Hindi niya na alam ang nangyayari. Sino ba ang lalaking 'yon? Paanong nangyari na nakabalik siya sa oras? Imposible 'yon.
"Natutulog ka pa rin, Liam. Magigising ka rin." Sabi niya sa sarili niya habang paikot-ikot na naglalakad siya sa loob ng kwarto niya.
Kanina noong tinanong siya tungkol sa marka sa pala-pulsuhan niya, hindi kaagad siya nakasagot. Ano'ng isasagot niya? Hindi rin naman niya alam kung paano niya 'yon nakuha.
"Iyong matanda. Baka kinukulam ako noong matanda." Biglang naisip niya.
Naguguluhang umupo siya sa dulo ng kama niya.
Naalala niya ang mukha ni Wynona kanina. Buhay na buhay ito. Nagsasalita at kumikilos. Hindi niya alam ang gagawin niya. May dapat nga ba siyang gawin?
Paano kung panaginip nga lang ang lahat? Paano kung bigla na lang siyang magising?
Napatingin siya sa orasan. Hating-gabi na at hindi pa rin siya tinatamaan ng antok.
Humiga na siya nang maayos. Baka bukas paggising niya ay bumalik na sa normal ang lahat. Baka bukas, nandoon na ulit siya sa condo niya at magigising siya sa katotohanang hindi siya maaaring makabalik sa nakaraan.
"Itulog mo na 'yan, Liam. Bukas magigising ka na. Babalik na sa normal ang pag-iisip mo," bulong niya sa sarili.
Pumikit na siya at naghintay na dalawin siya ng antok. Pero hindi antok ang dumalaw sa kaniya. Isang nakakapasong sensasyon ang bumisita sa diwa niya.
Napahawak siya sa pala-pulsuhan niya ng maramdaman ang mainit na sensasyon na tila pumapaso sa balat niya. Dumilat siya at umupo para tignan iyon.
Pinagpapawisan na napailing siya habang tinitignan ang pala-pulsuhan niya. Mabilis ang tibok ng puso na nakatitig na siya ngayon sa marka niya.
Kinabahan siya. Paulit-ulit ngayon sa isipan niya ang sinabi nang matandang lalaki.
Dalawampu't-limang araw. 'Wag mong sayangin ang oras mo.
Parang sirang plaka na nag-echo sa isipan niya ang boses nito habang nakatitig ngayon sa marka sa balat niya.
"Hindi 'to totoo. Imposible," hindi-makapaniwalang sabi niya. Nawala na ang mainit na sensasyon sa balat niya.
Tinignan niya ang oras.
12:01 am.
Bumalik ang tingin niya sa marka sa balat ng pala-pulsuhan niya.
24
Mukhang kailangan niyang makausap ang matandang lalaki na 'yon.
-----
Maaga siyang pumasok para hanapin ang janitor na 'yon. Nagulat pa nga ang Mom niya nang makitang maaga siyang gumising. Maaga naman na talaga siyang gumigising simula noong nagwo-work na siya.
Kanina pa siya paikot-ikot sa University pero hindi niya pa rin makita ang janitor na hinahanap niya. Nagtanong na rin siya sa mga estudyante, pero wala raw silang nakitang Janitor na katulad sa sinasabi niya.
Frustrated na umupo siya sa isang bench. Hindi niya alam ang gagawin niya.
Ano ba'ng ginawa nito sa kaniya? At ano ba 'yong marka na nagbago ng numero sa pala-pulsuhan niya?
Tinignan niya ang marka na iyon.
Sinubukan niyang kuskusin iyon pero hindi talaga natatanggal.
"Sinasayang mo ang oras ko." Napalingon siya sa boses na nagsalita sa likuran niya.
Isang estudyante.
"Excuse me?" nagtatakang sagot niya rito.
Umupo ito sa tabi niya. "Hinahanap mo ako," sabi nito.
Tinignan niya ito. Hindi niya ito kilala. "I don't know you. Hindi kita hinahanap." Sabi niya rito at tumayo sa kinauupuan niya. Akmang aalis na siya ng mapahinto siya sa sinabi nito.
"Sinasayang mo ang oras ko. Binigyan kita ng oras, pero ginagamit mo sa wala," sabi nito.
Mabilis na napalingon siya rito. "I..ikaw! Bakit ganyan ang itsura mo?" naguguluhang tanong niya.
"Kaya kong magbago ng anyo," simpleng sagot nito.
"Sino ka ba? Ano'ng ginawa mo sa'kin?" tanong niya rito.
Tinitigan siya nito. "Hindi na mahalaga kung sino ako. Ang mahalaga ay ang ibinigay ko sa'yo ang matagal mo ng gusto. 'Di ba gusto mo 'to? Ang makabalik sa panahong buhay pa ang mahal mo? Ano'ng ginagawa mo sa oras mo?" seryosong sabi nito.
"So, totoong bumalik ako sa nakaraan? Hindi ako nananaginip?" paninigurado niya.
"Hindi ito panaginip. Binigyan kita ng oras para magawa ang matagal mo ng gustong gawin. Ngunit mukhang hindi mo pa rin ginagamit sa tama ang oras mo. Gusto ko lang ipaalala sa'yo, limitado lang ang oras mo. Dalawampu't-apat na araw mula ngayon ay mamamatay na ang babaeng mahal mo. 'Yang marka mo, 'yan lang ang oras na meron ka. Gamitin mo sana ng tama."
-----
BINABASA MO ANG
Back In Time (completed)
Fantasy-COMPLETED- Bumalik siya sa nakaraan para iligtas ang buhay ng babaeng mahal niya. What are you willing to do for the one you love? Are you ready to travel back in the past? At paano nga kung nagising ka na lang isang umaga na bumalik ka sa nakalipa...