Kasabay ng pagkumpas ng kamay ng orasan ay ang pagtibok ng puso kong naguguluhan.
Naguguluhan sa kung ano nga ba ang dapat kong maramdaman.
Ang maging masaya dahil sa wakas ay natutunan ko nang palayain ka, o ang masaktan sa hindi mo paglaban.Sa muling pagkakataon, hayaan mo akong sariwain ang bawat nabuong ala-ala.
Simulan natin sa umpisa,
Sa kung paanong sa dinami-rami ng tao, tayo ay nagkakilala.
Sa bawat araw na lumipas walang ibang naramdaman kundi saya at hiniling na sana hindi na matapos pa.
Ang bawat mong salita na nagdulot ng kiliti at ngiti sa aking labi, nagbigay ng mumunting pag-asa na baka sakaling mas lumalim pa, at gumising sa diwa puso kong tila ba wala nang balak magmahal pa.
Ikaw ang nagparamdam kung gaano ulit kasarap ang umibig at nagsilbing paksa sa bawat sinusulat kong tula.Simulan natin sa umpisa.
Noong nagkwento ka ng mga malulungkot at masasakit mong karanasan at wala akong ibang ginawa kundi ang ikaw ay pakinggan.
Hindi alintana ang paglalim ng gabi at paglaban sa antok na nagbabalak humadlang sa mundong binubuo natin.
Lalo na ang mga sakit na dulot ng nakalipas mong relasyon na dahilan kung bakit ka nagkakaganyan.
Kung paanong ang bawat tono ng gitarang hawak mo ay ang mga emosyon na kinikimkim mo.
Naintindihan kita sa bawat linya mong ""Pagod na ako"", at ipinaintindi ko naman sayo na hindi talaga patas ang mundo.Simulan natin sa umpisa.
Sa unang beses na ako ay lumuha at nasaktan.
Unang beses na nabasa ang aking unan na ikaw ang dahilan.
Nung gabing sinabi mong mayroon ng iba na dahilan kung bakit ka masaya.
Umasa akong AKO ang dahilan ng mga ngiti mo, pero nagkamali ako.
"" Okay lang ako"", mga katagang binitawan ko nung gabi ding yun noong nagtanong ka kung kumusta ako.
Habang tinitipa ang bawat letra ng salita, nag-uunahan ang mga luha galing sa aking mata na kahit anong pilit pigilan ay walang balak tumila.
Na animo'y nasa isang paligsahan ng paunahan na may tatanghaling panalo.
Bumabalik ang lahat ng ala-ala ng una nating pagsasama.
Nagtaka at nagtanong, "" Totoo ba ang lahat ng iyong ipinakita?""At nandito na nga tayo, sa posisyon na hindi natin ginusto.
Dahil takot tayong pareho na masaktan ang bawat nating puso.
Tanggap ko nang hanggang magkaibigan lang tayo.
Gaya ng sabi ko sayo, "" Hindi ako magbabago"".Hindi ako nagsisi na sayo ay nahulog ako.
Hindi. Hindi.
Kahit pagkakaibigan lang ay tatanggapin ko.
Dahil dito magtatagal ang IKAW at AKO.