Setenta y Dos: Prologo ng Labanan

824 39 19
                                    

Huling dalawang kabanata na lamang at huling dalawang araw na lang, matatapos na ang unang serye ng Dayanghirang! Happy 95k reads sa ating lahat! Salamat po sa inyong walang-awat na suporta sa akin! The best is yet to come!

I give out this update to Ako_Si_Edgie. Hope you like it. :)

-Kuya Lawrence =)

----                                                     

“Matagal akong naghintay para sa pagkakataong matiyak na mapapatay kitang lubos. Kung hindi lamang ako pinigilan ng mga babaylan na kasama mo ay natapos na ang mapait nating mga tadhana sa mundong ito. Sisiguraduhin ko na wawakasan ko na ang lahat ngayon.”

Malayo at malalim ang tingin ni Urduja sa kawalan. Kapansin-pansin na mabigat at malamig ang pakiramdam ng kahit sino mang lalapit sa dalagang pinamahayan ng kaluluwa ng Dakilang Kasamaan. Hindi siya nakikinig sa Banwa habang ito ay nagsasalita; nagpupulong ang mga nalalabing miyembro ng Konseho sa Syaka upang pag-usapan ang kanilang susunod na plano laban sa dayanghirang.

Napansin ng Banwa na naglalakbay ang diwa ng Dakilang Kasamaan kaya’t minarapat ng binata na agawin ang atensyon ng sinaunang babaylan. “Batid ko pong wala kayong hilig sa mga pagpupulong na ito. Nakikiusap po ako sa inyo na—”

Biglang nagsalita si Urduja kaya’t hindi na natapos ng Banwa ang nais niyang sabihin. “Nag-umpisa ka na pala, kapatid kong mahal. Iyan ba ang hakbang na tatahakin mo laban sa akin? Kung ganoon, napagpasyahan ko na din ang aking gagawin sa iyo.”

Isang malakas at marahas na pagbukas sa pinto ang pumutok sa silid kung saan nag-uusap ang Banwa. Isang pagod na pagod na sundalo ang naghatid ng isang mapait na balita sa lahat ng narooon sa pagtitipon. “Mahal na Banwa, mayroon pong opisyal na pahayag ang rani ng Minolo na kasalukuyang pinapalabas sa lahat ng himpilan. Kailangan po ninyo itong makita.”

----

            Tumigil ang mundo ng lahat ng tao matapos mabaling ang kanilang mga mata at tenga sa pahayag ni Lilagretha sa mga radyo at telebisyon. Malaman, mahalaga, nakakabahala; ito marahil ang isang magandang paraan upang ibuod ang lahat ng tinuran ng reyna ng Minolo:

           

            “Alam ko na hindi na linghid sa inyong kaalaman ang tungkol sa mga engkanto, lamanlupa at mga babaylan. Maging ako ay naging tampulan ng inyong mga kuro-kuro sapagkat nahagip din ako ng lente ng kamera noong ako ay nasa Guinto. Hindi ko ipagtatanggol ang aking sarili sa harapan ninyo; bagkus, isasalaysay ko sa inyo ang dahilan kung bakit namin piniling magkubli, malayo sa kaalaman ng mga mortal. Noong unang panahon, nabuhay ng mapayapa ang mga babaylan, engkanto, at mga mortal. Nawala ang lahat ng ito noong dumating ang isang nilalang na aming tinatawag na Dakilang Kasamaan. Ginulo niya ang lahat ng katahimikan sa sanlibutan. Sa huli, upang maipagtanggol ang mundong ito mula sa lagim na hinasik dito, nagbuklod ang labing-anim na mga babaylan upang pigilan ang paglala ng mga kasuklam-suklam na pangyayaring naganap noon. Ang naging bunga ng kanilang paglaban? Ang pagkasira ng dating kaharian ng Sugbu at Celebes. Ang pagkakakulong sa mga kaluluwa ng mga babaylan na aming tinawanag na mga lakan at lakambini upang matiyak na kung magbalik muli ang Dakilang Kasamaan sa mundong ito ay naririto sila upang pigilan ito muli. Kaya ngayon, nakikita na ninyo ang ginagawa ng Dakilang Kasamaan na ito sa mundo; naghahasik ito ng galit sa puso ninyong lahat sa pamamagitan ng pagpakalat ng takot ninyo mula sa mga bagay na hindi ninyo maunawaan. Kaya ako naparito ay upang makiusap; huwag ninyong sirain ang mga mausoleo ng mga lakan at lakambini sa mga bansa ninyo. Ito ay bilang respeto sa lahat ng sakripisyong kanilang inalay para sa ating lahat na nabubuhay ngayon. Kailangan namin ang lakas nila upang wakasan ang tunay na kaaway nating lahat; at ang tanging makakapigil sa masamang elementong ito ay ang dayanghirang, ang tinawag na halimaw ng Banwa ng Syaka.

DayanghirangTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon