Pinipilit Kong Matulog Nang Maaga

28 1 0
                                    

"Maliwanag na ang buwan nang makauwi ako kagabi. Ang bahay ay okupado ng tunog ng radyo ng tatay ko, ngunit nabibingi sa tunog ng orasang pumipitik bawat segundo. Nang lumingon sa orasang nakasabit, saad nito'y labinlimang minuto bago mag-alas nueve. Dali-dali akong naghilamos, uminom ng tubig at nagbihis. Natutuliro. Nababalisa. Kailangan kong magmadali.

Bumyahe papuntang kama, humiga at nanalangin. Sinubukan kong pumikit ngunit ang diwa ay gising na gising. Binilang ko sa daliri, siyam na oras ang magiging tulog ko kung sa mga oras na ito, nagsimula na kong managinip.

Ngunit tumawid ang oras sa alas nueve impunto. Ang bawat kasunod na segundo na susulong ay isang dekadang hihila sa akin paurong. Malamig ang hangin, at sa bawat daplis nito ay parang agihap na nilagyan ng asin. Buhat nang magkasalungat ang ating landas, wala na akong ibang ninais kundi itulog na lang ang lahat.

Pinipilit kong matulog nang maaga dahil sa paglalim ng gabi na nakadilat ang aking mata, wala akong nakikita kundi ikaw–kung paanong mas malinaw kitang natatanaw na lumalayo, kaysa sa tayong dalawa, noon, na unti-unting lumalabo.

Pinipilit kong matulog nang maaga upang wag mahulog sa patibong ng nakakaakit na social media, para lang ikulong ang sarili ko sa pagtunghay sa buhay mong masayang umuusad, habang tinatanong sa sarili ko paano mo nagawa 'yon agad-agad?

Pinipilit kong matulog nang maaga kasi ayoko nang paulit-ulit marindi sa radyo hatid ang mga awiting minsang inawit at tinugtog mo; kung paano mong napaniwala na ang tulad ko'y karapat-dapat alayan ng kantang inaral mo ng dalawang linggo sa gitara at piano, tinugtog ng paulit-ulit kahit na may kalyo... kung paano mong ipinaramdam na ikaw ay akin at ako'y sayo... kung paano mo pinakita sa'kin na mayroong tayo.

Pinipilit kong matulog nang maaga dahil sawa na akong maramdaman ang lutong ng punda ng unan kong natuyo mula sa pagluha ko magdamag, sa tuwing nilulukot ng aking kamay sa tindi ng kapit na sana ganon din yong atin noon– buhos lahat. Nilalamukos ang punda sa tindi ng sakit sa pag-iisip kung saan, paano, bakit tayo nagkasalungat?

Pinipilit kong matulog nang maaga, alas nueve impunto, dahil mas masakit matunghayan kung paanong lumiliwanag ang buwan dahil lang sa mas dumidilim ang gabi. Ang araw, binigay niya na't lahat ang liwanag, ngunit wala namang pumapansin.  Ayoko nang magtanong kung bakit kahit binigay ko ang lahat ay may kulang pa rin. Pagod na kong isipin kung bakit mas maganda ang liwanag kung napapaligiran ito ng dilim.

Tumakbo na ang oras na di ko namamalayan. Tumakbo na ito't nakarating na sa kinabukasan. Ilang libong postura na ang nagawa ko sa mumunting kama, wari bang naliligaw sa dating mundo na naging bago nang ika'y mawala. Pasado ala-una, ako'y nakatulala... kinukumbinsi ang sarili... pilitin mong kumawala... pilitin mo... pilitin mo... hanggang sa napahinto ako't napaisip, na sa libong gabi na pinilit kong matulog nang maaga at mahimbing, ang kailangan ko lang pala talaga ay tuluyang... magising"

It's NothingWhere stories live. Discover now