"Liam!" sabi ng isang boses sa kaniya. Hindi niya ito pinansin at ipinagpatuloy ang pagtulog.
"Liam!" Mas malakas na sabi nito at tinapik siya. Hindi niya pa rin ito pinansin.
Sa hindi niya malamang dahilan ay parang sobrang sakit ng ulo niya. Pakiramdam niya ay paulit-ulit siyang umikot dahil kahit na nakapikit ay nakakaramdam pa rin siya ng hilo.
"Liam, ano ba? Bumangon ka na!" malakas na sabi nito.
Hindi niya iyon pinansin. Baka kung anu-ano na lang ang naririnig niya dahil sa sakit ng ulo niya.
Isa pa, mag-isa lang siya sa condo unit niya. Sumila kasi noong nakapag-work na siya ay bumukod na siya sa kanila.
"Isa, Liam! Bumangon ka na kung ayaw mong hilahin kita papuntang banyo! Male-late ka na!" sigaw nito.
Kahit masakit ang ulo ay dahan-dahan siyang dumilat. Para kasi talagang malapit lang ang boses.
Pagkadilat ay nag-focus agad ang paningin niya sa babaeng nakatingin nang masama sa kaniya. Napatitig siya rito.
"Ano pa'ng tinutunga-tunganga mo riyan? Maligo ka na at male-late ka na sa pagpasok!" pagalit na sabi nito.
Napakurap-kurap siya. "Mom? What are you doing here?" nagtatakang tanong niya. At ang isa pang pinagtataka niya ay parang bumata ang Mom niya.
Kunot ang noo na tinignan siya nito. "Ano'ng pinagsasabi mo riyan. 'yan! Puro kasi kayo inuman ng barkada mo! Tumayo ka na riyan, may pasok ka pa," sabi nito.
Nagtataka man ay bumangon siya at nag-inat. "Mamaya pa po ang work ko. Bakit ginising mo na ako ng five?" naghihikab na sabi niya.
Nanlaki ang mata niya sa gulat nang batukan siya nito nang malakas. Napangiwi siya sa sakit.
"The heck Mom! Ang sakit noon!" nakangiwing sabi niya. Medyo napalakas pa ang boses niya. Napasalag siya ng akmang babatukan na naman siya nito.
"Naka-drugs ka ba? Naku! Sinabi ko sa'yong layuan mo na 'yang barkada mo! Masasamang impluwensya 'yan!" nanggigigil na sabi nito.
"Hindi ako nagda-drugs." Sabi niya rito at hinimas ang parte na binatukan nito.
"Eh, anong work ang sinasabi mo? Ni ilagay nga sa basket ang labahan mo ay hindi mo magawa!" sabi nito.
"Mom, engineer na ako! Nakalimutan mo na ba?" sabi niya rito. Baka nag-uulyanin na ang Mom niya.
Nagulat siya nang pingutin siya nito. "Puro ka kalokohang bata ka! Hala sige maligo ka na!" sabi nito at iniwan siya sa kwarto niya.
Napabuntong-hininga siya. Nawiwirdohan siya sa nangyayari. Pagtayo niya sa kama ay napahinto siya. Tila may kakaiba.
Inilibot niya ang paningin sa paligid at napanganga. May kakaiba nga. Wala sya sa condo niya kundi nasa bahay nila. Hindi niya maalalang umuwi siya.
Nagtatakang nilibot niya ang paligid. Hindi niya talaga maalala na umuwi siya sa kanila. Ang huli nga niyang naaalala ay noong matutulog na siya. Ang alam niya talaga ay nandoon siya sa condo niya.
Binuksan niya ang cabinet niya. Hindi siya makapaniwala sa nakikita. Nandoon pa rin ang mga damit niya. Mukha pa nga ring maayos ang mga ito. Bakit naman itatago ng Mom niya ang mga gamit niya sa loob ng sampung-taon?
Napapailing na tinungo niya na ang banyo. Baka kapag naligo na siya ay mahimasmasan na siya.
Isang mabilis na shower lang ang ginawa niya. Nagpunas siya ng katawan bago itinapis ang tuwalya sa ibabang bahagi ng katawan niya. Dumiretso siya sa sink para mag-ahit. Sa pagkakatanda niya ay dalawang-araw na siyang hindi nag-aahit.
Nabitawan niya ang pang-ahit nang mapatingin sa salamin. Pumikit siya nang madiin bago muling tinignan ang sarili sa salamin.
Nagmamadaling nagbihis siya at hinanap ang Mom niya. Nasa kusina ito.
"Mom!" mabilis ang tibok ng puso na tawag niya rito.
Nakataas ang kilay na nilingon siya nito. "Ano ba't ang aga-aga ay sumisigaw ka?" sabi nito.
"Mukha akong bata! Bakit ganoon?" naguguluhang tanong niya rito.
"Aba! Ano'ng gusto mo? Mag-mukha kang thirty? Eighteen ka pa lang Liam," sagot nito.
Kumunot ang noo niya. "Mom, I'm twenty-eight!" frustrated na sabi niya.
"Epekto lang ng hangover 'yan. Madaling-araw ka na umuwi. Lasing na lasing ka pa nga," sabi nito.
Nagtatakang napatingin siya rito. "No, Mom. Hindi ako uminom kagabi. Nadia broke-up with me, tapos pumunta akong sementeryo para bisitahin ang isang kakilala ko. Umuwi rin ako agad pagtapos noon. Tapos nasa condo lang ako maghapon," paliwanag niya rito.
Seryosong tinignan siya nito bago napailing. "Sino si Nadia? At anong nagpunta ka ng sementeryo? Hinatid ka ng barkada mo kaninang madaling-araw," seryosong sabi nito.
Naguguluhan na napahawak siya sa batok niya. "Mom, matagal na kaming walang komunikasyon ng barkada," sabi niya rito.
"Liam, ano ba 'yang pinagsasabi mo? Paanong mawawalan ka ng komunikasyon sa kanila? Magkape ka nga muna. Ang aga-aga pinapasakit mo ang ulo ko." Sabi nito at inabutan siya ng kape.
"Mag-isa lang akong umuwi sa condo ko kagabi eh," sabi pa niya rito.
"Hoy, Liam! Wala kang condo! Mag-asikaso ka na nga at baka ma-late ka na naman sa klase mo!" sabi nito.
"Mom, graduate na ako! Engineer na nga ako eh!" pangangatwiran niya rito.
Sinamaan siya nito ng tingin. "Tigilan mo ako sa mga pakulo mong bata ka! Ayaw mo lang pumasok! Hindi pwede! Papasok ka!" pagalit na sabi nito sa kaniya.
Napabuga siya ng hangin. Naguguluhan na talaga siya.
Ano ba'ng nangyari sa kaniya? Biglang naalala niya ang matandang lalaki.
Dalawampu't-limang araw. 'Wag mong sayangin ang oras mo.
Bigla niyang naalala ang sinabi nito.
"Pumasok ka na sa University. Baka ma-late ka pa."
Naguguluhan man ay sinunod niya ang Mom niya. Baka sakaling doon ay masagot ang mga katanungan niya.
Isa pa, malakas ang pakiramdam niya na may mangyayaring kakaiba. Kung ano 'yon, wala na siyang ideya.
-----
BINABASA MO ANG
Back In Time (completed)
Fantasy-COMPLETED- Bumalik siya sa nakaraan para iligtas ang buhay ng babaeng mahal niya. What are you willing to do for the one you love? Are you ready to travel back in the past? At paano nga kung nagising ka na lang isang umaga na bumalik ka sa nakalipa...