[14] Ally And The Grumpy Guy

7.9K 294 32
                                    

CHAPTER FOURTEEN

HINDI agad nakapagsalita si Ally sa narinig niya.

"Hindi ho ba niya ipinaalam sa'yo?" tanong pa ni Mr. Manzano.

Umiling-iling siya.

"H-hindi po. 'Yong huli naming pag-uusap ay no'ng bago pa siya umalis. Wala na po akong balita sa kanya pagkatapos n'on. Kung hindi pa tayo nagkita, hindi ko pa malalaman." Ngumiti si Ally pero may halong pait iyon. Hindi niya mapigilang masaktan at magtampo. Hayun siya at hindi na mapakali sa kaiisip kay Gael pagkatapos ay malalaman-laman na niyang nakauwi na pala ito ng Pilipinas.

"Marami po kasi siyang inasikaso kahit na kararating lang niya. Ang sabi niya, maayos na raw na natanggap ng mga magulang nila ang pagpapakasal ni Ma'am Ghia. At kaya po ako ang humarap sa mga ka-meeting niya ay dahil sa pumunta po siyang probinsiya para makipagkita kay Miss Milyn."

Aray ko naman.

Pakiramdam ni Ally ay may tumadyak sa dibdib niya. Nakalimutan siyang kumustahin ni Gael dahil hinahabol pala nito ang oras para makausap si Milyn. Tinotoo nga ni Gael ang sinabi nito noong maghiwalay sila. Hindi na siya magugulat kung sakali mang malalaman niyang nag-reconcile na ang mga ito. Pero masakit pa rin.

"K-kaya siguro hindi niya ako natawagan," mahinang sambit niya.

"Hectic din po kasi ang schedule na sumalubong kay Sir. Hindi ko nga alam kung paano niyang naha-handle ang mga 'yon, eh." Pabiro pang ngumiti ang assistant ni Gael.

Ngumiti rin si Ally kahit pilit.

"Baka nagpapabaya na naman 'yon. Sige po, Mr. Manzano, maraming salamat po. Pasensiya na rin po sa abala."

"Wala pong problema 'yon, Miss Ally. Basta kayo po."

Wala sa sariling naglakad na papuntang counter si Ally. Lalong bumigat ang kanyang pakiramdam. Nakauwi na si Gael ng Pilipinas at sa ibang tao pa niya nalaman. Kailan nito balak magparamdam sa kanya, kung ganoon? Unfair ba o talagang umasa lang siya na kahit papaano ay espesyal na rin siya para rito? What about the kisses and the moments they shared? Sa kanya lang ba may halaga ang mga iyon?

KATATAPOS lang ng isang masayang tour sa lumang mansiyon ng namayapang sugar baron na si Don Mariano Ledesma Lacson na mas kilala sa tawag na The Ruins ng Talisay City, Negros Occidental. Masaya dahil hindi niya inakalang hindi siya nabagot sa pakikinig sa kasaysayan ng itinuturing na historical landmark.

Noong binuksan iyon bilang tourist attraction ilang taon na ang nakararaan ay naisipan ng kasalukuyang may-ari ang pag-develop sa lugar para mas marami ang maengganyong bisitahin ang The Ruins. Nasa café na siya nang mga sandaling iyon dahil ginutom siya. Sobrang nakakatawa naman kasi ng tourguide. Iniisa-isa niya sa cellphone ang mga kuha niyang litrato ng iba't ibang parte ng mansiyon. Hanggang sa mga sandaling iyon ay namamangha pa rin siya.

Hindi na siya makapaghintay na makita ang view ng mansiyon kapag dumating ang gabi. Pero mas masaya sana kung kasama niya si Gael ngayon. Dalawa sana silang nag-e-enjoy sa ganda ng lugar. Tiyak na magtatanong din ito kung saan galing ang mga itlog na ginamit sa finishing ng mansiyon na paniguradong hindi galing sa tourguide. Ayon sa nabasa niya sa isang website at sa tourguide, ilang araw ding tinupok ng apoy ang mansiyon matapos iyong sunugin ng mga Amerikano para hindi gawing kuta ng mga Hapon noong giyera.

At hindi rin pala niya pwedeng palampasin ang pagkakataon na magsulat ng isang article tungkol dito para mai-feature sa website nila. Pero mas masaya sana kung makasama niya si Gael sa lahat ng pictures.

Gael na naman...

Maagap na pinahid ni Ally ang sulok ng mga mata niya nang mag-init iyon. Kinaya niya ang kabiguan niya kay Gino, kakayanin din niya ngayon kay Gael.

Ally And The Grumpy Guy (Some Type Of Love)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon