Dear Nanay,
Limang araw akong na-ospital at sa loob ng limang araw na iyon ay damang-dama ko talagang nag-iisa ako dahil hindi man lamang ako naalala ng mga kapatid ko sa labas. Idagdag pa ang sitwasyon kong walang-wala ako nang mga panahong iyon.
Wala akong naipon kasi lagi akong nagpapadala ng pera sa kanila. Patay na pala si Tatay nang mga panahong iyon, Nay. Ayoko ng ikuwento ang nangyari sa kaniya dahil alam kong magkasama na kayo ngayon sa kabilang-buhay.
Matindi man ang hinanakit ko noon dahil naalala lamang nila akong tawagan nang gumaling na ako at iyon ay pagkalipas lamang ng tatlong araw. Pero noong pangalawang araw ko sa ospital ay iyak ako nang iyak. Hindi maubos-ubos ang mga luha sa aking mata dahil sa sinapit ko. Hindi ko talaga in-expect na mangyayari sa akin iyon.
Bumigay ang katawan ko sa loob ng halos isang dekadang pagtatrabaho ko. Hindi ko pinagsisihang tulungan sila sa kanilang pangangailan pero pinagsisihan kong wala man lamang akong naitabi sa aking sarili. Bagay na sana ay noon ko pa nagawa sa aking buhay. Ni hindi ko nga na-enjoy ang pagkabinata ko.
Nang lumabas ang resulta ng sakit ko ay doon ay nanlumo na naman ako dahil nawala na ang isang pandinig ko. Singkwenta y porsyento lamang ang posibilidad na makakarinig pa ang isa kong tainga. Pinayuhan akong mag-undergo ng CT Scan sa tainga ko at kung ano man daw ang resulta ay mag-uundergo ako ng operasyon pero may kamahalan at delikado dahil malapit sa utak iyon.
Lumalaki na rin kasi ang gastusin ko ospital kaya nang sumapit ang ikalimang araw tuluyan na ngang bumuti ang pakiramdam ko. Pero hindi ako nagdecide na magpa-opera dahil kampante naman akong may iba pang paraan. Niresetahan na lamang ako ng iba't ibang klaseng gamot. Pati ang reseta para sa pagpag-CT Scan ay binigay din sa akin.
Matapos makalabas sa ospital ay pinakiramdaman ko naman ang katawan ko. Iniwasan kong ma-stress, o mag-isip nang malalim dahil makakasama ito lalo pa't noong panahong iyon ay hindi ko pa rin maibalanse nang maayos ang katawan ko. At dahil matagal akong nawala sa trabaho ay bumalik ako after two weeks.
Pero isang linggo pa akong nag-take ng calls pero hi-no-hold ko ang mga nakaka-usap kong kliyente dahil hindi pa aprubado na mailipat ako sa isang account na hindi na kailangang mag-calls. Sobrang nahihilo ako at masakit sa utak at taingan ang making sa mga loud noise. Pero kahit ganoon ay tiniis ko.
Mula nang makalabas ako nang ospital at bumalik sa trabaho ay pinutol ko ang kumunikasyon ko sa mga stepbrothers at madrasta ko. Inuna ko ang sarili ko. Hinayaan kong pagalingin ang sarili ko malakas ang kumpiyansang sa tulong ng panalangin sa Diyos ay malagpasan ko ito. At nagawa ko, Nay. Gumaling ako pero lumala ang pagkabingi ko.
Subalit, hindi iyon naging hadlang sa trabaho ko dahil may isang tainga pa rin naman akong nakakarinig. Kahit nasasaktan ang damdamin kong makarinig minsan na napapagalitan ako dahil iba ang pagkakarinig ko ay nagpatuloy pa rin ako. Nakining na lang ako nang mabuti o 'di kaya ay personal kong kinakausap ang bisor ko nang malipat na ako sa isang E-mail account na e-e-mail na lang nila sa akin ang mga pointers o update. May ibang naintindihan ako pero mayroon ding hindi.
Pero gaya nga ng sinabi ko ay nalagpasan ko ito at muling nanumbalik ang pagiging positibo ko sa buhay. Sana nga sa bawat pagsubok na hinarap ko ay naroon kayo at lagi akong niyayakap. Kaso wala e. Mag-isa lamang ako palagi. Nananalangin pa rin ako na sana ay magkita na tayo, Nay. Sabik na sabik na akong makita ka.
Ngunit, hanggang dito na lamang ang ikukuwento ko sa iyo, Nay. Kapag nagkita na tayo ay dadagdagan ko ang sasabihin ko sa inyo ng tungkol sa mga pinagdaanan ko at pagdaraanan pa. At sana sa mga pagdaraanan ko ay kasama na kita at hindi na ako mag-iisa.
Salamat sa pagbibigay sa akin ng buhay, Nanay. Sabik na sabik na akong makita, at mahagkan ka at masabi sa iyong mahal na mahal po kita, Nanay.
Ang iyong nawawalang anak,
Dodoy
BINABASA MO ANG
Nanay
SaggisticaIkaw ang nagbigay ng buhay. Sa iyo ako ay nanggaling. Namumukod-tanging alaala ko. Pinaka-inasam-asam na makita. O, aking mahal na Ina. Hango sa tunay na buhay.