Semento

705 10 0
                                    

Hindi mo matutukoy ang mga araw na babago sa buhay mo hanggang baguhin ka na nito
Ang paggising sa umaga ay simpleng pagmulat lang hanggang sa bigla kang hainan ng bagong putahe ng mundo

Ito na ang buhay mo ngayon Namnamin mo ang pagbabagong ito
Lasapin mo ang tamis ng pabaon kong lungkot, hindi nakakaumay na uri ng lungkot
Ang pangako ng isang bagong simula.

Hindi mo matutukoy ang mga araw na babago ng buhay mo
Sa kalsada, ganoon pa rin ang lubhang siksikan ng mga sasakyan
Ang ingay ng mga businang nagmamakaawang mabigay daan
At ikaw, posibleng nasa isang tabi lang walang malay na sa isang iglap,
May mga pusong malapit nang masagasaan, mga kaluluwang maglalaho na sa usok ng lungsod

Kaya sandali,
Tigil
Hayaan mo ang sarili mong huminga
Tumingin ka sa paligid habang ang buhay na kilala mo ay siyang buhay pa
Nakakatuwa minsan itong lugsod at bahay
Parati na lang walang katapusan na nagtatayo at konstruksyon

Ituring mong semento ang buhay ngayon
Hulmahin ang buhay gamit ang desisyon at kung sorpresahin ka ng buhay
At makitang may taong nagsulat ng kanyang pangalan sa patuyo pa lamang na ginagawa mong daan
Damhin mo sa puso mo

Mararapat ba siyang manatili hanggang kinabukasan?
Makapiling hanggang sa marating mo ang nais mong puntahan?
Sana, oo

Walang pagdadalawang-isip oo dahil ako ang taong nagsulat dito
Ako na mahal ka simula pa noong gawin mo ang daan na tutunguhin mo.

Spoken Word Poetry (Wattys 2016)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon