*PARA MAITULOY ANG EXPOSURE THERAPY NI JOY, DINALA SIYA NI MARTIN SA ISANG RESORT KUNG SAAN MAKAKAPAGSOLO SILA*
HIDDEN PARADISE. Bagay na bagay ang pangalan niyon sa mismong resort. Isa nga iyong paraiso na natatago sa gitna ng nagtataasang mga puno at ng kabundukan. Malamig at nang huminga ako ng malalim ay naamoy ko ang sariwang hangin na may halong amoy ng kakahuyan at basang lupa mula sa kabundukan. At sa unang pagkakataon mula nang huling beses kong nakita si James, nakaramdam ako ng pagkasabik at katuwaan. Sa unang pagkakataon, napangiti ako ng tunay.
Na agad ding napalis nang talikuran ako ni Martin at malalaki ang hakbang na iniwan ako sa tabi ng kotse papunta sa kung saan. "Saan ka pupunta?" tawag ko sa atensiyon niya.
"Reception. Diyan ka lang, babalik ako," sagot niya na hindi man lang ako nilingon.
Walang magawang napasandig na lang ako sa gilid ng kotse at muli na lang iginala ang tingin sa paligid.
Nang muling bumalik si Martin makalipas ang halos dalawampung minuto ay may kasama na siyang staff ng resort, may tulak na trolley. Para siguro sa mga bag namin.
"Let's go. Nasa akin na ang susi ng cottage natin," sabi ni Martin pagkatapos mailagay ang mga gamit namin sa trolley at mauna na.
Dahil mabilis maglakad si Martin ay halos patakbo ang ginawa ko para makasunod sa kaniya. Matagal tuloy bago rumehistro sa isip ko ang sinabi niya. "Wait! Cottage... natin?" manghang tanong ko sa kaniya.
Hindi siya sumagot at tumakbo na talaga ako para lang makaagapay sa kaniya. Tiningala ko siya. "Anong ibig mong sabihin na cottage natin?" ulit ko.
Sinulyapan niya ako hanggang sa huminto siya sa paglalakad at hinarap ako. Napahinto rin ako at kinabahan nang makitang seryoso ang ekspresyon niya. "We have a list to do, Joy."
Napasinghap ako at may kilabot na kumalat sa buo kong katawan. Hindi lang sa sinabi niya kung hindi sa paraan ng pagkakasabi niya. Mababa ang boses niya at mapang-akit. O baka praning lang ako. Kasi wala naman akong nakikitang bakas ng emosyon sa mukha niya.
Para bang sapat na dahilan na ang sinabi niya na nagpatuloy siya sa paglalakad. Samantalang ako, uminit ang mukha nang maisip kung ano ang mga nakasulat sa listahang ginawa ko na nasa pangangalaga niya.
Nakatayo pa rin ako roon nang biglang huminto sa paglalakad si Martin. Bigla siyang lumingon at inilahad ang kamay sa direksiyon ko. Natigilan ako at napatitig sa kamay niya bago nagtatakang umangat ang tingin ko sa mukha niya. "Nasa therapy session ka mula nang tumapak ka sa loob ng resort na ito. Sinabi ko na sa iyo na kailangan mo masanay na hinahawakan, hindi ba? Come here and hold my hand. I will not let you go."
Napalunok ako at muling napatitig sa nakalahad niyang kamay. Saka ako huminga ng malalim at lakas loob na humakbang palapit sa kaniya. Kumakabog ang dibdib ko at may malamig na pawis ang namumuo sa noo ko habang papaliit ng papaliit ang distansya sa pagitan naming dalawa. Nang nasa mismong harap na niya ako ay huminga ako ng malalim at kahit nanginginig ang kamay ko ay inabot ko pa rin ang kamay niya.
My stomach clenched when he entangled our fingers and held my hand firmly. Nang magtama ang mga mata namin ay bahagya niya akong tinanguan. Na para bang ikinatuwa niya na hinawakan ko ang kamay niya. Saka siya pumihit at muling naglakad. Pero ngayon ay hatak na niya ako.
MALAKI ang cottage namin. May malaking kama pagpasok mo sa pinto pero mayroon ding isa pang kama sa ikalawang palapag. Isa nga lang ang banyo na nasa unang palapag. Ibinigay sa akin ni Martin ang kama sa itaas. Siya na lang daw sa baba. Nag-ayos lang kami ng gamit at nag-wash-up bago niya ako inaya sa dining hall para mananghalian.
BINABASA MO ANG
PATIENT X (R-18)
General FictionWhen you get caught in a dangerous game, you will never be the same again. Joy Madrid is a beautiful woman suffering from major depression because of a relationship gone wrong. Mahal pa rin niya si James at kahit na ipinagpalit na siya nito sa ibang...