CHAPTER THIRTEEN
MATAPOS ang dalawa pang araw ay kailangan na muli nilang harapin ang realidad. Inihatid sila nina Gino at Ghia at nina Aling Marcie sa pier sakay ng jeep ni Mang Kanor. Kamuntikan nang makalimutan ni Ally na meron pa nga pala siyang buhay sa lungsod. Masyado kasi siyang nag-enjoy sa ilang araw ng buhay niya na kasama si Gael. Hindi niya alam kung ano ang mangyayari sa kanila kapag nakabalik na sila. Magiging close pa rin kaya sila kagaya ng dati? Magle-level up na ba ang pagkakaibigan nila? Hindi na naman niya maiwasang umasa.
Pagdaong ng barkong sinasakyan nila ay sinundo sila ng assistant ni Gael. Ihahatid na rin daw siya ng mga ito sa bahay nila. Mahilo-hilo pa rin si Ally habang sakay na sila ng kotse.
"Uhm, Gael?"
"Do you need anything?"
Magkatabi sila nitong nakaupo sa backseat. Nakaakbay ito sa kanya habang siya naman ay nakahilig dito.
"Kailan mo ulit ako ililibre ng inihaw na manok?"
Natawa naman ito.
"Kapag naayos ko na ang lahat ng gusot. Hopefully, pagbalik ko galing ng Italy."
Gulat na napatingala siya rito.
"Aalis ka na naman?"
"I have to talk to my parents and convince them. Alam kong hindi nila matitiis si Ghia. Besides, hindi nila kami kayang itakwil. Kailangan nila kami hindi lang bilang mga tagapagmana kundi bilang mga anak mismo nila."
"Kailan ka babalik?"
Nagkibit-balikat ito. "'Yon ang hindi ko alam. Nahahati ako ngayon sa pamilya at negosyo. Mahihintay mo ba 'ko hanggang sa maayos ko ang lahat?"
"Oo naman. Kahit gaano katagal. Basta siguraduhin mo lang na babalikan mo 'ko para tuparin 'yong pangako mong libre."
"I will." Pabiro pa nitong ginulo ang buhok niya. "You know what? I've learned a lot from everything that has happened," pag-iiba pa nito.
"Gaya ng?"
"Kung pagmamahal ang rason mo para lumaban, matalo ka man o matalo, the fight is always worth it. Minsan, naiisip ko kung ano nga ba ang nangyari kung sakaling ipinaglaban ko si Milyn."
"Milyn?" takang ulit ni Ally. Iyon ang unang pagkakataon na binanggit ni Gael ang pangalang iyon.
"She was my first and only girlfriend before we broke up. Kagaya ni Gino, ayaw rin ng mga magulang ko sa kanya. Simple lang kasi ang pinanggalingang pamiya ni Milyn. She used to be Ghia's instructor. Naging kami sa loob ng tatlong taon pero sekreto lang ang naging relasyon namin. Pero nalaman din ng mga magulang ko. Gaya ng inaasahan, tumutol sila. Kapag hindi ko hiniwalayan si Milyn, patatalsikin nila siya sa university at hinding-hindi na makakapagturo sa kahit na anong eskwelahan.
"I know what they're capable of, Ally," patuloy nito matapos ang isang buntong-hininga. "Si Milyn ang breadwinner ng pamilya nila at ayokong ako ang maging dahilan para magkagulo ang buhay niya. Kahit masakit, tinapos ko ang relasyon namin kahit wala siyang pakialam sa pwedeng gawin sa kanya ng mga magulang ko. Ang kasalanan ko lang, naging duwag ako sa panahong kailangan naming maging mas matapang. Nawala ang babaeng una kong minahal. Natalo ako nang hindi lumalaban. Simula noon, kinalimutan ko na ang lahat ng tungkol sa pag-ibig. Until... this happened."
Hindi alam ni Ally kung ano ang sasabihin. Napatingin siya sa mukha ni Gael at nag-isip kung ano nga ba ang dapat niyang sabihin pero nabigo siya. Masyado siyang nabigla sa mga narinig niya at hindi niya alam kung ano ang iisipin. Halata sa pagkukwento ni Gael na napakaespesyal na babae ni Milyn sa buhay nito at kung gaano ito nanghihinayang nang pakawalan nito ang dating nobya.

BINABASA MO ANG
Ally And The Grumpy Guy (Some Type Of Love)
Historia CortaMy Affair With The Grumpy Guy (Some Type Of Love) By Sharmaine Light/ LittleRedYasha All Rights Reserved © 2016 Synopsis: Ally was hopelessly in love with her bestfriend, Gino. Ang cliché, 'no? Ganoon nga yata talaga ang buha...