Chapter 1

913 11 2
                                    

"I'm sorry that I have to hurt you this way, Janine. I just need some time for myself. Can you grant my wish, please?"

Iyon na yata ang pinaka-mahirap na desisyong ginawa niya sa buhay niya, ang pakawalan ang taong pinakamamahal niya. Wala nang mas sasakit pa sa ginawa niya na pagbigyan si Kristian na umalis sa buhay niya. Matagal na panahon ang anim na taong naging relasyon nila. Kung tutuusin, akala nga ng iba, sila na ang magkakatuluyan. Pero hindi rin pala lahat ng taong nagmamahalan ay nagtatagal.

Masakit isipin na akala mo, siya na ang para sayo, pero sa isang iglap ay mawawala siya bigla sayo nang hindi mo namamalayan, at hindi mo inaasahan. Pero dahil sobrang mahal mo siya, kahit gaano kasakit ay pipilitin mong tiisin at kayanin ang hapdi, para sa kanya.

Limang buwan na ang nakalipas nang iwan siya ni Kristian. Pero hindi pa rin niya makalimutan ang lahat. Ang nararamdaman niyang sakit? Pareho pa rin at kasing-sakit pa rin nung araw na maghiwalay sila. Halos araw-araw, sumasagi ito sa isip niya at naluluha na lang siya dahil ang buong akala niya, wala nang makapaghihiwalay pa sa kanila. Naisip na nga niyang sana, ganun kadaling itapon ang anim na taong pinagsamahan nilang dalawa. Pero habang tumatagal, lalo siyang nanghihinayang sa mga nasayang na pagkakataon. Alam niya sa sarili niyang naging mabuti naman siyang nobya kay Kristian.  At alam rin naman niyang walang ibang babae ito. But things just don't work for the two of them anymore. Kaya naman siguro hinayaan na lang muna niya itong makahinga sa relasyon nilang dalawa.

Napakahirap para sa kanya ang bitawan ang lalaking mahal niya. Araw-araw, pagkatapos ng gabing iniwan siya nito, naiinggit siya sa mga magnobyong naglalakad sa kalsada, hawak ang kamay ng isa't-isa, at masayang masaya. Kahit na pilitin niyang hindi maging apektado, tila unti-unting dinudurog ng mga alaala ang kanyang puso, at hanggang ngayon ay umaasa pa rin siya na siya pa rin ang nasa puso ni Kristian.

"Janine, hindi ka pa ba babangon, anak? Tanghali na," sigaw ng mama niya.

"Mamaya na po, ma. Inaantok pa ako," pero ang totoo ay tulad ng araw-araw niyang dahilan, wala pa rin siyang ganang harapin ang mundo na hindi kasama si Kristian.

"Anak, alam ko naman na hindi mo pa rin tanggap hanggang ngayon ang biglaan niyong paghihiwalay ni Kristian. Pero hindi mo naman dapat parusahan ang sarili mo ng ganyan. Bumangon ka na, aalis ako ngayon. May pagkain dun sa may kusina, kumain ka," pag-aalala ng mama niya.

Napayakap na lang siya sa mama niya. Ganun na nga ang sinasabi ng mga kaibigan niya, na hayaan na niya, na kung sila nga talaga ang para sa isa’t-isa ay magkakabalikan sila ulit. Ngunit dahil sa sobrang sakit ng mga nangyari ay ni katiting na saya ay wala siyang maramdaman. Naaawa na nga ang ina niya na nakikita siyang hindi makapagconcentrate sa trabaho niya. Palagi na lang umuuwing malungkot, hindi na kumakain ng hapunan at hindi pa niya inaabutang nag-aalmusal sa umaga. Hanggang ngayon ay dala pa rin niya sa puso niya ang mga alaalang iniwan sa kanya ni Kristian na hirap na hirap pa rin siyang pakawalan.

“Sige po, ma. Ingat po kayo,”

“Kumain ka anak, ha? Maging matatag ka, alam kong kaya mo yan. Bilib ako sayo. O sige na, mauna na ako sayo,” sinarado ng mama niya ang pinto ng kwarto pagkalabas nito.

Panibagong araw na naman ang haharapin niya. Paano na nga ba siya ulit magsisimula? Araw-araw, pasakit ng pasakit ang nararamdaman niya, at hindi pa rin niya matanggap na ang lalaking minahal niya sa loob ng anim na taon ay wala na sa kanya. Muli niyang tinignan ang mga litratong nakunan nila sa cell phone niya. Masaya. Puno ng pag-ibig. Kaya naman ni minsan ay hindi pumasok sa isip niya na maghihiwalay sila. Kay Kristian niya nakita ang buhay niya sa hinaharap. Marami silang planong dalawa. Lilibutin nila ang mundo na magkasama, magpapakasal, magkakaron ng magandang bahay, at magkakapamilya. Ngunit sa isang iglap ay nawala ang lahat ng ito na parang walang nangyari.

Pumatak na naman ang luha niya sa hindi na malamang bilang, nasaktan na naman siya sa nakita niya. Ang lalaking kasama niya sa litrato ay hindi na mapapasakanya pang muli. Nananatili na lamang itong panaginip, isang panaginip na parang hindi nangyari. Pinilit niyang bumangon dahil panibagong hamon na naman sa kanya ang pumasok sa trabaho.

