#RandomThoughts 26

67 5 0
                                    

Sumulat ako ng isang maikling istorya. Istorya na naglalaman ng tungkol sa ating dalawa. Isang istoryang punong puno ng mga ideyang hanggang pangarap lang. Mga pangarap na sa panaginip ko lang makakamtan. Panaginip na ayoko nang matapos dahil sa panaginip na 'yon, akin ka. Sa panaginip na 'yon, masaya tayo habang hawak mo ang kanang kamay ko. Masaya tayo habang nakatitig ka sa mga mata ko. Mga titig mong nakakalasing. Mga titig mong nakakatunaw ng damdamin. Ngumiti ka habang nakatitig ka sa'king mga mata. Napamura na lang ako dahil sa aking biglang nadama. Ramdam ko ang puso kong bumilis ang tibok, pakiramdam ko rin na may mga paru-parong nagliliparan sa loob ng aking tiyan. Hindi ako makahinga. Hindi ako makagalaw. Nanlalamig ang aking buong katawan. Ang mga ngiti mong iyon. Mga ngiting hindi nakakasawang tingnan. Bahagya kong ibinukas ang aking labi, ngunit wala ni isang salitang lumabas sa'king bibig. Humigpit ang hawak ko sa kamay mo. Tinitigan ko ang mga mata mo. Muli kong sinubukang sabihin ang salitang nais kong marinig mo. "Mahal kita" sa wakas nasabi ko. Ngunit ang masakit doon ay ang pag iwas ng mga tingin mo. Alam kong sa mga oras na iyon, talo na ako. Muli kang tumingin sa'kin. Nakita mo ang mga tubig na nagbabadya ng tumulo sa mga mata ko. Hindi ko na napigilan kaya tumulo na iyon ng tuluyan. Gamit ang iyong kanang kamay, pinunasan mo ang mga luhang umagos sa magkabilang pisngi ko ngunit mas dumami pa ang mga luhang iyon nang bigkasin mo ang mga salitang "Patawarin mo ako". Ramdam ko ang pagluwag ng hawak mo sa kamay ko hanggang sa tuluyan ka nang bumitaw. Tumalikod ka at naglakad palayo. Ako? Nanatili pa ring nakatayo. Nakatingin sa likod mo. Umaasang titignan mo muli ako at babawiin mo ang sinabi mo pero hindi iyon nangyari hanggang sa tuluyan ka nang nawala sa mga paningin ko.
Bigla akong napamulat. Malamig na pawis ang nasa aking katawan. Pinunasan ko ang mga luhang nasa pisngi ko. "Panaginip na naman"
Panaginip na sana hanggang doon na lang sa masaya tayong dalawa. Panaginip na sana huwag nang umabot sa bumitaw ka at iniwan akong nag iisa.

Random Thoughts Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon