Pulang Pag-ibig

264 0 1
                                    

(This one is posted in PAPEL page in Facebook, edited and critized in #SaveLiterature (Galawang Inay Marcela) group, for the aspirant Filipino writers)

#MaiklingKuwento






Palaisipan sa akin kung saan nag-umpisa itong nararamdaman ko para sa iyo. Sa unang pagkikita nga ba natin? Hindi ko alam, pero naaalala ko pa 'yon.

Inilibot ko ang aking paningin sa kabuuan ng silid na aking pinasukan. Bagong mga mukha at panibagong pakikisama na naman ang aking gagawin. Wala akong mga kakilala dahil bagong salta lamang ako sa lugar na ito kaya naman napagpasyahan kong umupo sa gawing likuran malapit sa bintana. Sakto lamang ang aking pagdating dahil ilang minuto lang ay pumasok ang aming magiging propesor sa araw na ito. Wala siyang pinalagpas na oras at kaagad na nagsimulang magturo. Maya-maya pa'y pumasok ka nang dahan-dahan ngunit napansin ka kaagad ng ating propesor.

"Magandang umaga, binibini. Mukhang ang aga mo yata..." sabay tingin niya sa'yo mula paa paakyat sa ulo. "..para sa susunod na asignatura."

Nagtawanan ang ating mga kaklase.

"Pasensiya na po, madam."

"Anong pangalan mo? Magpakilala ka rito sa harapan."

Agad kang tumalima. Tumikhim ka at inayos ang iyong buhok.

"Ako nga pala si Rosie Nieves. Labingsiyam na taong gulang. Pasensiya na po sa pagiging huli sa klase. Hindi na po mauulit."

"Ayoko nang nahuhuli sa susunod, maliwanag? Sige, humanap ka na ng mauupuan."

Tumango ka lamang at tumabi sa isang babae sa gawing kaliwa ko, nasa dulo rin kayo umupo. Marahil, kaibigan mo ito. Hindi ko maintindihan kung bakit hindi ko maalis ang tingin ko sa iyo hanggang sa makaupo ka. Masyado mong naagaw ang aking atensyon dahil sa nakabibighani mong ganda sa suot mong bestidang bulaklakin na hanggang ibabaw ng tuhod ang haba, ang tuwid at itim na itim mong buhok, ang mga biloy sa magkabila mong pisngi, ang hugis-puso mong mukha, ang mapupungay mong mga mata at ang maliit mong ilong at labi. At simula noon, natatagpuan ko na ang sarili kong nagnanakaw ng mga tingin sa'yo. Masaya na akong nasisilayan ang iyong mga ngiti at naririnig ang iyong munting mga tawa.

Wala akong lakas para lapitan ka. Heto ako, ang kaya lang gawin ay ang mahalin ka nang palihim... Para kang bituin, napakalapit tingnan pero ang hirap-hirap mong abutin.

Isang araw, nagbiro ang tadhana. Tayo ang ipinagpares para sa isang pagsasaliksik. Masayang-masaya ako dahil mabibigyan na ako ng pagkakataong mapalapit sa iyo.

"Ano na ulit pangalan mo? Pasensiya na ha. Hindi ako matandain ng pangalan."

"A-ah, a-a-ano... Anton."

Ngumiti ka at nakipagkamay sa akin. Nanlamig ang buong sistema ko.

"Matagal-tagal na tayong magkaklase pero hindi kita masyadong kilala. Nga pala, kailan tayo mag-uumpisang pag-usapan ang gagawin nating pananaliksik?"

"H-ha? I-ikaw bahala. Matagal-t-tagal pa naman ipapasa iyon."

"Pwede bang.. bukas na lang? Kasi----"

"Babe?"

Parehas tayong napalingon sa nagsalita, sinalubong mo ang lalaki at ginawaran ka ng halik sa pisngi.

"Siya nga pala, Anton. Si Kevin, boyfriend ko."

Tumango lamang ako.

