Ang Tore at ang Punla

112 5 7
                                    

Pinilit ni Odin ayusin ang sarili. Tumayo ito at nagtungo sa kanyang tokador. Hinila ang upuan at naupo. Kinuha ang suklay at dahan dahang sinuklay ang buhok. Ipinatong sa tokador ang punla na bigay ng kanyang ina. Tinitigan ang sarili sa harap ng salamin. Halatang umiyak siya dahil sa mugto nitong mga mata. Tumayo siya at naglakad patungo sa comfort room upang maghilamos ng mukha. Muli siyang bumalik sa kanyang tokador. Matapos ayusin ang sarili ay kinuha ang punla at lumabas ito sa kanyang silid.

Tulad ng utos ng kanyang ina, itinamin ni Odin malapit sa tore ng kampana ang punla. Matapos niya itong gawin ay umakyat siya sa taas ng tore upang hintayin ang oras upang patunugin ito. Habang hinihintay ni Odin ang oras ay tinanaw niya ang buong paligid ng simbahan. Namangha siya dahil kitang kita niya ang buong paligid, di lamang ang simbahan pati na rin ang mga kabahayan sa paligid nito.

Hindi nagpakita si Kaslit kay Odin. Matapos niyang patunugin ang kampana ay nakita niyang unti unting naglabasan ang mga tao sa kanilang kabahayan at nagtungo sa loob ng simbahan. Nakita siya ng mga tao na nakatanaw sa bintana ng tore at ang ilan dito ay binati siya. 

Bumaba siya sa tore at pumunta sa pintuan ng simbahan. Nagmasid sa nangyayari sa loob ng simbahan. Nakinig sa sermon ng pari at nakinig sa mga awitin sa misa. Pagkatapos ng misa, nakita niyang hinawakan ng mga kabataan ang mga palad ng matatanda at idinikit ito sa kanilang noo.. naisip niya na ito marahil yung sinasabi ng kanyang isip na pagbibigay galang sa matatanda o pagmamano.  Nagmasid siya sa mga ginagawa ng mga tao, habang binibigyan ito ng kahulugan ng mga elementong kanyang inutusan upang ipaliwanag sa kanya ang mga gawi ng tao.

Pagkatapos ay lumakad na pabalik si Odin sa hardin ng panalangin. Habang naglalakad sa gilid ng tore  ay napansin niya ang halaman na hanggang bewang niya ang taas. Pilit niya iniisip kung nakita ba niya ang halamang ito kanina. Lumingon lingon sa paligid. Nag isip hanggang maalala niya na dito niya itinanim ang punla na ibinigay sa kanya ni Halmin. Nagulat siya sa bilis ng pagtubo nito. Hinaplos niya ang dahon at ang halaman ay yumuko sa kanya. Nagulat siya sa ginawa ng halaman, muli siyang lumingon lingon sa paligid. Nang walang nakitang tao ay agad itong tumakbo patungong hardin ng panalangin.

Habang naglalakad sa loob ng hardin, nakita niya ang isang puting rosas sa isang upuang bato at may nakalagay na mensahe "Odin, aking mahal". Lumingon siya sa paligid umaasang makita ang taong nagbigay ng rosas sa kanya. Inilabas niya ang kanyang baton, inutusan itong sabihin sa kanya kung sino ang nagbigay ng rosas na iyon sa kanya. Hindi ito mabatid ng kanyang baton. Bahagya siyang nalungkot dahil hindi niya malaman kung sino ang nagbigay nito.

Habang nakaupo at pinagmamasdan ang bulaklak ay may narinig siyang sutsot. Tumayo siya at sinundan ang sutsot na iyon sa kanya. Biglang nagpakita si Kaslit sa kanya. 

"Ikaw pala yan Kaslit" 

"Natakot ba kita?" tanong ni Kaslit

"Hindi naman, kanina ka pa ba diyan?" tanong ni Odin

"Hindi naman, bakit?"

"Ikaw ba ang nagbigay ng rosas na ito? o kaya, kung hindi naman ikaw, nakita mo ba kung sino naglagay nito dun sa upuan?" 

"Naku Odin, hindi ako ang nagbigay nyan at lalong hindi ko nakita kung sino naglagay niyan diyan" nakangiting sagot ni Kaslit kay Odin

Maya-maya ay....

"Odin! Odin!" tinig ni Yael

"Yael, andito ako sa hardin"

"Andyan ka lang pala, kanina ka pa namin hinahanap, sabay sabay daw tayo maghapunan sabi ni Father" 

"Si Ante, hinahanap din ba ako?" tanong ni Odin

"Andun sa kusina naghahanda ng pagkain. Bakit? nagkagalit ba kayo?" tanong ni Yael

Diwatang de KampanaryoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon