PANGALAWANG KABANATA:
ANG PAGBABALIK
TAONG 2005
PAGKALIPAS NG
LABING-ISANG TAON
(CHRYCHEL)
Salamat dahil bakasyon na namin. Kahit papaano tapos na rin ang pasukan namin at isa sa mga honor students sa aming paaralan. Mayroon na akong pagkakataon makipaglaro sa mga pinsan sa na kapitbahay lang namin.
Tuwing bakasyon lang kasi ako nakakalabas ng bahay at tuwing may pasukan naman, lagi akong nagkukulong sa kuwarto para mag-aral ng mag-aral.
Umagang-umaga na pala ngunit napakainit at nakatirik na kaagad ang sikat ng araw. Nakatapat kasi yung sinag ng araw sa mismong bintana sa kwarto ko na katabi pa ng kama ko.
Sinasabi ko na kasi kay Mommy Sandra yung tungkol dito kaso ayaw na ayaw niya. Sabi niya kasi sa akin ganito, tama lang daw na yung kama ko ang katabi lang ng bintana para raw magising agad ako at hindi tanghaliin sa paggising lalo na bakasyon naman daw.
Isa pa sa dahilan niya para raw hindi ako matutulog hanggang tanghali baka raw masanay ako at sa susunod na pasukan maleyt-leyt ako sa pagpasok at hindi ko na mahaharap yung mga gawaing-bahay dahil baka puro paglalaro na lang ang atupagin ko.
Sa susunod na pasukan, nasa ika-anim na baitang na ako sa elementarya at iyon na ang isa sa pinakamasayang parte ng buhay ko dahil una magtatapos na ako at magiging hayskul at ikalawa makakasama ko na rin ang Daddy Leandros ko na OFW galing sa Dubai.
Sigurado ako marami iyong ipapadalang mga imported na tsokolate, mga mamahaling laruan o di kaya’y mga magagarang damit na maaari kong magamit sa mga mahahalagang okasyon ng buhay ko. Sana matupad iyon kahit sa isang beses lamang na maaaring mangyari sa tanan ng buhay ko.
Hinding-hindi na ako makapaghintay na makapagtapos na sa aking elementarya at sabitan ng mga magulang ko ng mga nagniningning na mga medalyang pagtityagaan kong mapagtagumpayan, at sa harap ng mga kamera, kakaway ako, at taus-puso kong ipagmamalaki ang mga ito sa kanilang lahat.
Bago raw kasi akong ipinanganak sa mundo, nagpunta na raw si Daddy sa ibang bansa para magtrabaho, pandagdag daw sa gastusin sa bahay, at matugunan ang mga pangangailangan namin sa aming pang-araw-araw na pamumuhay.
Nang makalipas raw ng limang taon umuwi raw si Daddy para makita akong muli. Mga isa’t kalahating taon lang siya nagbakasyon sa Pilipinas dahil kinakailangan raw agad-siya ng kanyang boss sa kompanya.
Mayroon namang mabuting nadulot ang pag-uwi ni daddy rito sa Pilipinas. Una, kahit papaano nakasama ko siya sa pagdiriwang ng aking kaarawan. Ikalawa, nagkaroon ako ng panibagong kapatid.
Hindi muling naabutan ni Daddy si Patrick Joshua dahil dalawang buwan noon bago si Mommy nanganak ay nakaalis na ito pabalik ng Dubai. Dalawang pangalan nga yung ibinigay niya sa bunso namin dahil kinuha niya iyon sa isang teleserye sa telebisyon. Ngayon ay anim na taong gulang na siya at kasalukuyang nasa unang baitang ng elementarya.
Kaya’t ganoon ko na lamang kamahal si Daddy dahil mahal na mahal niya raw niya kami. Naiintindihan ko naman siya dahil ganoon naman daw ang mga tatay sa buong mundo bilang isang haligi ng tahanan, na lahat gagawin para sa ikabubuti ng kanyang pamilya kahit na mahirap mawalay sa kanila.