MAY kakaiba kay Dr. Martin nang magpunta ako sa opisina niya pagsapit ng biyernes na katulad ng napag-usapan namin. Hindi ko lang alam kung sensitive lang ba ako masyado pero parang hindi niya ako matingnan ng matagal mula pa nang pumasok ako sa opisina niya. Napansin ko rin na hindi niya suot ang puting coat na palagi niyang suot sa tuwing nakikita ko siya. Long sleeve polo na nakatupi hanggang siko at naka-tuck in sa itim na slacks ang suot niya.
Wala akong nakasalubong na pasyente niya nang dumating ako kaya bakit tutok na tutok siya sa pagbabasa ng folder na para bang katatapos lamang ng konsultasyon ng pasyente niya? Nang paupuin din niya ako ay ni hindi siya nag-angat ng tingin. Parang galit pa nga ang boses na hindi ko mawari.
Matagal na akong nakaupo sa sofa at hindi pa rin siya kumikilos para lumapit sa akin o kahit tingnan man lang ako. Hindi na ako nakatiis. "Kung busy ka ngayong araw, puwede tayong mag-set ng appointment sa ibang araw," basag ko sa katahimikan saka tumayo.
Mukhang nagitla si Dr. Martin sa sinabi ko dahil bigla siyang nag-angat ng tingin at tumayo rin. Kahit seryoso ang mukha niya ay hindi nakaligtas sa paningin ko ang sandaling pagbakas ng guilt sa mga mata niya bago naging pormal ulit. "Hindi na natin kailangan mag-reset ng appointment. Ikaw na lang ang pasyente ko sa araw na ito."
"Oh. Okay." Akma akong uupo ulit pero sumenyas siya para pigilan ako.
"Lalabas tayo ngayong araw."
Napakurap ako. "Huh?"
May kinuha siya mula sa drawer niya, parang susi ng sasakyan at wallet. Saka naglakad palayo sa lamesa at palapit sa akin. Saka lang niya ako tiningnan sa mga mata. "Minsan, mas madali mag-usap kapag nasa labas ng opisina. Makakatulong din sa iyo kung mare-relax ka at hindi mo iyon magagawa ko damang dama mo na pasyente ka. Let's go." Saka siya nagpatiunang maglakad papunta sa pintuan ng opisina niya. Binuksan niya ang pinto at muling bumaling sa akin, hinihintay akong lumapit.
Pinalis ko ang alinlangan at naglakad palapit sa kaniya at naunang lumabas ng opisina. Pagkatapos ay magkaagapay kaming naglakad. Hindi na siya nagsalita pa. Hindi ko rin tinangkang magbukas ng usapan.
Gusto niya akong mag-relax pero paano ko iyon gagawin kung damang dama ko na may makapal na pader na nakapagitan sa amin? Para bang guni-guni ko lang ang namagitang understanding sa amin noong huli akong nagpunta sa opisina niya.
Akmang maglalakad ako papunta sa entrada ng ospital kung saan ako pumasok kanina nang maramdaman ko ang kamay ni Dr. Martin na bahagyang humaplos sa siko ko. Umigtad ako at napalingon sa kaniya. Agad niyang binawi ang kamay at namulsa. "Hindi diyan. This way." Lumiko siya sa isang pasilyo na nasa kasalungat na direksiyon ng entrada.
Nagtatakang sumunod ako at pasimpleng hinaplos ang bahagi ng siko ko kung saan sandaling lumapat ang kamay niya. Naiinis ako sa sarili ko na simpleng hawak lang ay kinikilabutan na ako. Na kahit iniwan na ako ni James ay nakapagkit pa rin sa katawan at isip ko na siya lang ang lalaking puwedeng humawak sa akin. Habang buhay ba ako magiging ganito? May bumikig sa lalamunan ko at pasimpleng niyakap ang sarili habang nakasunod kay Dr. Martin na itinulak ang isang glass door. Nilingon niya ako at sumenyas na mauna na ako lumabas. Kaya iyon ang ginawa ko.
Natigilan ako at nabigla nang makita ang isang malawak na parke. Kung matatawag ngang parke ang pabilog na espasyo na maganda ang landscape kung saan may ilang mga nag-jo-jogging, nag-ba-bike at tumatambay sa mga bench na maayos na nakapuwesto sa ilalim ng mga puno. Sa magkabilang gilid ay may mga nakatayong matataas na mga gusali at establisyemento. Napalingon ako sa ospital at tiningala iyon. "Sa likod tayo ng ospital lumabas?"
BINABASA MO ANG
PATIENT X (R-18)
General FictionWhen you get caught in a dangerous game, you will never be the same again. Joy Madrid is a beautiful woman suffering from major depression because of a relationship gone wrong. Mahal pa rin niya si James at kahit na ipinagpalit na siya nito sa ibang...