CHAPTER TEN
"HULAAN KO, nag-enjoy kayo nang husto sa pamamasyal," nakangiting salubong sa kanila ni Pastor Rommel nang sa simbahan nila ibinalik ang motor na sinakyan.
Nagkatinginan lang sila ni Gael at parehong napangiti. Doon pa lang ay nagkakaintindihan na sila.
"Maraming salamat ulit, Pastor," si Gael at kinamayan ito.
"Walang ano man, mga bata. Kumain na ba kayo? Maraming pagkain doon sa social hall."
"Kumain na po kami, Pastor," sabi naman ni Ally.
"Pero hindi ako makakapayag na hindi n'yo matikman ang maruya ni Aling Marcie."
"Gawa po ba sa saging na saba 'yon?" tanong ni Gael.
"Oo naman. Kung gusto mo ng gawa sa kamoteng-kahoy, meron din."
Nagulat si Ally nang hawakan ni Gael ang kamay niya.
"'Di ba, Ally, gutom ka pa?"
"Ha?" naguluhang ani Ally.
"Gutom ka pa kaya kumain uli tayo. Salamat po uli, Pastor, ha?"
"Ako talaga?"
Imbes na sagutin ay hinila na siya ni Gael. Pigil ang ngiting kumaway si Ally kay Pastor Rommel na tawang-tawa naman sa kanila.
"NAKITA KO 'yon, ha," tukso ni Gino kay Ally nang lapitan siya nito habang naghuhugas siya ng pinggan sa kusina ng social hall.
Siya ang nagprisinta na maghugas ng mga pinagkainan nila bilang bunga ng mga pangungulit niya sa mga nanay doon sa simbahan. Ayaw kasi ng mga ito nag pagtrabahuin siya dahil bisita sila doon ni Gael.
"Ano'ng pinagsasasabi mo riyan?" pakli naman niya.
"Si Gael. Kunwari ka pa riyan, Bestie. Gusto mo siya, 'no? 'No?" Hindi pa nakontento si Gino at sinundot pa ang tagiliran niya kaya napaigtad siya.
Inambahan naman niya ito ng kamay niyang may sabon. Tinawanan naman siya ng kaibigan. Mabuti na lang at wala doon si Gael. Nasa labas naman kasi ito at kausap si Ghia.
"Malisyoso ka," patay-malisyang pakli pa ni Ally.
"Eh, bakit malapit kayo sa isa't isa? Hindi mo 'ko maloloko, Ally. Alam ko ang ibig sabihin ng mga tinginan ninyo."
"T-tinginan ka riyan!" namulang pakli niya.
"Nakikita ko ang mga tingin sa'yo ni Gael kapag hindi ka tumitingin sa kanya. Gano'n ko rin tingnan si Ghia."
Tinitingnan siya ni Gael kapag hindi siya nakatingin dito? Nabuhayan ng pag-asa ang puso ni Ally kung totoo man iyon.
"Baka naman ginu-good time mo lang ako, Gino?" sa halip ay tanong niya. Siyempre, masakit mag-assume. Pero parang kinikiliti pa rin ang talampakan niya kung totoo nga iyon.
"Kung ayaw mong maniwala, huwag mong aalisin ang tingin mo sa kanya."
"Eh, di nahalata pa niyang may gusto ako sa kanya," pakli niya.
"Huli ka, Ally!"
"Huh?"
Ang ngisi ni Gino ay abot-tenga. Nanlaki ang mga mata niya. Kung hindi ba naman siya isa at kalahating aneng, sa bibig na mismo niya nanggaling na may gusto nga siya kay Gael.
"He looks nice. I like him for you. Sana lang hindi maging kontra-bida ang mga magulang niya sa relasyon n'yo."
"Wala kang narinig, wala akong sinabi."

BINABASA MO ANG
Ally And The Grumpy Guy (Some Type Of Love)
Short StoryMy Affair With The Grumpy Guy (Some Type Of Love) By Sharmaine Light/ LittleRedYasha All Rights Reserved © 2016 Synopsis: Ally was hopelessly in love with her bestfriend, Gino. Ang cliché, 'no? Ganoon nga yata talaga ang buha...