Hello guys! Salamat po sa suporta ninyong lahat at tumungtong tayo sa 78k reads sa Dayanghirang! Nawa'y huwag kayong bibitiw hanggang sa huli, lalo pa't malapit nang magwakas ang ating story! Ihinahandog ko ang update na ito kay @ERO_eronpaul; salamat sa mensahe mo sa akin. =) Nakaktaba ng puso ang suporta ng bawat mambabasa ko. Kaya muli, salamat sa inyong lahat! Matutupad na ang napagkasunduan!
-Kuya Lawrence =)
----
“TI-TIGIL!” takot na takot na awat ng kapulisan sa isang malaking bakulaw na nagtataglay ng malaking diyamante sa tenga. Walang-awang sinuwag ng halimaw ang mga pulis na hindi man lang nagalusan ang makapal na balat ng nilalang gamit ang kanilang mga baril.
Napuno ng nakakapanlumong pagsigaw at pagtangis ng mga sundalong sinusunog ng buhay ang buong kapaligiran. Sinilaban ni Kasimira ang mga mortal na kawal ng Guinto at nagpaulan ang heneral na babaylan ng mga bola ng apoy mula sa kalangitan. Sinunog nito ang mga gusali, tangke at sandatahang-lakas ng Guinto. Walang magawa ang mga mortal sa lakas at bangis ng babaylan. Mula sa malayo ay pinaputukan ng bomba mula sa isang bazooka ang babaeng heneral subalit hindi man lang nito natinag si Kasimira. Bago pa man tumama sa kanya ang bomba ay pinutok na niya ito gamit ang dambuhalang bolang-apoy na kanyang pinakawalan.
“Kasimira! Sirain mo ang lahat! Wala kang ititira!” naliligalig na utos ni Blanga sa heneral na pintados habang naliligo ito sa mainit na dugo ng mga pulis at sundalong walang-awa niyang pinira-piraso. “Hangga’t nakabaon sa iyong katawan ang aking diyamante ay mananatili ka sa ilalim ng aking kapangyarihan. Hindi ka makakapalag, Kasimira. Mananatili kang mabuti at masunuring kong sandata.” sambit pa ng sarangay sa kanyang sarili.
Bumuhos ang madaming aswang, manananggal at wakwak sa buong kapaligiran ng Guinto. Walang habas na sinira ng mga lamang-lupa ang naturang bansa at nangyari ang lubhang kinatatakutan: inatake ng mga maligno ang mga mortal na sibilyan.
Binalot ng kadiliman ang buong bansa; at bawat kaganapan ay nailathala sa buong mundo ng mga mamamahayag na tila hindi ginalaw nina Blanga, Kasimira at mga engkanto. Mistulang sinasadya ng mga ito na makunan lahat ng kanilang ginagawa.
----
Sinalubong ng kaguluhan sina Iya, Rosendo, Venus, Sarry at Sidapa noong nakarating na sila sa kapitolyo. Nakakapangilabot makita ang bilis ng pagdami ng mga bangkay na nakakalat sa langsangan, karamihan mula sa kapulisan. Mula sa kinatatayuan ng grupo ni Haliya ay nakita niya na pasugod sa isang lugar-palikasan ang mga aswang. Hindi nakapagpigil si Sidapa sa marahas niyang pagwasiwas ng kanyang mga kadena upang mahadlangan ang mga maligno.
“Anong nangyayari dito?” nagtatakang tanong ni Rosendo habang isa-isa niyang pinapatumba gamit ang kanyang arnis ang mga aswang na nagtangkang atakihin si Iya.
“Bakit nila nilulusob ang Guinto?” dagdag ni Venus na binayo ng mga bolang-apoy ang mga umaaligid na manananggal at wakwak sa himpapawid.
“Dapat tayong magmadali sa Palasyong Asero. Rosendo, Venus, puwede ba kayong maiwan dito para pigilan ang mga engkantong umaatake dito?” tanong ni Sarry sa dalawa.
“Hindi mo na kami kailangang tanungin pa!” sagot naman ni Venus na malakas na pumito upang tawagin si Milky Way. Tumalon ang dalagang pintados sabay sakay sa usang lampong. “Let’s kick butt, Milky Way!” na sinundan ng paglusob niya sa mga engkanto.
BINABASA MO ANG
Dayanghirang
Fantasy=Book 1 of 2 of the Babaylan Duology Parating na ang katuparan sa napagkasunduan.... Ihanda ang daanan ng dayanghirang.... Ang pangako ng mga babaylan ay maisasakatuparan.... Lakan at Lakambini, magbigay-galang!