"Take these broken wings and learn to fly. All your life, you are only waiting for this moment to arise."
▶▶▶
Hindi nagkamali si Lennon na dito sa University lumagi buong hapon. Off niya ngayon sa trabaho at katatapos lang din ng major exams nila at mukhang may panibagong birthday party na naman sa kabilang unit at simula tanghali ay nagsimula na naman ang mga ito sa pagvi-videoke. Dinala niya ang gitara at sketchpad at tumungo ng eskwelahan para magpalipas ng oras.
Napili niya ang University grounds at naupo sa ilalim ng isa sa mga puno doon. Nare-relax siya sa tunog ng mga dahon na nagkiskisan tuwing iihip ang hangin. It gives not just shade but also a good ventilation. Sa isang hilera ng mga puno ay makikita ang ilang estudyante na gaya niya ay nagpapalipas din roon ng oras. May mga nagbabasa, nagku-kwentuhan, gumagamit ng laptop, at grupo ng barkada. He plucked few good strings from his guitar and started making a melody. He hummed the song lyrics. It was his favorite song - Blackbird.
Naaalala niya ang mga hapon tuwing uuwi siya mula sa ekswela at didiretso sa barberya ng papa niya na katabi lamang ng bahay nila. Magpapatugtog ito ng mga kanta mula sa paborito nitong banda at tila sirang plaka na patutugtugin nito ang mga iyon tuwing hapon. Mga lumang kanta at kanta ng The Beatles ang nakalakihan nila. He's just twelve when he started playing the guitar. Ang papa niya ang unang teacher niya sa nasabing instrumento. You Got To Hide Your Love Away na sulat ni John Lennon ang una niyang natutunan na tugtugin sa gitara na may apat na chords lamang. Growing up he tried learning Blackbird on guitar dahil iyon ang madalas na marinig niya na pinapatugtog at kinakanta ng papa niya. Later on, he learned that it was his father's favorite song. And growing up, he realized how the song hits close to home.
Kinuha niya ang notepad at binuklat ito sa bandang gitna. Kabibili niya lang ng nasabing notepad pero halos mapupuno na naman niya ito. May mga scratch, drawings, at naisulat na kanta siya sa bawat pahina. He started sketching the building in front of him. Matapos itong maiguhit ay sumulat siya ng ilang linya sa ibabang bahagi ng papel.
Halos alas-singko na yata ng mapagpasyahan niya na umalis sa pagkakaupo sa ilalim ng puno. Naramdaman niya rin ang patak ng mumunting ulan sa braso niya. Binilisan niya ang lakad para hindi maabutan ng ulan. Pero mukhang hindi niya naiwasan ang nagbabadyang ulan. Palabas pa lang siya sa University premises ng biglang bumuhos ang ulan. Dahil wala naman siyang makitang pwedeng masilungan ay tumuloy na lamang siya sa paglalakad hanggang marating ang sakayan ng jeep. Naglalakad siya palabas ng campus ng makita niya ang babaeng mukhang tinanggay ng hangin ang payong at iba nitong dala-dala. He jogged towards her place at dali-daling tinulungan ito sa pagpulot ng mga gamit nito. Mabuti na lang at hindi gaanong nabasa ang mga libro na dala nito.
Nang mag-angat siya ng tingin ay napansin niya na nakatitig sa kanya ang babae. Inabot niya dito ang dalawang libro na hawak nito kanina.
"S-Salamat."
Tinanguan niya lang ito at nagpatuloy sa paglalakad para maabutan ang papaalis na jeep. Basa na ang paa niya mula sa sapatos na may kaunting sira na sa swelas nito. Maswerte siya at naabutan niya ang kadadaan na jeep at nakasakay doon bago pa lubusang mabasa sa ulan. Puno ng estudyante ang jeep at halos kalahati na lang ng pang-upo niya ang nakalapat sa upuan. Inabot niya ang walong pisong bayad. Akala niya ay wala nang mag-aabot ng bayad niya.
"Salamat," aniya sa babaeng nag-abot ng bayad niya.
Narating niya ang babaan na hindi pa rin humuhupa ang ulan at may kaunting taas na ang tubig sa kalsada patungo sa inuupahang unit.
"Leo!"
Naaninag niya ang babaeng nakatira sa kabila ng inuupahan niyang kwarto. Nalimutan na niya ang pangalan nito. He's terrible with names. Kung iisipin ay mabibilang lang sa daliri niya ang kakilala niya sa pangalan.