Chapter 13 - Mind vs. Heart: The Final Battle

511 16 0
                                    

Chapter 13 – Mind vs. Heart: The Final Battle

“Magpaalam ka na sa mundo, Jervie.” Bulong ni Kevin. Dahan-dahan niyang idinidiin ang gatilyo ng baril na kanyang hawak nang biglang bumukas ang pintuan.

Napalingon sina Kevin, Mateo, at Nicole sa pintuan at doon nila nakita ang tatlong na lalaking pumasok sa loob. Ito ay sina Harold, Jonas, at Wilcor.

Napatayo bigla si Kevin at babarilin sana ang mga pumasok ngunit mabilis ang pangyayari. Tuloy-tuloy na sumugod ang tatlo. Bago pa man maitutok ni Kevin ang baril, binigyan na ni Jonas ito ng isang napakalakas na suntok sa mukha. Napatumba ito at tumalsik ang baril.

Sumugod naman si Harold kay Mateo at binigyan niya ito ng suntok ngunit maliksi ang kaniyang kalaban kaya nakaiwas ito. Sumuntok siyang muli, nakaiwas na naman si Mateo. Yumuko bahagya si Mateo at sinuntok si Harold sa dibdib. Napaluhod ang huli at tila hinahabol ang kanyang hininga. Sisipain pa sana ni Mateo si Harold nang biglang lumundag sa kanya si Jervie. Napatumba silang dalawa. Dito, pinaulanan ng suntok ni Jervie si Mateo sa mukha. Kaliwa. Kanan. Kaliwa. Kanan. Nakat’yempo si Mateo at sinipa si Jervie. Napatumba sa gilid ang huli.

Bigla namang sumugod si Harold at walang humpay na pinagsususuntok si Mateo. Suntok sa mukha… sa sikmura… sa tagiliran… sa braso… sa mukha ulit… sa sikmura. Hindi makapalag si Mateo. Pilit niyang hinaharangan ang mga suntok ni Harold ngunit may mga suntok ang binata na tumatama pa rin sa kanya. Nang makakita ng butas, bumawi si Mateo. Sinipa niya at sinuntok si Harold hanggang sa matumba ito.

Si Wilcor naman ay kaagad na dumiretso kay Nicole upang pakawalan ang dalaga. Natataranta si Wilcor sa pagtanggal ng tali kay Nicole. Nang makawala na ang dalaga, pinilit nitong tumayo ngunit nangangatog ang tuhod nito kaya napaupo muli siya. Umiiyak pa rin ang dalaga.

“Kaya mo ba? Nandoon sa baba yung pukies kasama si Marvin. Isuot mo muna ‘to.” Wika ni Wilcor at hinubad niya ang suot niyang jacket. Isinuot niya ito kay Nicole. Aakayin na sana ni Wilcor si Nicole palabas nang nakita niyang binubugbog ni Kevin si Jonas. “Dito ka lang. Papatulugin lang muna namin ‘tong dalawang gago na ‘to.” Sabay sugod.

“Tama na… please… itigil n’yo na ‘yan…” mahinang bulong ni Nicole.

Nang makalapit si Wilcor, hinatak niya si Kevin at sinuntok ng dalawang ulit. Hinatak niya si Kevin sa colar ng t-shirt ng binata at saka sinapak ulit. Napaatras si Kevin ng bahagya. Lumapit sa kanya si Wilcor at itunulak ng huli ang kalaban niya sa pader.

Tuloy-tuloy ang pag-iyak ni Nicole habang pinapanuod ang mga kaibigan niyang nakikipag-away. Lumingon si Nicole sa bandang kanan niya at nakita niya ang baril ni Kevin na tumalsik nang sugurin ito ni Jonas. Pinilit niyang tumayo ngunit natumba siya. Pinilit niyang gumapang hanggang makarating sa kinalalagyan ng baril. Kinuha niya ito at saka siya umayos ng upo. Nanginginig ang kamay niya, itinutok niya kay Mateo na binubugbog si Jervie ang baril at pumikit.

Kinalabit ni Nicole ang gatilyo ng baril.

Sa labas, naroon ang pukies kasama si Marvin. Hindi mapakali ang mga babae habang si Marvin ay kausap ang pulis sa kanyang cellphone.

“Pakiusap po, bilisan n’yo po. Hindi po namin alam kung ano ang p’wedeng mangyari. Sige po. Salamat po.” Wika ni Marvin sa kanyang kausap sa cellphone.

Pagkalagay ni Marvin ng cellphone sa bulsa niya, umalingawngaw ang putok ng baril galing sa loob. Nagtinginan ang lahat. Lalong bumulis ang tibok ng kanilang mga puso. Lalong lumakas ang kanilang kaba. Isang tili ang sumunod na kanilang narinig.

“Dito lang kayo!” wika ni Marvin saka tumakbo upang tingnan ang nangyayari sa loob.

Ilang segundo pa, tumakbo na rin si Ihza at sinundan si Marvin papuntang sa pinangyayarihan ng gulo.

See You in My Dreams (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon