That Blue Notebook (One-shot)

133 6 3
                                    

That Blue Notebook by Taenydo (One-shot)

Papunta sana ako ng ice cream parlor nang makita kita. Nasa isang bookstore ka noon, pinagmamasdan ang isang pulang notebook. Hindi ko alam kung bakit pero hindi ko matanggal ang paningin ko sa'yo. Siguro dahil sa ang gwapo mo rin. Bigla kong napag-desisyunan na pumasok sa bookstore.

Nung una, gusto sana kitang agad malapitan. Kaso lang, nahihiya ako. Nahihiya ako na baka hindi mo ako kausapin. Pero, inipon ko ang lakas ng loob ko, at napag-desisyunang lapitan ka.

Dahan-dahan akong lumapit sa'yo, pero hindi ko pinahalata na sa'yo talaga ako lalapit. Nagpanggap ako na may hinahanap at biglang natabi sa iyo. Sumilip-silip lang ako sa'yo. Ginulo mo nang kaunti ang buhok mo habang pinagmamasdan mo pa rin ang pulang notebook. Ang gwapo mo talaga nun.

May nahagilap rin ang mga mata ko. Isang asul na notebook. May feeling sa loob ko na gusto ko siyang bilhin. Parang nagustuhan ko ang itsura ng notebook.

Kinuha ko iyon at humarap na papunta sa counter. Pero nalimutan kong nandyan ka pa pala, kaya hayun, nabangga kita. Nahulog 'yung dala kong asul na notebook pagkabangga ko sa'yo. Agad ko namang kinuha pero, bigla kong nahawakan ang kamay mo nang kinuha mo rin ito. Nagtama ang mga mata natin at dun ko nakita ang magaganda mong mga mata. Parang natunaw ako dun sa titig mo.

"Eto oh."

Iyan 'yung una mong sinabi sa akin. Tandang-tanda ko pa rin. Binigay mo sa akin 'yung asul na notebook at pumunta na sa counter. 

You bought that red notebook. I also bought that blue notebook.

Pagkatapos nung insidenteng iyon, akala ko iyon na ang huli kong pagkita sa iyo. Pero, akalain mo, naging magkaklase pa tayo. Ang saya-saya ko nga nun at sa wakas, nalaman ko na rin kung ano ang pangalan mo. Seatmate pa nga tayo eh.

Dahil sa saya ko, sinulat ko iyon sa asul na notebook na binili ko nung una tayong nagkita. At dun na nagsimula ang tuluyan kong pagsulat sa asul na notebook. 

Lahat ng kwentuhan natin. Lahat ng mga nangyari sa atin. Isinulat ko lahat iyo sa asul na notebook. 

Hindi ko talaga inakala noon na magiging malapit tayo sa isa't isa. Pero, unti-unti kong naramdaman sa sarili ko na parang ito na iyon. Na parang ikaw na iyon. Mahal na nga kita nun eh. Ang tanong, mahal mo rin ba ako?

Parang hindi. Mukhang may iba kang gusto nun. Naramdaman ko talaga iyon. Nawalan ako ng pag-asa. Pero, biglang bumabalik. Nawawala rin naman. At bumabalik ulit. Ewan ko sa sarili ko. Nababaliw na talaga ang puso ko.

Lahat ng sikreto ko, nalaman mo na. Maliban nga lang sa isa. Ewan ko kung lahat nga ba ng sikreto mo, alam ko na.

May palagi akong tinatanong sa iyo noon. Hindi ka sumasagot sa tanong na iyon.

"May gusto ka bang babae?"

Wala akong natanggap na sagot mula sa iyo noon. Bakit ba ayaw mo sagutin iyon?

Lahat ng nararamdaman ko para sa'yo. Lahat ng mga pangyayaring kasama kita. Lahat ng iyon, sinulat ko sa asul na notebook.

Habang sinusulat ko iyon, may pumasok na mga katanungan sa isip ko.

"Ano kaya ang sinusulat niya sa pulang notebook? Diary din niya ba iyon? Ba't hindi niya iyon pinapakita sa akin?"

Isang araw, nakita ko 'yung pulang notebook na nakalapag sa mesa mo. Wala ka nung time na 'yun. At dahil sa curious ako kung ano ang laman nun, binuksan ko iyon at binasa ang lahat ng nakasulat doon. Sorry talaga kasi hindi ako nagpaalam sa iyo.

Pero hindi ko inasahan ang mga nakasulat doon. Nabiyak ang puso ko nun. I was brokenhearted. Napatulo nalang ang mga luha ko. Ang sakit.

Lahat ng kwentuhan ninyo ng babaeng gusto mo. Lahat ng mga nangyari sa inyo ng babaeng gusto mo. Lahat ng nararamdaman mo para sa kanya. Lahat ng mga pangyayaring kasama mo siya. Lahat ng iyon, nakasulat sa pulang notebook.

Agad kong sinarhan at binalik sa mesa mo ang pulang notebook at tumakbo palabas ng classroom. Nabangga nga kita nung paglabas ko. Pero, hindi ko pinansin ang mga tawag mo. Ang sakit talaga. 

Umuwi ako sa bahay na luhaan. Umiyak ako nang umiyak. Ang sakit-sakit pa rin. Parang dinudurog ang puso ko. 

Kinuha ko 'yung asul na notebook. Biglang bumigat ang pakiramdam ko. Parang sumisikip ang dibdib ko habang nakahawak sa asul na notebook.

Hindi ako kumain nung gabing iyon. Nagkulong ako sa kwarto ko.

Ayokong pumasok sana nung kinaumagahan kasi kapag makikita kita, baka biglang sisikip na naman ang dibdib ko at iiyak na naman ako. Pero, sinabi ko sa sarili ko na kaya ko 'to. Kahit na nasaktan ako, I have to wear a mask of happiness. Kailangan kong ipakita sa iyo na walang nangyari.

Wala ka talagang alam kung anong nangyari nung araw na iyon. Kung bakit ako umiyak at kung bakit pagkabukas bigla nalang akong naging masaya. 

Lumipas ang mga araw at unti-unting nawala ang nararamdaman ko para sa'yo. Masakit pa rin siya, pero hindi na siya matindi. Naka-move on na rin naman ako. 

Grabe talaga. Because of that blue notebook, I met you. Because of that blue notebook, I got close to you. Because of that blue notebook, I had feelings for you. But, because of that red notebook, I had a broken heart. 

Oh well. At least, hindi mo nalaman 'yung mga naramdaman ko para sa'yo noon. Until now, you still don't know. Until now, only that blue notebook knows.

END

------------------------------------------------------------------------

#Taenydo

That Blue Notebook (One-shot)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon