Sorry sa late update! Naging hooked kasi ako sa pagsamantala ng bakasyon. Back to work kasi ulit bukas, ngunit bago ang lahat, ito muna ang aking update na alay ko para sa inyong lahat! Ang galing, umabot na pala ng 30k ang reads natin! Salamat sa walang-tigil ninyong suporta sa akin! Sana maibigan ninyo ang aking update. Nawa'y huwag kayong magsawang magkomento upang mas lalo kong malinang ang aking pagsusulat.
Para sa iyo ito @sally3612, naalala mo pa ba ang premyo sa mini-game ko dati? Congrats, grabe ang tiyaga mong mag-research para mag-translate ng orasyon na iyon. :)
BTW, may hino-host ako na Sidapa Fan Art Contest. Drop by kayo sa Hatinig for more infos. Exciting ang prizes kaya sana sali kayo. :)
Oh siya, ito na ang update, sana magustuhan ninyo! Sali kayo sa contest ko ah :)
-Kuya Lawrence
---
“Iyo na bang nakaligtaan?”
Niyakap ng lupa si Melinda; may malay na ang babaylan ngunit hindi pa din siya makahiga. Isa itong tanda na makalipas ang isang buwan; napagsilbihan na niya ang sentensya niya sa kanyang pamamayapa. Pilit mang idilat ng Lupa ng Hilaga ang kanyang mga mata ay hindi niya magawa.
Naramdaman ni Melinda na tila gumagaan ng dahan-dahan ang lupang nakadagan sa kanya. Marahil ay hinuhukay na muli ang kanyang katawan. Gumaan man ang nakatambak na lupa sa kanyang katawan, bumigat naman ang kanyang puso sa alaalang bigla niyang nagunita.
“Wala kang dahilan upang mangamba. Hindi ko nakalimutan, Anastacio.” pahayag ni Melinda sa kanyang sarili habang sinasambit sa isip ang orasyon upang matawag ang lakan ng kalupaan, si Batungbayanahin.
Makalipas ang ilang sandali, sumabog ang lupa. Napuno ng usok ang buong paligid. Mabilis na umahon si Melinda mula sa kanyang hukay at maagap na nilinis ang kanyang sarili. Nagtataka ang babaylan dahil ang dati niyang madilim na piitan ay bumabaha sa liwanag. Nagkalat ang mga nilalang na mayroong kulot na buhok, mahabang leeg, malalaking paa, maliliit na kamay, maitim na kutis, nag-isang nagliliyab na pulang mata at dalawang mahahabang pangil: ang mga buso.
“Ang papangit ng mga engkantong ‘to. Isa marahil itong magandang dahilan kung bakit ginawa nilang madilim ang mga piitang-himlayan sa Baybayin.” sambit ni Melinda sa kanyang sarili habang nilalait ang mga pagmumukha ng mga buso.
“Kumusta ang iyong paghimlay?”
Naagaw ang atensyon ni Melinda. Dali namang humarap ang babaeng babaylan upang makita kung sino ang tumawag sa kanya: si Heneral Mako Malig-on Paros.
“Paros, ano ang mga nangyari?” tanong ni Melinda sa papalapit na heneral.
“Hindi mo man lang ba ako kukumustahin, Melinda? Nakakasakit ka naman ng damdamin.” habang nakahikbi sa dibdib ang lalaking heneral.
“Kumusta, Paros. Ayan. Anong nangyari?” naiinis na pag-uulit ng tanong ni Melinda.
Napasampal na lamang si Paros sa kanyang noo. Nakasuot ng pilak na maskara si Paros na tadtad ng adorno na tumatakip sa kanyang mata, pisngi at ilong. Kutis moreno ang heneral at nakagayak ng mga maluluwag, mahahaba at maninipis na puti na sedang damit. Nakasuot ng makakapal na gintong pulseras sa kamay at paa ang heneral na puspos ng mga pilak na kampanilya. Nagtataglay din siya ng gintong kwintas na gawa sa mga kampanilya. Kumakalansing ang paligid sa bawat yapak ng Hangin ng Kanluran. Huminga muna ng malalim ang lalaking babaylan bago sinagot ang tanong ni Melinda.
BINABASA MO ANG
Dayanghirang
Fantasy=Book 1 of 2 of the Babaylan Duology Parating na ang katuparan sa napagkasunduan.... Ihanda ang daanan ng dayanghirang.... Ang pangako ng mga babaylan ay maisasakatuparan.... Lakan at Lakambini, magbigay-galang!