Bente Seis: Pasya

2.6K 63 28
                                    

Inaalay ko po ang bagong kabanata na ito kay johnmarcus_19. Please read his Flare Eternia kapag may oras kayo, ang ganda! ;-)

Wow, na-breach na natin ang 3,000 reads! Salamat sa walang sawa ninyong suporta sa dayanghirang! Daanan din ninyo ang one-shots ko kapag may time kayo saka yung one-shot ni nicnicnicnic na Kitkat sa ABCs of Love na One-Shot contest ni nayinK (nag-vote ako doon, you can use that as your link for an easy reference towards her work ;D) Let us help and support our fellow writers! We are in need of your contructive and honest comments and reviews para mas mapaglinang pa namin ang aming mga akda. Marami pong salamat at enjoy reading! :-)

----

            “Makinig kang mabuti sa aking sasabihin, dayanghirang. Noong panahon na nabubuhay pa ang mga lakan at lakambini, nabuhay ang dalawang makapangyarihang babaylan; sina Bakunawa at Ines Kannoyan. Kapwa sila pinagpala ng kapangyarihang baguhin ang mundo; subalit, nalapit sa kadiliman ang kaluluwa ni Bakunawa. Si Ines Kannoyan ang sinasabing utak ng rebolusyon ng mga babaylan laban kay Bakunawa. Iyon lamang ang aming nalalaman. Limitado ang mga pag-aaral na may kinalaman sa kanya. Hindi lahat ng mga lakan at lakambini ay naalala si Ines Kannoyan, kaya’t may dalawa kang maaring puntahan, Haliya. Mauuna ba ang Calamian, o nais mong magtungo sa Sugbu?”

            “Sugbu? Ano pong mayroon sa Subgu, rani?”

            “Dayanghirang, naninirahan sa mausoleo ng Calamian ang lakambini ng pag-ibig, si Dian Masalanta at ang lakan ng kagalingan, si Loos Klagan. Subalit sa Subgu, makikita mo ang lakambini ng karunungan, si Alunsina, at ang lakan ng panghuhula, si Mamiyo. Nais mo bang makilala si Ines ng lubusan sa pamamagitan ng pakikipag-usap kina Mamiyo at Alunsina? O pipiliin mong makita ang iyong mga magulang na huling nabalitaan sa Calamian? Mag-isip kang mabuti, Haliya. Kausapin mo ako kapag buo na ang pasya mo.”

            Nakaupo sa sulok ng palasyo ng rani si Haliya. Nakatingala ang dalaga at tila naglalakbay sa kawalan ang kanyang isip.

            “Anong problema?” sabay labas mula sa lumiwanag na sutla si Sidapa na halatang nag-aalala para sa dayanghirang.

            “Wala naman akong iniisip.”

            “Hindi ka magaling magsinungaling, Haliya.”

            Piga ni Haliya ang kanyang ulo habang nakasuksok ito sa pagitan ng kanyang mga tuhod. “Ang dami kong iniisip. Si lolo, ang dayanghirang, lakan, lakambini, Ines Kannoyan, Bakunawa! Napupuno na ulo ko, hindi ko alam ang gagawin ko. Ang daming nagaganap; ang bibilis ng mga pangyayari.”

            Tinapik ni Sidapa ang kaliwang balikat ni Haliya. Malamig man ang kanyang kamay, nadama ng dalaga ang init ng pagmamalasakit ng lakan. “Alam mo ba ang dahilan kung bakit maraming suliranin ang mga tao?”

            Umiling si Haliya at gulat sa seryosong tono dati’y  mayabang at mapagbirong Sidapa.

            “Kapag nagsasabay-sabay ang iyong intindihin, nagkakaroon ka ng agam-agam sa iyong kakayahan upang mabigyang kasagutan ang iyong mga problema. Hindi ba binigyan tayo ng isang isip at isang puso? Ito ay upang isa-isa lamang harapin ang bawat isa sa mga ito. Paano mo mabibigyan ng kasagutan ang madaming suliranin? Kaya ka naman binigyan ng dalawang tenga, dalawang kamay at dalawang paa. Ito ay upang makinig, humingi ng tulong at harapin ang mga ito ng mayroon kang kasama,” na sinundan ng pag-upo ng lakan sa gilid ni Haliya.

Bahagyang nilapit ni Sidapa ang kanyang mukha kay Haliya. Sa larawan ng dapit-hapon, tila kumikinang na kaulapan sa kalangitan ang kanyang puting buhok at nagniningning na buwan naman ang kanyang dilaw na kanang mata. “Ako ang lakan ng kawalan at kawakasan. Lumapit ka sa akin tuwing ikaw ay napaghihinaan ng loob sa mundong sa tingin mo ay wala ng pag-asa pang makabangon ka. Tutulungan kitang tumayo muli at wakasan ang iyong mga alalahanin.”

DayanghirangTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon