Dear Nanay,
Sa pagpapatuloy ng aking kuwento ay napadpad nga ako sa Maynila. Mag-isa lamang ako. Ang tanging dala kong pera lamang ay ang huling sinahod ko at ang sa ni-loan ko sa SSS noong mga panahong iyon.
Akala ko nga madali lang ang buhay kaso iba ang napapanood ko sa telebisyon kaysa sa aktuwal na Maynila. Ang cost of living ay masyadong mahal at sakto lang sa boarding house ko. Dumating pa nga sa point na muntik na akong mawalan ng allowance. Mabuti na lamang ay agad akong nag-aplay ng trabaho sa Cubao.
Nakapasa naman ako sa isang call center doon sa Araneta pero tumagal lamang ako ng isa at kalahating buwan. Umalis ako doon at nag-aplay naman sa Ortigas at nakapasa sa isang call center ulit. Gaya ng nauna ay umalis ako at isang linggo lang ako doon. Mabuti nga ay hindi ako hinabol ng bond ng kompanyang iyon. Sampung-libo din iyon na babayaran ko.
Mula Cubao at Ortigas ay napadpad ako sa Makati at sa Cavite. Doon ay nakilala ko ang nag-alaga sa akin daw noong bata ako na asawa ng pinsan ni Tatay. Alam daw nila kung nasaan ka kaya doon ako sa Cavite nanirahan sa bahay ng mga pinsan kong babae. Matapos kasi akong makapasa sa isang call center dito sa Makati ay uwian ako from Makati to Cavite. Graveyard shift o pang-gabi ang pasok ko pero hindi ako nagreklamo.
Noong una ay mabait ang trato nila sa akin, which was totoo naman. Kaya nga ako na rin mismo ang nagbibigay ng pambili ng bigas at pambayad ng tubig tuwing sahuran ko. Hindi ako nagreklamko, bagkus ay tinanaw kong utang na loob ang pagtira ko doon sa kanila dahil tumaba ako na hindi ko na talaga pinangarap pang magkakatotoo.
Lumipas ang mahigit isang taon ay nalaman ko ring pinagtsitsimisan na nila ako at ginagawan na nila ako ng mga kwentong kutsero. Kaya lumipat ako ng matitirhan. Kaso ay malapit pa rin sa kanila kaya naghanap muli ako nalipat sa Bayan. Pero hindi rin ako nagtagal doon kasi bantay-sarado at may curfew ang landlord at landlady na ubod ng sama ng ugali.
At dito nga sa tinutuluyan ko ngayon na apat na taon na akong namalagi ay nakaramdam ako ng kaginhawaan. Pero alam po ba ninyong muntik na akong mamatay dahil sa isang sakit, Nay.
Galing po ako sa isang ENT specialist at nagpatingin sa aking tainga kasi matagal ko nang sakit ito e. At pagkatapos ng check-up na iyon ay umuwi akong hilong-hilo. Akala ko ay sakit sa ulo lang kasi pumunta pa ako ng Mall para mag-window shopping pa muna. Pero pagdating sa mall ay dumiretso ako sa comfort room at doon ay hindi na talaga simpleng sakit ng ulo lang iyon dahil umiikot ang paningin ko at nawawala ang balance ng katawan ko.
Mabuti na lamang ay kasama ko ang naging best friend ko na ngayon nang mga oras na iyon at inalalayan niya akong makauwi sa tinutuluyan ko. Pagdating ko roon sa boarding house ay nagsusuka na talaga at sobrang sakit ng tainga ko. Nagsusuka akong walang lumalabas na kahit anong nakain ko. Nawalan ako ng panlasang kumain. Pinapakain ako ng kaibigan ko pero hindi ko malunok-lunok. Isinusuka ko lamang iyon.
Lumipas ang limang araw ay dugo na ang naisusuka ko. Kaya nagdesisyon akong magpa-ospital. Inalalayan pa rin ako ng kaibigan ko na alalang-alala sa akin. Masakit pa rin kasi ang ulo ko at tainga ko. Pagdating sa emergency ay agad akong sinuri at tinanong nang tinanong pero ang kaibigan ko na lamang ang sumasagot hanggang sa nagsuka na naman ako at may dugo na naman. Pagkatapos noon ay nawalan na ako nang malay. Ang huli kong naalala noon ay tinurukan na ako ng iba't ibang injection hanggang sa pagigising ko ay nasa isang ward na ako.
Ang iyong nawawalang anak,
Dodoy

BINABASA MO ANG
Nanay
غير روائيIkaw ang nagbigay ng buhay. Sa iyo ako ay nanggaling. Namumukod-tanging alaala ko. Pinaka-inasam-asam na makita. O, aking mahal na Ina. Hango sa tunay na buhay.