Mahal kong Nanay,
Mula nang maranasan ko ang ginawa ni Tatay, unti-unting nawala sa akin ang pagmamahal ko sa kaniya bilang anak. Nagtino na lamang ako at nag-aral ng mabuti.
Nakita naman nila kung gaano ako naging mabait. At sa edad nga na siyam na gulang ay naging independent na ako. Natutunan kong mag-isa ang mag-saing, mag-igib, at maglinis sa loob at labas ng bahay. Sinunod ko ang lahat ng gusto nila.
All-around ang mga gawaing ginawa ko. Sa kabila ng pagiging masipag ko ay hindi pa rin ako tinantanan ng pananakit. Kasi nga kaunting mali ko lamang ay kurot agad sa hita ang inaabot ko sa aking madrasta. O hindi naman kaya ay hahatawan ako o papaluin ng walis tingting o kahit anong bagay na mahawakan niya.
Mas lalo akong pumayat. Pakiramdam ko nga alila ako e kasi sinabi na rin sa akin na hindi niya ako tunay na anak. Sampid lang daw ako. Anak sa labas ni Tatay. Ampon at kung anu-ano pang tawag sa inabandonang anak. Tahimik lang ako, Nay. Hindi ako lumaban o lumalaban. Wala akong karapatan na salungatin sila dahil wala pa akong napapatunayan.
Nakailang beses din akong nagtangkang maglayas at magpakamatay pero lahat nang iyon ay palpak at hindi nagtatagumpay. Kaya ang ginawa ko ay nagsusunog na lamang ako ng kilay upang makapagtapos sa pag-aaral at upang mahanap ko kayo.
Subalit, maging ang pag-aaral ko ay may kaakibat din palang pagdurusa. Ikukuwento ko po sa inyo sa susunod na pahina.
Naiiyak ako, Nay. Gusto ko kayong yakapin nang mahigpit na mahigpit.
Mahal na mahal ko po kayo, Nanay.
Ang iyong nawawalang anak,
Dodoy

BINABASA MO ANG
Nanay
Non-FictionIkaw ang nagbigay ng buhay. Sa iyo ako ay nanggaling. Namumukod-tanging alaala ko. Pinaka-inasam-asam na makita. O, aking mahal na Ina. Hango sa tunay na buhay.