Dalawang taon na nang maipatayo niya ang sarili niyang klinika. Maliit lang ito ngunit masasabing kid-friendly ang environment dito. Nagtapos siya ng anim na taong kursong Dentistry at lisensyadong dentista na siya ngayon. Isa siyang Pediatric Dentist. Mahilig talaga si Janine sa mga bata. Kaya naman ito ang naging dahilan kung bakit nag-major siya sa Pediatric Dentistry noong kolehiyo. Dalawang taon rin siyang naging empleyado muna bago siya magpatayo ng sarili niyang klinika habang hinihintay ay resulta ng kanyang board exam.

Nag-asikaso na siya ng kanyang sarili, nagsuklay, at humarap sa salamin. Ibang-iba na ang itsura niya. Limang buwan pa lang ang nakakalipas ngunit tila hindi na maipinta ang mukha niya. Hindi na siya kasing aliwalas ng dati niyang mukha. Bakas pa rin sa mga mata niya ang mga sakit na talaga namang dinadamdam niya, at hindi pa rin maikakaila na sa saglit na panahong iniyak niya, ay hanggang ngayon, ito pa rin ang dahilan kung bakit siya nasasaktan.

PAGKARATING niya sa klinika ay naabutan niyang nakaupo ang empleyado niya sa may harapan, naghihintay na dumating siya dahil nasa kanya ang susi.

“Kaye, ang aga mo ah,” bungad niya.

“Okay lang ma’am. Kakarating ko lang rin po,”

“Halika, tulungan mo akong mag-bukas nito,”

Multi-specialty ang kanyang klinika. Isinama niya sa listahan ng kanyang mga kasosyo ang mga naging kaibigan niya noong kolehiyo na nag-major sa iba-ibang larangan ng Dentistry. Kaya naman sa dalawang taong pagkakatayo nito ay malaki na rin ang kinita niya sa klinikang ito. Palaging masaya ang aura dito dahil na rin sa mga kwelang kasamahan niya sa trabaho at minsan, may mga pasyente ring mahilig makipagbiruan. Ngunit sa loob ng limang buwang malungkot siya ay madalas, nagkukulong lang siya sa loob ng opisina niya.

Matapos mananghalian ay may pumasok sa kanyang klinika. Umiiyak na bata. Dahil sobrang hilig niya sa bata ay agad na nakadama siya ng awa nang marinig niyang umiiyak ito. Lumabas siya sa opisina niya at agad na lumapit sa bata.

“Aww, baby girl, what’s wrong?” she asked the kid. “Mama, ano pong nangyari?”

“Dok, kasi sumasakit daw ang ngipin niya, eh ayan, kinalikot niya kaya nagdudugo,”

“Ilan taon na po siya? Tara upo po sila dito,”

“3 years old lang ma’am. Baka may tumutubo pong ngipin,”

“Ah, sige tignan po natin yan mama,” hinawakan niya ang kamay ng bata at isinama sa loob ng klinika. “Wag ka na umiyak ha? Titignan yan ni Dra. Janine. Gusto mo ba ng lollipop?” tumango ang bata. “Kung gusto mo ng lollipop, dapat hindi ka na mag-cry. What’s your name?”

“Kri---sh---sha” sagot ng bata.

“Ayan. Dapat hindi na mag-cry si Krisha, para may lollipop siya,” binuhat niya ito sa dental chair. “Tignan nga natin, open your mouth,” sinilip niya ito. “Nagtu-toothbrush ka ba Krisha? Dapat nagtu-toothbrush ka para di na sumakit ang ngipin mo. Promise mo kay Dra. Janine, magtutoothbrush ka na palagi ha?”

“Opo,”

“Good. Here’s your lollipop,” binigay niya ang lollipop sa bata matapos niya itong i-mouth exam. “Mama, make sure na pag-toothbrushin po natin si Krisha para di na sumakit ang ngipin niya, normal lang po na sumasakit ang ngipin niya kasi meron pong bagong tumutubo. Pakainin na lang po siya ng ice cream, kasi hindi pa siya pwedeng uminom ng Mefenamic, then balik po sila dito pag sumakit pa para macheck up,” paliwanag niya.

“Maraming salamat dok,” ani ng ina.

Nawawala ang lungkot niya kapag nakakakita siya ng bata sa paligid niya. Tila ba kapag may bata ay napapawi ang lahat ng sakit na nararamdaman niya. Kaya naman sa biglang pagbisita ni Krisha sa klinika niya, ay talaga namang muling nakita ang ngiti sa kanyang mga labi. Napapansin ng mga kasamahan niya na masigla siya sa tuwing may bata sa paligid, na iba ang kasiyahang dala nito sa kanya.

Frustration niya ang magkaron ng anak. Bente-syete anyos na siya at talagang pangarap nila ni Kristian noon na magka-anak. Ang totoo, planadong-planado na nga ang kanilang future. May pangalan na ang magiging anak nila, may plano na kung saan sila magpapatayo ng bahay, at kung kalian sila magpapakasal. Masakit isipin na sa matagal na panahong pagpaplano nila ay nawala ang lahat ng ito sa isang iglap.

My Dear Dr. LoveTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon