Mahal kong Nanay,
Sa pagkakaalala ko ay may kinamulatan akong ina at iyon ang aking madrasta. At dahil bata pa lamang ako noon ay wala akong alam sa kung ano ang tama sa mali, o kung sino ang mabait at hindi sa paningin ko.
Minsan lang sa isang linggo kung umuwi si Tatay. Mekaniko siya at malayo ang lugar na pinagtatrabahuhan niya sa tinitirhan namin. Lagi akong naiiwan sa poder ng aking madrasta. Sa halip na ako ay alagaan, ibang tao ang nag-aalaga sa akin. Sa mga kaibigan niya akong Muslim iniiwan. Ang ginagawa niya? Ayun, naglalaro ng mahjong kasama ang kaniyang mga kaibigan.
Ni hindi ko nga alam kung gutom ba ako o kumakalam sikmura ko e. Kasi nga bata at walang gawin kung hindi ang umiyak nang umiyak. At dahil nga umiiyak ako, nakakatikim ako ng iba't ibang pananakit. Nariyan ang kurutin ako. Sampalin ang bibig ko upang patahanin ako o 'di kaya ay paluin ako sa puwet.
Siyempre, ako naman si walang alam ay iyak na lang nang iyak dahil walang alam kung bakit ako pinapagalitan o pinapalo. Ano ang laban ko 'di ba? Wala! Walang-wala! Sino ba ako upang magsalita e hindi nga ako inaalagaan nang maayos.
Alam po ba ninyong dahil sa pagiging iresponsable ng madrasta ko ay muntik na akong mahulog. Iwanan ka ba namang nakaupo sa mesa tapos ako naman dahil bata ay gumapang upang makababa. Pero hindi man lang ako naalala na pababain. Mabuti na lamang at dumating si Tatay na siyang nakakita ng muntikan ko nang pagkahulog.
Ngunit, may mas titindi pa ba sa naranasan kong magkasakit? Dinapuan lang naman ako ng tigdas noong magdadalawang taong gulang na ako, Nanay.
Sundan po ninyo sa susunod na pahina, Nanay ang kuwento ko.
Mahal na mahal ko po kayo, Nanay.
Ang iyong nawawalang anak,
Dodoy
BINABASA MO ANG
Nanay
Non-FictionIkaw ang nagbigay ng buhay. Sa iyo ako ay nanggaling. Namumukod-tanging alaala ko. Pinaka-inasam-asam na makita. O, aking mahal na Ina. Hango sa tunay na buhay.