Field Trip-Part One

21 7 0
                                    

May mga bagay talaga na madaling sabihin pero mahirap gawin. Lalo na pag first time mo at wala kang clue kung paano magsisimula. Nagresearch naman ako. Nagtanong na rin kay Blue at sa mga kaklase kong lalake. Pero bakit hirap pa din akong gawin ang first step sa panliligaw?

Sabi kasi nila ang first step ay getting to know each other. Eh paano pag mahiyain ka at di sanay makipag-usap, tulad ko? May nagsabi naman ang panliligaw daw ay wala kang dapat sundin na steps. Pasayahin mo lang daw sya at tyak mapapa-oo ito. Eh paano pag mahina ang sense of humor mo, tulad ko?

Tatlong araw ang lumipas mula noong napagdesisyonan kong liligawan ko si Anika, pero hanggang ngayon wala pa ring progress. Gusto ko ng matulog ngunit nagagambala pa ang aking isipan. Gusto pa siguro nitong mag-isip, kahit wala ng maisip, kung paano manligaw kay Anika. Paano kasi, itong puso ko, panay ang reklamo at tampo sa aking utak. At ito namang utak ko, hindi matiis ang aking puso. Kawawa tuloy ang aking katawan--lalo na ang kambal kong mata.

Kailangan ko ng matulog para bukas. Maaga kasi kaming babyahe, mga 6:30am para makaiwas sa traffic. At time check, 12:11am. Dalawang tasa ng kape ang kakailangan ko nito mamaya sa almusal.

Hindi ko alam kung saang banda ako nakatulog o kung nakatulog ba talaga ako. Para kasing limang minuto lang ang lumipas, pero pagmulat ng mga mata ko, 5 am na.

Bumangon ako. Rinig ko ang pagprito ni mama sa kusina. Wala akong sinayang na minuto at bumaba na para makaligo. Ang pinakaayaw ko kasi sa lahat ay yung nalilate ako, at kahit na kalahati lang ang bukas ng aking mga mata pinilit ko pa ring bumaba.

Natapos akong maligo, magbihis, at mag-almusal ng mga bandang 5:45 am. Ang laman ng bag na dala ko ay panyo at apat na pares ng sandwich. Lalagyan pa sana ni mama ng tumbler, yung isang litro at tubig ang laman. Pero pinigilan ko sya kasi magiging hassle lang yun. Pwede naman akong bumili sa tindahan eh. Isa pa siguradong hindi ko mauubos yun.

Tricycle ang sinakyan ko papunta sa school. Doon kasi ang meeting place namin, at nakapwesto na doon ang bus na sasakyan namin.

Malamig ang simoy ng hangin. Buti na lang nagjacket ako. Guards at ilang faculties lang ang nakita ko habang papasok ako sa school. May green na bus ang nakapark sa school grounds at agad ko itong tinungo. Diretso lang ang lakad at tingin ko kaya hindi ko napansin si Anika.

Nalaman ko lang na nandito pala sya nang tawagin nya ako bago pa ako makasakay sa bus.

"As usual, ang punctual mo," sabi nya. Nakaupo sya sa bench. Isang graphic novel ang hawak ng kanyang dalawang kamay. Hula ko sci-fi to. Mahilig kasi sya sa science. Future astronaut eh.

"Pero pangalawa lang ako sa'yo," tugon ko sa kanya. Nakatali ang kanyang buhok--messy bun siguro ang tawag nito--at suot nya ay puting hoodie na may mukha ni E.T. sa gitna. Pinkish ang kanyang pisngi. Hindi ko alam kung make-up ba o dahil sa lamig.

Ngumiti sya at tinuloy ang kanyang pagbabasa. Kami pa lang sa klase namin ang nandito.

Pinagmasdan ko sya at di maiwasan ang pagbilis ng tibok ng aking puso. Napakadali kasi nyang mahalin, pero ang hirap abutin.

"Oh? Balak mo bang maging statwa?" sabi nya na ikinabigla ko.

"Ha? Ah--hindi," sagot ko.

Nagpoker face sya. "Eh ba't nakatayo ka pa dyan?"

"Uh trip ko lang," sabi ko at dahan-dahang lumapit sa kanya. "Pwede bang tumabi?"

"Syempre. Di naman akin tong bench eh."

Hindi pala make-up ang nasa pisngi nya, sadyang epekto lang ng lamig. Ang aga nya siguro para lamigin ng ganito. Bakit kaya? Gusto ko syang tanungin, pero ayokong makaistorbo sa kanyang pagbabasa. Kaya tumingin nalang ako sa malayo para aliwin ang aking sarili.

Lunod ako sa lalim ng aking iniisip nang kinausap nya ako.

"Naniniwala ka ba sa aliens?" tanong nya.

Kumunot ang noo ko sa sobrang out of the blue nyang tanong.

"Hindi," sagot ko sabay iling.

"Bakit?"

"Hindi ko pa kasi nakikita at wala namang solid proof kaya hindi ako naniniwala."

"Eh sa love naniniwala ka ba?"

"Ha?!" Hindi ko inasahan ang kanyang follow up question. Hindi ko rin mapigilan ang pag-init ng pisngi ko. Normal lang naman siguro ang ganitong reaction pag si crush ang nagtanong tungkol sa love, di ba? Di ba? Hindi naman siguro ako nababakla?

"Sabi ko naniniwala ka ba sa love?" pag-uulit nya.

"Ah oo," tumango ako. "Naniniwala ako sa love."

Tumingin sya sa malayo bago nagsalita. "Ang weird noh? Naniniwala ka sa love na hindi mo nakikita, pero di mo magawang paniwalaan ang aliens na di mo rin nakikita."

Kusang gumalaw ang kaliwang kamay ko. Hinawi nito ang strand ng buhok na tumatakip sa kanyang mga mata. Kusa ring ngumiti ang aking mga labi nang bumalik ang kanyang tingin sa akin.

"Naniniwala ako sa love dahil nararamdaman ko ito, Anika," sabi ko sa kanya.

Hindi sya umimik at nakipagtitigan lang sa akin. Pansin ko ang pagpula lalo ng kanyang mga pisngi. Slow motion ang kanyang pagkisapmata na sinundan ng isang matamis na ngiti.

"Tara na sa bus," sabi nya tapos ginulo ang aking buhok. "Tabi tayo ulit, Jon."


 

His Farewell (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon