sa mga ito sa kanyang mga paa.”
BINABASA MO ANG
Dayanghirang
Fantasy=Book 1 of 2 of the Babaylan Duology Parating na ang katuparan sa napagkasunduan.... Ihanda ang daanan ng dayanghirang.... Ang pangako ng mga babaylan ay maisasakatuparan.... Lakan at Lakambini, magbigay-galang!