Niloko ka, ipinagpalit ka, sinaktan ka, iniwan ka pero umaasa kang may posibilidad na "BAKA MERON PA". Kumakapit ka sa pag-asang "BABALIK PA SIYA." Pinaniniwalaan mo ang kasabihang "KUNG MAHAL MO, IPAGLALABAN MO." Naghihintay ka na sabihin niyang "MAHAL PA RIN KITA. PWEDE PA BA?". Puro puso ang ginamit mo. Sana naalala mo na magkapatid ang puso at isip; na ang isip ay ginagamit upang protektahan ang puso. Alam ng isip na palaging nasasaktan ang puso pero hindi alam ng puso na nahihirapan naman ang isip sa tuwing nasasaktan siya. Patuloy kang umaasa kaya kahit nasasaktan ka na, itinutuloy mo pa. Tapos kapag sobrang sakit na, magtatanong ka "ANO BA ANG DAPAT KONG GAWIN?". "LORD, ITUTULOY KO PA PO BA ITO? PLEASE GIVE ME A SIGN." Minsan nga naku-kwestiyon mo pa ang Panginoon, "BAKIT PO AKO PA ANG KAILANGAN PALAGING MASAKTAN?" Puro ka kasi tanong! Pag hindi ka puro tanong, puro ka naman sulong! Minsan sinisisi mo pa ang ibang tao sa sakit na nararamdaman mo. Una pa lang sinagot na ng Panginoon ang tanong mo. Kung nag isip ka lang sana at hindi nagdamdam lang, alam mo na sana ang gagawin mo noong una pa lang. Akala ko ba naniniwala ka sa kasabihang "KUNG MAHAL MO, IPAGLALABAN MO"? Bakit kailangan mo pang itanong sa iba ang dapat mong gawin? Sinagot ng paniniwala mo ang katanungan mo. Hindi ka niya naipaglaban. Anong ibig sabihin? Hindi ka niya mahal! Katuwiran mo ay mahal mo kaya ipaglalaban mo siya. Ang paglaban ay para lamang sa mga taong nagmamahalan. Hindi para sa taong mag-isang nagmamahal. Minsan kasi ang problema sa atin, pinapa-komplikado lang natin ang lahat. May kasagutan na, may paraan na, pero tayo ang hindi gumalaw. Kaya ang ending, babalik tayo sa dati. Aasa, masasaktan, iiyak, magtatanong. Di'ba clichè? Kasi nga hindi tayo marunong makinig. Puro tayo emosyon sa halip na gawin ang solusyon na sa matagal na nating kwestyon.