Kung mamalasin nga naman ang tao, talagang tuloy-tuloy na. Sa tulong ng sidewalk vendor at ng Mamang Pulis ay nakasakay nga siya ng jeep pabalik ng kamaynilaan pero noong mag-aabot na siya ng bayad, saka niya napansing wala na pala siyang pambayad para sa LRT at jeep pauwi ng bahay nila. Hindi na niya alam kung ano ang gagawin. Kung tatawag ba sa bahay nila gayong empty battery din pala ang cellphone niya o makipagsapalaran na lang. Pinili niya ang huli. Hindi niya inabot ang bayad niya at nagkunwaring tulog sa jeep na sinasakyan niya. Nang nagsibabaan na ang mga tao sa bandang Quiapo ay bumaba na rin siya. Hindi niya alintana ang mabining patak ng ulan na ngayon ay nagsisimula na ring lumakas. Inakyat niya ang may kaatasan ring hagdan ng overpass at nagpasalamat na may mga payong naman na malalaki ang mga sidewalk vendors doon, kahit papaano ay hindi na siya gaanong mababasa.
Nang muling makababa sa kabilang bahagi ng overpass ay saka siya nagtatatakbo patawid ng munting eskinita kung saan ay may commercial buildings na magkakadugtong upang makasilong na rin. Basang-basa na ang kanyang suot na uniporme at hindi siya sigurado kung ang laman ba ng bag na dala niya ay tuyo o basa na rin. Hindi na siya nag abalang tumigil sa paglalakad at hintaying tumila ang ulan. Tutal naman ay basa na rin siya. Tuloy-tuloy ang paglakad niya hanggang sa marating niya na rin ang Simbahan ng Quiapo. Naalala niyang biyernes ngayon at may misa sa Simbahan, alay sa Poong Nazareno. Hindi na siya nagdalawang isip na pumasok muna saglit. Dumaan siya sa may pintuan sa gilid at saka tumawid pakabilang bahagi ng simbahan. Hindi niya alintana ang mga mapanuring mga tingin sa kanya ng mga taong dumalo sa misang yaon. Naisip niya, hindi naman ipinagbawal ang magsimba nang basa ang damit. Pwera na lang kung talagang sinadya. Naupo siya sa pinakahuling pila ng mahabang upuang kahoy na naroroon. Kapagdaka'y, napaluhod na rin siya at nag-alay ng dasal at mataimtim na nanalangin kasabay ng paghingi ng tawad sa mga nagawang kasalanan hanggang sa oras na yaon. Hindi na niya pinatapos pa ang misa. Muli siyang tumayo at naglakad palabas ng simbahan, tahak ang kabilang daan. Sa kalye ng Carriedo siya lumabas. May mga mangilan-ngilan pa ring sidewalk vendors na naroon na nagtitinda ng mga sampaguita at kandila. Hindi nila alintana ang panakanakang patak ng ulan. Hindi na rin siya nag-abalang muling sumilong. Para ke pa eh, basang-basa na rin naman na siya. Ang mahalaga sa kanya ngayon ay marating ang bahay nila.
Buhat sa Quiapo ay kadalasang sumasakay pa siya ng jeep pauwi ng Tondo pero sa pagkakataong ito, naisip niyang mag-one-two, one-two. Meaning, maglalakad lamang siya. Nasa likod lang naman sila ng DIVISORIA kung saan, napapaligiran iyon ng sari-saring maliliit na shops na may mga murang paninda. Literal na dinadaanan niya ang 168 Mall bago marating ang eskinitang papasok ng mini-compound na kinatitirikan ng desente rin namang bahay nila. Bilang lang sa lugar nila ang may matinong bahay at may sariling lupa na may malinis na titulo. At mapalad sila na magkaroon niyon. Sa kabilang bukana ng lugar nila ay mayroon nang mga subdivision at doon napabilang ang bahay nila Gener.
Pagkaalala niya sa kababata ay biglang umusok na naman ang ilong niya sa galit. Nakalimutan niya na rin na kagagaling niya lang sa simbahan at nagdasal. Katunayan, isinali niya na sa mga dasal niya ang kababata.
Nagpatuloy siya sa paglakad kahit na nakaramdam na siya ng panginginig ng mga buto't kalamnan sa lamig na dulot ng basang damit at wala pa ring tigil na mahinang buhos ng ulan. Nang nasa may bukana na siya ng DIVISORIA ay nakaramdam na siya ng panghihina ng katawan at pagkahilo. Medyo madilim na rin ang kalangitan dahil tapos na ang takip-silim. Dumadagdag pa sa pagkahilo niya ang hindi gaanong malinaw na paningin sa daan gawa ng buhos ng ulan at kawalan na rin ng ilaw sa daan.
Hindi na niya naalala ang sunod na mga pangyayari. Ang alam lang niya ay biglang nagdilim ang paligid at nawalan na siya ng ulirat.
BINABASA MO ANG
Dahil Iba: Dahil #1
General FictionBlaire Purple Cadiz, babaeng hindi naman mahilig sa purple pero ipinangalan sa kulay niyon dahil lamang sa iyon ang paboritong kulay ng ina noong pinagbubuntis pa lamang siya. Masyadong mapili sa lalaki at halos lahat ay binabasted. Palibhasa daw ay...