ISANG araw pagkatapos ay bumalik na kami ng maynila. Walang mahabang usapan. Kaswal lang niyang binuksan ang paksa ng pag-uwi habang kumakain kami ng tanghalian at pumayag ako.
Magaan at may halong ngiti ang naging biyahe namin pauwi. Hindi na namin pinag-usapan ang gabing kapwa kami umiyak pero sa tuwing nagtatagpo an gaming mga mata ay nagkakaintindihan na kami. Na ang gabing iyon, para sa aming dalawa lang. Hindi ko iyon magagawang ikuwento sa iba at alam kong ganoon din siya.
Hinatid niya pa ako hanggang sa apartment building ko. Nagpaalam siya at sinabing magkita na lang kami ulit makalipas ang tatlong araw sa opisina niya para sa panibagong set of psychological exams na kailangan kong gawin. Pagkatapos ay masuyo niya akong hinalikan sa pisngi at umalis.
Alam ko na sa ospital siya dederetso, haharapin ang mga pasyente niya. Ako, kailangan ko na ring harapin ang buhay ko. Kung ano ang dapat kong gawin ngayong umaandar na ulit ang oras para sa akin. Ano ang magiging hakbang ko ngayong umalis na ako sa trabaho?
Si Lizzy ang unang sumagi sa isip ko. Kaya inayos ko lang ang bagahe ko sa apartment ko at saka tinawagan ang matalik kong kaibigan. Halata ang tuwa sa boses niya nang mag-usap kami sa cellphone at iginiit na magkita kami sa araw na iyon din. Pumayag ako dahil na-miss ko rin naman siya at hindi pa ako nagkaroon ng pagkakataong magpasalamat sa lahat ng ginawa niya para sa akin.
Sa isang coffee shop na hindi pa namin natambayan kahit kailan kami nagkita. May palagay ako na sinadya iyon ni Lizzy para wala kaming makitang mga kakilala. Her sensitivity is one of the things I love about her.
Nauna akong dumating sa coffee shop na sa oras na iyon ay maraming customer. Katunayan ay isang lamesa na lang ang hindi okupado nang dumating ako. Katabi iyon ng isang grupo ng mga lalaking masiglang nag-uusap tungkol sa sports. Bigla kong naalala ang nangyari noong nagkita kami ni Martin sa isang coffee shop. Nang lapitan ako ng dalawang lalaki at kinausap. Kung paanong nanayo ang mga balahibo ko at nataranta ako dahil sa kanila. Naalala ko kung paanong isipin ko pa lang na may mapapalapit sa aking lalaki ay natatakot na ako.
Pero heto ako ngayon, nakaupo sa isang lamesa, halos makabungguan na ang grupo ng mga lalaki sa katabing mesa, pero wala akong nararamdamang pagkataranta. I feel... normal.
Maya-maya pa ay dumating na si Lizzy, humahangos at mukhang minadaling makapunta doon. Nang mapatingin siya sa akin ay agad akong ngumiti at itinaas ang kamay para kawayan siya.
Namilog ang mga mata niya, may kumislap na tuwa sa mga mata pero namasa rin. Saka mabilis na lumapit sa akin. "Oh, my God, look at you!" bulalas niya sabay yakap sa akin ng mahigpit. Gumanti ako ng yakap at napangiti. Ah. Na-miss ko talaga si Lizzy. Nang magkalas kami at umupo siya sa bakanteng silya ay pinakatitigan niya ang mukha ko. Naluluha na naman siya. "You look so much better. Maaliwalas ang mukha mo at nakangiti ka. Katulad ng Joy na kilala ko. I'm so happy."
Napangiti ako kahit uminit din ang mga mata ko. "Pasensiya ka na kung pinag-alala kita. At salamat dahil hindi mo ako iniwan. I owe you so much, Lizzy."
Marahas siyang umiling. "You don't owe me anything. Magkaibigan tayo. Natural lang ang ginawa ko. Besides, hindi ako ang dahilan kung bakit mas maayos na ang pakiramdam mo ngayon. Sabihin mo nga sa akin kung ano ang nangyari sa bakasyon mo? Kasama mo ang psychiatrist mo, hindi ba? Mukhang epektibo ang treatment niya."
Uminit ang mukha ko. Napansin iyon ni Lizzy. Naningkit ang mga mata niya. Halatang na-curious na. "Come on, tell me."
Kinagat ko ang ibabang labi, sandaling iginala ang tingin sa mga katabing lamesa, saka ako bahagyang dumukwang palapit kay Lizzy at mahinang sinabi sa kaniya ang gusto niyang malaman. Maliban siyempre sa gabing para sa aming dalawa lang ni Martin.
BINABASA MO ANG
PATIENT X (R-18)
General FictionWhen you get caught in a dangerous game, you will never be the same again. Joy Madrid is a beautiful woman suffering from major depression because of a relationship gone wrong. Mahal pa rin niya si James at kahit na ipinagpalit na siya nito sa ibang...