"Ano kasi, si Anton, 'yung ka-partner ko sa pananaliksik. Wala pa kaming naiisip na paksa. Pero matagal pa naman iyon..." kausap mo ang nobyo nang lumingon ka sa akin. "Anton, pwede bang bukas na lang natin pag-usapan? May usapan kasi kami ni Kevin ngayon."

"S-sige, ayos lang."

"Talaga? Salamat ha! Heto pala ang aking numero, i-text mo ako kung may kailangan kang ipahanap sa akin at kung saan tayo bukas."

"Sige. I-ingat kayo."

"Salamat talaga ha?" Ngumiti ka at hinawakan mo ang kamay ko at inilagay doon ang papel na may numero mo. "Tara na Kevin?"

"Salamat, pare." Sumaludo na lang ako bilang pagsagot. At habang pinagmamasdan ko kayong papalayo nang magkahawak kamay ay unti-unting nadudurog ang puso ko.

Masakit, dahil ang pangarap ko, pag-aari na pala ng iba. Nahulog ako sa'yo at nasaktan mo ako nang hindi mo nalalaman. Wala akong magawa... Ang sakit-sakit.

Dumating ang kinabukasan, sinabi ko na sa tinutuluyan kong apartment na lang tayo gumawa ng plano para sa pananaliksik. Tinext ko ang address ko at pumayag ka naman. Kaya naman todo handa na ako ng sarili ko para sa pagdating mo....

"Tao po! Anton?" Sumikdo agad ang puso ko nang marinig ko ang boses mo. Sinilip muna kita sa bintana. Tama nga ako, nandito ka na. Nilabas na rin kita dahil sobra akong nananabik na makita ka.

"Rosie, pasok."

"Salamat." Ngumiti ka lang sa akin. Pumasok ka at umupo sa may salas.

"Wala kang kasama rito?" Tanong mo sa akin. Ngumiti lang ako at umiling. Tumango ka lamang bilang sagot at may inilabas sa dala mong bag.

"Nagdala ako ng libro na maaari nating magamit. Uhm, simulan na natin para maaga tayong matapos?"

"Sige lang..." tumabi ako sa'yo at kinuha ang librong dala mo. Nagtagal tayo ng ilang oras sa ganitong posisyon. Bigla akong napatingin sa iyo. Pansin ko ang mga pawis na tumutulo sa leeg mo, dahil nakapusod ang iyong buhok. Napalunok ako. Lumapit ako sa iyo at bumulong..

"Rosie, mahal kita."

Napatigil ka sa pagsusulat at napatitig sa akin. Hindi mo na nagawa pang magsalita dahil agad kitang hinalikan. Tinulak mo ako palayo at sinampal.

Ngunit kinuha ko lang ang dalawa mong kamay at hinalikan ulit kita.

"Ano ba, Anton!" Nagpupumiglas ka pero mas malakas ako sa'yo.

"Hayop ka! Bita------TULOOONG!" Napahiga ka at pumaibabaw ako sa'yo habang hawak ko pa rin ang dalawang kamay mo.

"Mahal na mahal kita, Rosie! Hindi mo ba ramdam?!"

"May mahal akong iba! Ano ba!"

"Akin ka, Rosie. Akin ka lang!"

"Hindi mo ako pag-aari! Nababaliw ka na!"

"TUMAHIMIK KA!" Nag-init ang ulo ko at sinampal ko siya!
















Napadilat ako. Bumangon ako sa pagkakahiga ko sa aking kama. Ngumiti ako kasabay ng pagsalubong ko sa papasikat na araw na sumisilay sa aking bintana. Napatingin ako sa kabilang banda ng kama ko.

Ang mahal ko....

Muling akong napangiti. Hinalikan ko siya at sa pagkakataong iyon, hindi na siya nanlalaban.

"Magandang umaga, mahal ko...." Niyakap ko siya pero may nararamdaman akong malagkit sa aking kamay....





Dugo! May dugo!





Huwag kang mataranta, Anton. Kalma. Ang sabi ko sa isip ko. Inamoy ko ang dugong nasa kamay ko at ramdam kong akin na talaga siya.

Akin ka na talaga, Rosie.

HIRAYA AT PLUMA: Koleksyon ng mga Dagli at Maikling KuwentoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon