Nakapikit si Anastacio sa kanyang tumba-tumba habang nakapatong ang kanyang kanang kamay sa ibabaw ng isang blangkong pahina ng libro. Habang dahan-dahan niyang kinukumpas pakanan ang kanyang kamay ay unti-unti namang nalalagyan ng laman ang malinis at walang sulat na pahina. Nagsusulat siya ng isang liham.
“Alam ko na marami akong pagkukulang. Hindi ko naipaliwanag sa iyo ang lahat ng dapat kong sabihin. Pero ito ang huwag mong kalimutan, Haliya. Lahat ng ito ay aming ginawa para sa kabutihan mo. Lahat ng tao ay may taglay na kabutihan at kasamaan sa kanilang puso. Sila ang mamimili para sa kanilang sarili kung sila ba ay magiging mabuti o masama. Walang taong pinanganak na likas na mabuti o masama, ito ay isang desisyon. Mahal na mahal kita, Haliya. Nais kong malaman mo na –”
Napuno ng usok ang silid ni Anastacio. Mabilis niyang sinara ang libro na kanyang hawak. Hinimas niya ang balat ng libro pababa at lumipat ang tattoo ng itim na araw na may walong itim na sinag na hugis tatsulok mula sa kanyang kanang pisngi patungo sa pabalat ng libro. Sinubukan niya itong buksan subalit hindi niya ito magawa. “Nakasara na nga ito ng tama.” sambit niya sa kanyang sarili.
“Anastacio, kailangan na nating umpisahan ang Paghalad.” nagmamadaling wika ni Lira matapos siyang maglakad papalabas sa usok. “Wala na tayong oras.” dagdag pa nito.
“Lira, nakahanda na ang lahat.” tugon naman ni Anastacio habang mabagal siyang tumayo mula sa pagkakaupo sa kanyang tumba-tumba. “Maari na nating –”
“Lolo!” nagmamadaling wika ni Iya na mabilis na tumakbo patungo kay Anastacio. Ang buong akala ng matanda ay sasampalin siya ng kanyang apo, subalit malayo ang nangyari sa kanyang inasahan; niyakap siya nito. Batid niya ang nanginginig na kamay ng dalaga at dama niya ang mga mabibigat na patak ng luha sa kanyang balikat.
Tinapik ni Anastacio ang ulo ni Iya kasabay nang mahigpit na yakap sa apo. “Iya, malalaman mo din ang buong katotohan.” tugon niya, sabay abot sa kanya ang librong hawak ng kanyang kaliwang kamay. “Narito ang kasagutan sa lahat ng iyong katanungan, Iya. Kailangan nating magmadali. Hindi pa tapos ang Pangangalap sa iyo. Kailangan na natin maumpisahan ang rito ng Paghalad.”
“Paghalad?” tanong naman ni Iya, sabay titig sa kanyang lolo habang nakayakap pa rin siya nang mahigpit dito.
Batid ni Anastacio na ang mga mata ni Iya na naghahanap ng kasagutan sa kanyang tanong. “Ang Paghalad ay rito kung saan inaalam namin kung ano ang kapangyarihan ng isang babaylan. Ito rin ang ginagawa namin upang malaman namin kung sino sa mga Lakan at Lakambini ang iyong Ka-kasunduan. Ang –”
“Ako na po ang magtutuloy para mabilis po tayo, Tandang Tacio.” sabat naman ni Rosendo. “Ang mga Lakan at Lakambini ang mga sinaunang babaylan na nagbibigay ng kapangyarihan sa atin na pasunurin sa ating kagustuhan ang isang elemento ng kalikasan. Ang Ka-kasunduan naman ang nagdidikta kung sino sa mga Lakan at Lakambini ang magbibiyaya sa iyo ng kapangyarihan.”
“Dian Masalanta!” sigaw ni Rosendo habang nakapikit. Umilaw ang marka ng itim na araw at walong itim na tatsulok na sinag sa kanyang pisngi at napagpalit ito ng hitsura. Ito ay nagmukhang dalawang tatsulok na magkapatong.
“Ito ang marka ni Dian Masalanta. Siya ang aking ka-kasunduan.” wika naman ni Rosendo habang nakaturo sa panibagong marka sa kanyang pisngi. Tinakpan niya ito ng kanyang palad at matapos itong alisin ay bumalik ang hitsura ng marka sa dati nitong anyo.
“Kailangan na nating mag-umpisa. Rosendo, Anastacio,” wika ni Lira habang siya ay nakapikit. Napuno muli ng usok ang silid. Matapos maghugis parihaba ang puting usok, dahan-dahan itong nawala at ito ay naging isang lumang kahoy na pinto.
BINABASA MO ANG
Dayanghirang
Fantasy=Book 1 of 2 of the Babaylan Duology Parating na ang katuparan sa napagkasunduan.... Ihanda ang daanan ng dayanghirang.... Ang pangako ng mga babaylan ay maisasakatuparan.... Lakan at Lakambini, magbigay-galang!