Recap:
Nagpatulong kay Lucas si Jayson na alamin kung kanino nga ba nagkagusto si Kath. Bilang isang tapat na kaibigan at lihim na umiibig sa kanyang bestfriend ay sinunod naman ni Lucas ang gusto nitong ipagawa. Kinausap niya nang masinsinan si Kath at ginawa ang lahat ng makakaya para makakuha ng impormasyon mula dito. Ayaw sanang sabihin ni Kath kung sino ang lalaki/binabaeng natitipuhan niya pero nagkamali siya nang hawakan niya ang kamay ni Lucas habang sila ay nag-uusap. Nakuha agad ni Lucas ang ibig sabihin nu'n kahit na nananatili pa ring isang misteryo sa kanya kung paano nalaman ni Kath ang tungkol sa preference niya. Pagkalito at pagkainis sa sarili ang naramdaman ni Lucas na labis na nagpahirap sa kanya ng ilang araw. Hindi niya inasahan na darating ang araw na siya pala ang magiging dahilan ng paghihirap ni Jayson. At dahil doon, kinailangan niyang harapin ang isang dilemma; kung tutulungan ba niya si Jayson sa balak nitong makuha ulit ang pag-ibig ni Kath o kung dapat na ba niyang pagbigyan ang sarili at sabihin kay Jayson ang tunay na nadarama.
Excerpt from Chapter 11 :
Ang saya. Kaming tatlo naman ngayon ang kukunan. Nasa left ko si Jayson samantalang si Benjo ang nasa right ko. Obviously, nasa gitna ako. Lol.
"Bok, wacky pose. Wacky face. Wacky wacky wacky!"
Napatingin ako kay Jayson. Sana ganito siya kasaya palagi. Malapad ang ngiti.
"At the count of three," sabi ng chick. "1, 2, 3."
Click.
Gusto ko parati siyang masaya.
Click.
Hindi ko na kaya. Hindi ko na siya ibibigay kay Kath.
Click.
Magiging akin siya. Sasaya siya sa'kin.
Click.
I will no longer be secretly in love with my bestfriend. No. Not anymore.
Chapter 12
~Lucas's POV~
Nakatayo siya sa gilid ng motor at maaliwalas ang mukha na nakikipag-usap kay Benjo. Malapad ang ngiti. Nakasakay naman si Benjo sa motor at nakangiti ring nakikinig lang sa mga sinasabi niya. Parang nagkwekwento na naman ng mga walang kwentang bagay, kalokohan at kung anu-ano pa. Umiling siya. Namulsa. Sumeryoso. Nagulat na lang ako nang bigla siyang bumunghalit ng tawa tapos nakipag-high five. Cute. Ang gwapo niya sa suot na blue v-neck shirt, jeans at flip flops. Nakadagdag pa sa dating niya ang buhok niyang magulo. Hindi sinuklay, parang bed hair.
His smile brings me intense feelings of euphoria.
Napangiti ako sabay talikod para pumila sa Krispy Kreme Doughnuts. Pauwi na kami nang mapadaan dito. Mahilig si Jayson sa matatamis kaya 'di na ako nagdalawang-isip na tumigil dito para ipagbili siya ng isang box nu'n. Sinabi kong para sa mama niya 'to, pero ang totoo niyan ay para talaga ito sa kanya. Alam ko na kasi ngayon kung ano ang gusto ko. Gusto ko siyang pasayahin. Alagaan. Liligawan ko siya. Manliligaw ako. Yeah. Kakantahan ko siya ng Just So You Know ni Jessie McCartney, Tuliro ng SpongeCola, Harana ng Parokya, Collide ng Howie Day, You'll Always Be My Baby ni David, ng Gaze at Your Eyes ni Hallur at kung ano pang ma-kesong kanta diyan na maaaring magpapakilig sa kanya. Ipagluluto ko rin siya. Pakakainin. Bibihisan. Aayusan. Pupunasan ang pawis niya. Ipagsusuklay ng buhok. Ipagda-drive. Sasaluhin ko lahat ng bolang ipapasa niya, kahit anong klaseng bola pa 'yan nakahanda ako. Itetext palagi ng good morning have a nice day, ng take care 'cause I care. Itetext na kumain ng marami, na magtoothbrush na siya, na itext niya ako 'pag pauwi na siya galing school, na matulog nang maaga, ng good night and dream of me. Kapag hindi nagreply, tatawagan ko siya at pipiliting bigyan ako ng update sa mga nangyayari sa kanya. Pusanggala. Putek. Paksyet. Punyemas. Kahit ata ang ipaglaba siya kaya ko nang gawin ngayon. Amp. Hindi ko pa nga alam kung paano ako magtatapat, but hell, one thing's for sure, I will definitely make him fall for me. Kung dati'y siya ang nag-aalaga sa'kin, kung dati'y tinuturing niya akong parang babae, pwes ngayon ay hindi na dahil ako naman ang gagawa ng mga iyon sa kanya this time around.