Chapter Five

49.1K 739 19
                                    

NAKAKATAKOT isatinig ang mga pribadong bagay tungkol sa buhay ko. Lalo at ako ang tipo ng tao na hindi sanay gawin iyon. Siguro dahil lumaki akong nasanay kumikilos at nag-iisip para sa sarili ko dahil nag-iisang anak ako at parehong nagtatrabaho sa ibang bansa ang mga magulang ko kahit noon pa mang high school ako. Nasanay ako na sinasarili ang lahat. Kahit pa may mga kaibigan naman ako, mas taga-pakinig ako sa mga hinaing nila kaysa kabaligtaran.

Kaya naging mahirap para sa akin ang sabihin kay Dr. Martin ang tungkol sa pagkuha ni James sa virginity ko. Damang-dama ko ang init ng mukha ko habang nagsasalita. Bukod sa may bumibikig sa lalamunan ko at kumikirot ang puso ko kapag naiisip kong isa na lamang alaala ang mga namagitan sa amin ni James. Na iniwan na niya ako at ipinagpalit sa iba.

Maraming beses na ginusto kong itigil na ang paglalahad. Pero sa tuwing naglalakas loob akong tumingin sa mga mata ni Dr. Martin at wala akong makita ni katiting na panghuhusga o kahit ano pa man, lumalakas ang loob ko. Ni hindi nga siya sumisingit ng salita. At sa tuwing napapahinto ako ay hindi siya nagtatangkang susugan akong magpatuloy. Para bang hindi siya naiinip kahit pa abutin ng bukas bago pa ako matapos magsalita.

Mahabang katahimikan ang namagitan sa amin pagkatapos kong sabihin ang tungkol sa unang gabing may nangyari sa amin ni James. Maya-maya ay may kumatok sa pinto ng hospital room ko.

"Dinner po," magalang na sabi ng babaeng may dalang tray ng pagkain bago tuluyang pumasok sa silid ko. Inilapag sa lamesa ang tray, nakangiting nagpaalam at saka muling lumabas.

Napatingin ako sa labas ng bintana. Papadilim na nga sa labas. Ni hindi ko namalayan na ilang oras na pala ang lumipas.

Mukhang kahit si Dr. Martin ay noon lang napansing inabutan na siya ng dilim sa silid ko. Tumayo siya at isinuksok ang mga kamay sa magkabilsang bulsa ng puting coat na suot niya. "Sa susunod na natin ituloy ang pinag-uusapan natin. Kumain ka at magpahinga ng maaga. Tawagan mo ang kaibigan mo. Papayagan na kita makauwi bukas. Reresetahan kita ng gamot. Just a dose of anti-depressants to keep your hormones in normal condition. Pero kailangan mo ipangako na babalik ka. We'll set an appointment. Okay ba iyon?"

Hindi ako agad sumagot. Pinagmasdan ko muna ang mukha niya. Wala talaga akong makitang kahit na anong reaksiyon sa ipinagtapat ko. Na para bang tungkol lang sa panahon ang ilang oras naming pinag-usapan. Siguro para sa kaniya ay normal lang ang kaso ko. Siguro, hindi lang ako ang babaeng ganito.

May nakapa akong pag-asa sa puso ko. Kung totoo nga iyon, hindi ako nag-iisa. At kung may naging kaso na rin si doc Martin na katulad ko, ibig sabihin ay hindi naman ako sobrang abnormal para sa kaniya. Na baka nga maintindihan niya ako.

Na baka maibalik niya ako sa normal. Na baka matulungan niya akong makalimot.

Sa unang pagkakataon sa loob ng tatlong linggo, ngayon lang may kumudlit na pag-asa sa puso ko.

"Joy? Maipapangako mo ba na pupunta ka sa appointment natin? Will you come see me?" untag ni Dr. Martin sa akin.

Huminga ako ng malalim at tumango. Pinakatitigan niya ako, parang sinisiguro kung nagsasabi ako ng totoo. Saka may sumilay na ngiti sa mga labi niya at lumambot ang masungit na ekspresyong palagi kong nakikita sa mukha niya.

Sumikdo ang puso ko dahil pamilyar sa akin ang ngiti niya. Pero bago ko pa maisip kung bakit ay nagsalita na siya.

"Good. See you then." Saka siya tumalikod at lumabas ng silid ko.

ISANG linggo pagkatapos ang araw na ma-discharge ako sa ospital, natagpuan ko ang sariling nakatayo na naman sa labas niyon para sa appointment ko kay Dr. Martin. Humigpit ang hawak ko sa strap ng shoulder bag ko. Ilang beses na ba sa nakaraang mga araw na nagdalawang isip ako kung pupunta ngayon? Ilang beses ako natakot?

PATIENT X (R-18)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon