CHAPTER FIVE
WALA PANG kalahating minuto ay magkasunod na pumasok sa kwarto niya ang nanay at tatay niya na natataranta.
"Ano'ng nangyari, anak?" ang tatay niya.
Nanginginig ang kamay na itinuro niya si Gael.
"Paanong nakapasok ang lalaking 'yan sa kwarto ko? Gusto niya 'kong pagsamantalahan!"
Matalim ang tinging binlingan ng Tatay Domeng niya si Gael.
"Aba, teka lang naman, hijo. Maayos ka naming tinanggap sa pamamahay namin, 'tapos, ito pa ang gagawin mo sa anak namin?"
"It's not what you think!" giit naman ni Gael.
Pumagitna naman ang nanay niya.
"Bigyan muna natin ng pagkakataon na magpaliwanag si Gael. Baka naman may misunderstanding lang na nangyayari sa mga bata. 'Di ba?"
"Si Ally ang unang nanghalik sa 'kin."
"Hindi kaya!" mabilis na tanggi niya.
"Mamatay man?"
Hindi agad siya nakapagsalita.
"M-malay ko bang hindi naman pala ako nananaginip? Sinamantala mo ang kahinaan ko!"
"Sinabihan kita pero hindi ka naniwala. Pagkatapos kong madala, pagbibintangan mo 'kong pinagsamantalahan kita? This is embarassing."
Napamaang si Ally. Napakagaling din namang umarte ng lalaking ito. Gusto pa siyang baliktarin. Sa harap pa talaga ng mga magulang niya!
"S-sinungaling!"
"Hindi ba ikaw ang naunang humalik sa 'ting dalawa? Huwag mong sabihing hindi 'yon totoo."
"Mga batang 'to, o," napalatak na ani Nanay Andeng. "Pwede, kung may LQ kayo, huwag na kayong mandamay ng mga matatanda? Nakakaloka kayong dalawa. Ikaw, Ally, magbihis ka na at mag-aalmusal na tayo. Parang halik lang, akala ko naman kung magkakaapo na 'ko. Halika na nga, Domeng."
Tumalikod na ang mga ito na parang walang nangyari.
"Sana pala, Andeng, hindi muna tayo pumasok agad."
Hindi makapaniwalang sinundan ni Ally ng tingin ang mga magulang. Iyon na 'yon? Hindi man lang umalma ang mga ito na panagutan dapat siya ni Gael?
"Gael, sumama ka na pala sa 'min. Hindi morning person 'yang si Ally. Baka ano pa ang gawin sa'yo," pahabol pa ng tatay niya.
Walang salitang sumunod si Gael sa mga magulang niya palabas ng kwarto. Hindi pa rin makapaniwala si Ally na nangyari na ang mga nangyari. Wala na ang first kiss niya. Kung magsusulat siguro siya ng most embarassing moment sa isang slumbook, ngayon ang isasagot niya!
Nakapa niya ang mga labi kasabay ng pagngawa. Hanggang ngayon ay nararamdaman pa rin niya ang mga labi ni Gael at ang amoy nito sa kanyang balat.
"'Yong first kiss kong iningatan ko sa loob ng matagal na panahon, naitapon ko nang gano'n-gano'n na lang..."
Napahilamos siya sa kanyang mukha. Sa mga sandaling iyon niya talaga nahiling na sana panaginip lang ang lahat.
"ANO'NG IBIG mong sabihing nawawala si Ghia?" Mapaklang tumawa si Ally. "Baka naman nag-sleepover lang sa mga kaibigan niya."
Iyon pala ang dahilan kung bakit napasugod sa bahay nila si Gael nang araw na iyon. Nag-aalala ito dahil hindi nito alam kung nasaan si Ghia. Pero bakit siya ang pinuntahan nito? Ano ba ang alam niya sa takbo ng utak ng kapatid nito at ni Gino? Hindi kaya nasobrahan lang sa pagkapraning si Gael?
BINABASA MO ANG
Ally And The Grumpy Guy (Some Type Of Love)
Historia CortaMy Affair With The Grumpy Guy (Some Type Of Love) By Sharmaine Light/ LittleRedYasha All Rights Reserved © 2016 Synopsis: Ally was hopelessly in love with her bestfriend, Gino. Ang cliché, 'no? Ganoon nga yata talaga ang buha...