Sesenta y Kuwarto: Ang Lakambini ng Nag-uumapaw na Paggalang

1K 45 20
                                    

Hi guys! Ito ang panibagong update ko sa Dayanghirang, sana magustuhan po ninyo! Alay ko kay @Ako_Si_Edgie ang aking update. Drop by ka ulit sa Dayanghirang 'pag may time ka. =)

Salamat po sa suporta ninyong lahat sa akin, patindi na ng patindi ang mga masusunod na kaganapan. Huwag kayong bibitiw!

-Kuya Lawrence =)

----

“Gamitin mo ang libro ko…”

Bumulong si Galura sa isip ni Haliya. Mabilis na kinuha ng dalaga ang Galing, ang librong bertud mula sa batang lakan at bigla itong lumiwanag. Kusang bumuklat ang mga pahina nito hanggang sa umabot ito sa isang artikulo tungkol sa kanilang mga kalaban: ang kataw, berkakan at berberoka.

“Wala nang mas gigilas pa sa galing ng mga kataw sa pakikipaglaban sa ilalim ng dagat. Bitbit ang kanilang mga sibat, madaming mortal ang nalunod sa puso ng karagatan. Lubhang mapanganib ang pulutong ng mga kataw; lalo pa’t kung malapit sila sa anyong-tubig, kung saan humuhugot sila ng lakas.

Ang berkakan ay isang mahiwagang isda. Isa lamang itong normal na hayop na sinabing nagkaroon ng kapangyarihan matapos mabahiran ng dugo ng mga sinaunang Diyos ng sanlibutan. Mahusay lumangoy, sa buhangin man o sa katubigan, marami nang babaylan ang nabigong matalo ang berkakan dahil sa taglay nitong katalinuhan.

Pinangambahan ng mga bayan ang biglang pagkatuyo ng mga sapa at dagat; lalo pa’t kung nag-uumapaw ang mga isdang hindi makapalag sa lupa. Ito ang mapag-anyayang bitag ng berberoka na madami nang napaslang matapos lunurin lahat ng taong mahuhuli nito sa kaakit-akit nitong patibong. Hinihigop ng engkanto ang lahat ng tubig sa isang lugar, at gamit ang kanyang bibig, bumubuga ito ng malalakas na bulusok ng tubig.”

Sorry to waste your effort, pero wala namang sinabi ang Galing ni Galura kung paano nating pipigilan ang mga engkantong ito.” pahayag ni Rosendo habang hinahambalos niya isa-isa ang mga kataw gamit ang kanyang arnis.

Nagkaroon ng maganda ideya ang dayanghirang; matapos niyang titigan si Sidapa, tila naintindihan na ng lakan ang ibig sabihin ng dalaga. Isa-isang hinampas ni Sidapa ang mga kataw pabalik sa tubig gamit ang kanyang mga kadena.

“Naiinis na ako sa inyo ah!” sigaw ni Sarry na nilabas ang kanyang nabir, ang kanyang biyulin na yari sa kawayan. Marahas at umaatikabo ang himno na nagmula sa instrumento ng dalaga. Nagwala ang mga bakal na sibat ng mga kataw at kaawa-awa nitong ginapos ang mga engkanto at isa-isang tinapon pabalik sa tubig.

“Manahan sa aking katawan; gagamitin ka panandalian, Kidu! sigaw ni Haliya na nag-halmista gamit ang lakan ng kidlat. Nayanig ang lupa at makalipas ang ilang sandali ay may lumabas na higanteng kabuteng naglalangitngit sa ilaw ng kidlat. Sa tuktok ng kabute ay nakaupo ang Iya; nakasuot ng putong na yari sa ginto at puspos ng pantaas na baro na kumikinang sa ginto. Yari din sa ginto ang kanyang saya na hanggang sa kanyang hita. Tadtad ng gintong pulseras at singsing ang kanyang mga braso at kamay. Kulay dilaw ang mga mata ni Haliya at may hawak na maliit na sibat na yari sa tanso sa kanyang kaliwang kamay.

            Mabilis na binangga ni Venus ang ibang mga kataw na napukaw ang atensyon mula sa nag-halmista na Iya. Tumalsik naman ang mga ito pababalik sa tubig nang walang kahirap-hirap. “Dahil walang nakasulat sa Galing ni Galura, let’s do this using Physics 101!

            “Lakan ng dumadagungdong na galit; patunayang lubos ang iyong bagsik! Mula sa kaitas-taasang hangganan ng kalangitan, ibagsak iyong sibat ng kapangyarihan!” usal ni Haliya ng orasyon mula sa tuktok ng tengang-daga. Pumutok ang malaking kabute at nagpakawala ito ng dambuhalang sibat na yari sa kidlat. Tumarak ang atake sa dagat at nasunog sa pagkakakuryente ang mga kataw.

DayanghirangTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon