Dear Nanay,
Ipagpapatuloy ko po ang aking nasimulang liham para sa iyo. Ito po ang aking paraan upang maihatid ko sa iyo ang bugso ng aking damdamin at pananabik na makita kayo.
Naitawid ko po ang hayskul at tutungtong na ako sa kolehiyo. Akala ko nga noon ay susuportahan ako ni Tatay pero nagkamali ako. Akala ko nga noon kapag tatay ka o magulang ka, kahit mahirap ay kakayanin mong tuparin ang pangarap ng iyong anak. Pero iba si Tatay, Nay. Ibang-iba.
"Pasensiya ka na, hindi ko kayang pag-aralin ka sa kolehiyo. Alam mo namang marami kayo e, 'di ba?" Iyan ang sinabi niya sa akin. Sa halip na malungkot ay ngumiti na lamang ako. Pumunta ako sa paaralan kung saan doon din ako mag-eenrol sa kolehiyo. Pinuntahan ko rin ang kaklase ko at humingi ako ng tulong sa nanay niya.
Sa tulong ng panalangin ay natulungan ako ng guro ko na siyang ring nanay ng kaklase ko. Siyempre, kailangan kong pasahan ang scholarship slots upang makapag-aral ako. Tuwang-tuwa ako, Nay. Walang pagsidlan ang kaligayahan ko. Hindi ko muna iyon sinabi kay Tatay.
Kinabukasan ay pinasa ko ang lahat ng mga requirements. Kumuha na rin ako ng entrance exam at nakapasa ako. Sumunod ay ang interview sa sponsor ng schokarship at nakapasa ulit. Thankful na thankful talaga ako noon. Naging scholar ako hanggang sa sumapit ako ng second year. May isa pa palang sorpresa dahil nagawa ko ring mag-aplay bilang working student sa unibersidad na iyon, Nay.
Hindi nga dapat puwede ang maging student assistant kasi double grants o scholarship na rin iyon. Pero dahil sa kabaitan ko at sa tulong ng Superintendent namin ay naging schoar ako and at the same time ay working student. From first year to third year. Hindi lang iyon ang nangyari, Inay.
Wala man akong pamasahe mula bahay hanggang unibersidad at nilalakad ang mahigit dalawang oras makarating lamang sa paaralang iyon ay ginawa ko. Ganoon ako kapursigidong mag-aral. Marami na kasi ang anak ni Tatay e. Hindi na lang ako ang anak niya. Hindi naging madali na tanggapin ni Tatay na natalo ko siya. Kasi akala niya tinanggap ko ang sinabi niyang hindi na ako makakapag-kolehiyo.
Nakakapag-aral man ako ay may kaakibat pa ring pagdurusa. Maaga akong nagigising upang mag-igib ng tubig na pampaligo at pang-saing sa umaga. Hindi balde ang hawak ko kung hindi container. Kaliwa't kanan ko iyong binibitbit. Minsan kinakarga sa balikat ko. Sabihin na nating malapit lang naman ang iniigiban ko sa bahay pero hindi ako maskulado noon, Nay. Patpatin ako. Payat na payat. Kulang na lang ay liparin ako ng hangin sa kapayatan ko. Kahit araw-araw kong ginagawa iyon, isang beses lang sa isang linggo kung ako ay abutan ni Tatay o ng madrasta ko ng baong pera. Hindi ako nagreklamo. Nagbaon lang ako ng kanin tapos pagdating sa paaralan ay gumagawa ako ng paraan.
Tuwing vacant ko ay hindi ako sa canteen pumupunta kung hindi ay sa library o sa Dean's office or Registrar's office or sa Superintendent office ako. Gaya nga ng sinabi ko ay mababait ang faculty at alam nila ang sitwasyon ko. Minsan wala akong ulam pero nagkakaroon ako ng ulam dahil may mga kaklse akong generous sa akin. Minsan naman ang mga faculty ang nagbibigay ng ulam sa akin. At ang hindi ko malilimutan ay ang pinapapunta ako palagi sa bahay ng kaklase ko na guro ko rin na siyang tumulong sa akin na mag-aplay as scholar. Bakit doon ako sa kanila? Kasi may karinderya at libre ulam ko. Sobrang thankful talaga ako sa kanila.
Kung anong saya ko sa paralan ay kabaligtaran naman pagdating sa bahay, Nay. Ginawa akong labandero. Tigasin ika nga. Taga-saing. Taga-lampaso sa sahig. Taga-linis, taga-hugas at iba pang gawaing pambahay. Ang malala ay ang maging labandero dahil hindi ko inakalang tatablan ako ng sakit sa baga noon.
Naranasan ko ang ma-diagnose sa Tubercolosis, Nay. Tatlong buwan akong pabalik-balik sa health center para kumuha ng libreng gamot. Sa pagkakaalala ko ay may anim o pitong klaseng gamot ang iniinom ko para lang gumaling. Sa kabila ng lahat ng iyon ay nanatili pa rin akong positibo dahil alam kong makikita pa rin kita, Nay kahit pa malayo tayo sa isa't-isa.
Sabik na sabik ako sa iyo, Nanay.
Mahal na mahal ko po kayo, Nay.
Ang nawawalang anak mo,
Dodoy
BINABASA MO ANG
Nanay
Non-FictionIkaw ang nagbigay ng buhay. Sa iyo ako ay nanggaling. Namumukod-tanging alaala ko. Pinaka-inasam-asam na makita. O, aking mahal na Ina. Hango sa tunay na buhay.